|
||||||||
|
||
BINABANTAYAN ng mga tanyag na Pilipino ang nagaganap sa Tsina, sa pagdaraos ng 18th National Congress ng Communist Party of China. Isa sa mga nagmamasid sa nagaganap sa Beijing ay si Senador Edgardo J. Angara, ang pinakamatagal na naglingkod na Senador ng Republika mula noong 1986.
Sa isang panayam, sinabi niya na talagang sinusuri ng mga kasapi sa Kongreso ang ipapalit sa hahalinhang pinuno na si Hu Jintao. Aniya, sa Pilipinas na itinuturing na isang demokratikong bansa, ay magulo ang proseso ng pagpili ng mga pinuno ng bansa. Maituturing na isang malaking sugal ang pagpili ng pinuno.
Sa Tsina, pinag-aaalan nila ang magiging pinuno ng bansa. Pinuri din niya ang pahayag ni Pangulong Hu Jintao na nanawagan sa Kongreso na linisin ang pamahalaan ng korupsyon. Noong mga nakalipas na panahon ay isinasa-isangtabi lamang ang isyung ito subalit ngayo'y hinaharap na ng Tsina ng buong katapatan.
Si Angara ay naglingkod bilang Pangulo ng Integrated Bar of the Philippines noong dekada otsenta at nanilbihan din bilang Pangulo ng University of the Philippines bago pumasok sa larangan ng politika.
Si Senador Angara ang siyang namumuno sa isang pandaigdigang pagpupulong sa darating na Enero 2013 ng mga mambabatas na tumutuligsa sa korupsyon. Binabalak nga raw nilang anyayahan ang Communist Party of China na lumahok sa pagtitipon.
Binanggit niyang maganda ang tema ng pagpupulong ng Global Organization of Parliamentarians Against Corruption at Southeast Asian Parliamentarians Against Corruption na inaasahang makakaipon ng may 500 mga pinuno mula sa buong daigdig.
Mike Enriquez ng GMA TV News nagsabing makasaysayan ang nagaganap sa Beijing ngayon
Mike Enriquez
PAG mayroong pagbabago sa alinmang bansa ay nagkakaroon ng pagkakataong magsimulang-muli ay mapatibay ang pakikipagkaibigan sa mga kalapit bansa.
Ito ang paniniwala ni Ginoong Mike Enriquez, Pangulo ng RGMA Network, Inc., ang isa sa pinakamalaking kumpanya ng radyo sa Pilipinas sa ginawang panayam kaninang umaga sa kanyang tanggapan. Isa si Ginoong Enriquez sa pinakatanyag na radio/television personality sa Pilipinas.
Ang pagbabagong ito ang magdudulot higit na ikabubuti ng karamihan ng mga mamamayan sa Tsina. Naniniwala din siya na mas magiging panatag ang situwasyon hindi lamang sa West Philippine Sea o South China Sea kungdi sa mga kalapit-bansa.
Bumati na rin siya sa mga tagapakinig ng China Radio International sa nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Exports ng Pilipinas, lumago ng may 22% sa buwan ng Setyembre
SUMIGLA ang exports ng Pilipinas sa buwan ng Setyembre ayon sa balitang mula sa Tanggapan ng Tagapagsalita ng Pangulo na kalalabas lamang ngayon.
Lumago ng may 22.8% na nagkakahalaga ng $ 4.784 bilyon mula sa $ 3.897 noong Setyembre 2011 at naging pinakamabilis na paglago sa panahong ito ng 2012.
Ayon sa National Statistics Office, ito ay naganap sa paglalabas ng bansa ng tuna, metal components, saging, woodcrafts at furniture. Malaking pagbawi ito sa paglubog ng exports noong Agosto ng 9%. Kumita rin ang wiring sets na ginagamit sa mga sasakyan, mga eroplano at barko, kasama na ang mga produktong petrolyo, langis ng niyog at iba pang electronic products.
Ang Japan ang nangungunang mamimili ng mga paninda ng Pilipinas. Pangalawa naman ang Estados Unidos at People's Republic of China. Sa ASEAN, nangungunang pamilihan ng Pilipinas ang Singapore at Thailand.
Kahit pa may krisis na nagaganap sa ibang bahagi ng daigdig, nananatiling maayos ang katayuan ng Pilipinas, ayon pa sa pahayag mula sa tanggapan ni Kalihim Edwin Lacierda.
Sunog naganap sa kampo carme
HINDI pa rin mabatid ng mga autoridad ang dahilan ng sunog na puminsala sa Base Police Station sa loob ng Kampo Crame kaninang mag-aalas onse ng umaga.
Naganap ang sunog sa ikalawang palapag ng Headquarters Support Service malapit sa Epifanio Delos Santos Avenue, Quezon City. Tumagal ng higit sa 20 minuto ang sunog.
Ayon sa mga tauhan ng pamatay-sunog, nagsimula ang apoy sa silid na kinalalagyan ng mga kagamitan ng mga tauhan ng pulisya.
Nasugatan ang isang Inspector Josephus Alburo sa insidente. Personal na nagtungo si PNP Director General NIcanor Bartolome sa pinangyarihan ng sunog. Wala pang impormasyon kung gaano ang naging pinsala ng sunog.
Papal Nuncio nakatakdang dumalo sa Seremonyas sa naga Cathedral
DADALO si Arsobispo Giuseppe Pinto sa pagtatalaga sa ika-33 Arsobispo ng Caceres bukas ng umaga sa Metropolitan Cathedral sa Naga City. Itatalaga sa kanyang pinakahuling tungkulin si Arsobispo Rolando Octavo Joven Tria Tirona sa seremonyang gagawin sa ganap na ika-sampu ng umaga.
Binigyan siya ng arrival honors sa pagdating sa Pili Airport. Sinalubong ang papal nuncio ni Arsobispo Leonardo Z. Legaspi, OP kasama ang mga opisyal ng pamahalaang panglalawigan at pambayan. Nagkaroon din ng convoy mula sa paliparan patungo sa Tahanan ng Arsobispo.
Si Arsobispo Pinto ang siyang Dean of the Diplomatic Corps at siyang liaison sa pagitan ng Vatican City at ng mga kasapi ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Siya ang ika-15 kinatawan ng Santo papa at ika-10 Apostolic Nuncio to the Philippines. Pumasok siya sa Diplomatic Service ng Holy See noong Mayo uno, 1984 at nakapaglingkod na sa Papua New Guinea, Argentina at Vatican City State Secretariat. Naging Apostolic Nuncio sa Cape Verde, Senegal, Mali at Guinea-Bissau at naging Apostolic Delegate sa Mauritania.
Isinilang noong ika-26 ng Mayo, 1952, sa Bari, Italy, si Archbishop Pinto ay naordenan sa pagkapari noong unang araw ng Abril, 1978. Mayroon siyang Doctoral Degree in Canon Law at matatas magsalita ng Italian, French, English at Spanish.
Sa seremonya bukas ng umaga, dadalo ang mga mamamayan ng Camarines Sur at kaparian mula sa Infanta, Quezon at sa Lalawigan ng Aurora, sa loob at labas ng Kabikolan. Panauhin din si Cardinal-Designate Luis Antonio G. Tagle at Cebu Archbishop Jose S. Palma. Si Archbishop Leonardo Z. Legazpi, OP ang magiging installing prelate.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |