Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Chairman Emeritus ng PCCI: mga bagong pinuno ng Tsina handang-handa sa paglilingkod

(GMT+08:00) 2012-11-16 18:40:00       CRI

Chairman Emeritus ng PCCI: mga bagong pinuno ng Tsina handang-handa sa paglilingkod

SINABI ni Dr. Francis Chua, Chairman Emeritus ng Philippine Chamber of Commerce and Industry na ang mga bagong pinuno ng Tsina sa pangunguna ni Ginoong Xi Jinping ay handang-handa at may kakayahang humalili sa paalis na Pangulong Hu Jintao.

Sa isang pahayag na ipinadala sa CBCP Online Radio, sinabi ni Dr. Chua na umaasa siyang magagamit ng Tsina at Pilipinas ang pagkakataong ito upang higit na mapaganda, mapabuti at mapatibay ang relasyon sa larangan ng politika, ekonomiya at kultura.

Naglingkod si Dr. Chua bilang Special Trade Envoy to China noong nakalipas na administrasyon.

Pilipinas, pinuri ng IMF sa malakas na ekonomiya

MAGANDA ANG EKONOMIYA NG PILIPINAS.  Ito ang sinabi ni IMF Chief Christine Lagarde (kaliwa) sa kanyang pagdalaw kay Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay sa kanyang tanggapan sa Coconut Palace.  Mula sa dating pangungutang, ang Pilipinas ay nagpakita ng pakikiisa sa nagaganap na krisis sa pagpapadala ng $ 1 bilyon upang pakibangan ng ilang mga bansa sa Europa.  Ipinaliwanag din ni Ginoong Binay ang mga dahilan kung bakit nangingibang bansa ang mga Pilipino.

KAHIT may nagaganap na krisis sa iba't ibang bahagi ng daigdig ay maayos at malakas naman ang ekonomiya ng Pilipinas, ayon sa pahayag ni International Monetary Fund chief Christine Lagarde. Humarap siya sa mga mamamahayag sa Malacanang kaninang umaga.

Sinabi ni Bb. Lagarde na dating Finance Minister ng Francia na binati niya ang mga pinuno ng bansa sa magandang pamamalakad ng ekonomiya sa panahon ng krisis.

Idinagdag pa ng dumadalaw na pinuno ng IMF na ang Pilipinas lamang ang bansang binigyan ng increase sa growth forecast para sa taong ito. Sa taong 2012, napakahirap umano ng epekto ng financial crisis sa iba pang bahagi ng daigdig at Pilipinas lamang ang nagkaroon ng mas mataas ng growth forecast mula 4.7% ay ginawang 4.8%. Magugunitang nagkaroon ng forecast ang IMF noong Abril na 4.2%

Samantala, sa pagdalaw ni Bb. Legarde sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo Jejomar C. Binay, sinabi ng panauhin na napakaganda ng ginawa ng Pilipinas na nagpadala ng salapi sa World Bank upang ipahiram ang isang bilyong dolyar na pinakinabangan ng Ireland, Portugal at Greece. Dati kasing nangungutang ang Pilipinas sa World Bank at maging sa International Monetary Fund.

Sa kanilang pag-uusap, binanggit ni Ginoong Binay na sa 100% mga manggagawang nasa ibang bansa, 85% ang skilled workers na kinabibilangan ng mga propesyunal. Ang nalalabing 15% ay mga unskilled at mga domestic workers na nagkakaroon ng problema. Nakabalik na rin umano ang mga manggagawang Pilipino sa Libya.

Ipinaliwanag pa ng pangalawang pangulo na tatlo ang dahilan ng pangingibang-bansa ng mga Pilipino at ito ay para sa pamilya, sa edukasyon ng mga anak, at magkaroon ng sariling tahanan.

Potensyal ng pagmimina, malaki

MALAKI ANG POTENSYAL NG PAGMIMINA SA PILIPINAS.  Ito ang ipinaliliwanag ni Engr. Louie Sarmiento, Pangulo ng Philippine Mine Safety and Environment Association sa isang panayam sa Lungsod ng Baguio sa pagdaraos ng kanilang taunang kumbensyon.  Kailangan lamang ang tulong ng pamahalaan upang magkaroon ng higit na hanapbuhay ang mga Pilipino.

TINATAYANG aabot sa $ 1 trilyon ang halaga ng iba't ibang likas na yamang nasa Pilipinas. Sa likod ng katotohanang ito, hindi pa rin sapat ang suporta ng pamahalaan sa industriya.

Ayon kay Engr. Louie Sarmiento, Pangulo ng Philippine Mine Safety and Environment Association, naniniwala siyang mayroon namang "responsible mining" lalo pa't nahaharap ang industriya sa maraming hamon. Hindi umano sa mga salita at pahayag lamang ang buod ng kanilang pagtitipon sa Baguio City. Nakikita rin sa kanilang mga gawain ang responsableng pagmimina.

Tungkol sa pangamba ng marami na mas peligroso ang pagmimina kaysa sa benepisyong maidudulot sa tao, kailangan lamang ang tulong ng pamahalaan ang kanilang industriya. Pinararangalan ng kanilang samahan ang pinakaligtas na operasyon ng pagmimina hanggang sa pagpoproseso ng likas na yaman.

Ang mga sakuna ay kailanma'y hindi ginugusto ng mga nasa industriya kaya't kailangan ang higit na pag-iingat. Kahit pa may mga lindol na nagaganap sa buong bansa, hindi naman ito sasapat upang huwag nang payagan ang pagpapayabong ng industriya sapagkat may mga disenyong ginagawa upang huwag maapektuhan ng anumang pagyanig ng lupa.

Kasapi nila ang may 88 mga kumpanya ng mina na nahahati sa metallic at non-metallic mining companies. Sa kabuuhan, aabot sa 150,000 katao ang sangkot sa industriya ng pagmimina sa buong bansa. Nararapat lamang isulong ang industriyang ito sapagkat mas maraming makikinabang. Mayroon pa ring moratorium ang pamahalaan at naghihintay ang limang malalaking kumpanya na kinabibilangan ng kontrobersyal na Sagittarius Mines na mula sa isang malaking kumpanyang may mataas na standards sa mine safety at environment.

Mga biktima ng sakuna sa lansangan, gugunutain sa linggo

ISANG Misa ang gaganapin sa St. Peter's Parish sa Commonwealth Avenue, Quezon City bilang paggunita sa mga nasawi sa mga sakuna sa lansangan sa buong daigdig.

Ganap na ika-anim na umaga, sa araw ng Linggo, idaraos ang Misa sa pamumuno ni Fr. Jonald Concha ng Diocese of Novaliches. Ayon kay Engr. Bert Suansing, Secretary General ng kalipunan ng mga samahang kalahok sa pagkilos na ito, magkakaroon din ng mga panalangin sa ganap na ika-pito ng umaga sa lahat ng Simbahang Katoliko sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.

Pasisinayaan din ang isang marker para sa mga biktima ng sakuna sa UP Techno Hub sa Commonwealth Avenue na pook ng maraming mga sakuna sa nakalipas na ilang taon.

Magkakaroon din ng March of Solidarity at pagsisindi ng Torch of Hope at iba pang mga seremonya mula ikatlo hanggang ika-anim ng gabi sa SM by the Bay sa Mall of Asia.

Mga pari at kilalang PBA players, maglalaro para sa Bible Campaign

SA darating na Huwebes, maghaharap ang mga pari at pastor upang makatunggali ang mga tanyag na basketball players upang suportahan ang kampanya sa pamamahagi ng milyun-milyong Biblia sa mga tahanan ng mga Pilipino.

Binansagang "Warriors of the Word" o "WOW", matatampok ang mga manlalaro mula sa Philippine Basketball Association at mga pari at pastor ng mga Katoliko at mga Evangelical sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Itinataguyod ng Philippine Bible Society para sa ika-113 taong ng pagkakatatag, susuporta ito sa "May They Be One Bible Campaign na mamamahagi ng limang milyong biblia sa mahihirap na tahanan sa loob ng pitong taon.

Makakasama sa laro sina Alvin Patrimonio, Johnny Abarientos, Jerry Codinera, Kenneth Duremdes, Marlou Aquino, Rodney Santos, Joey Sta. Maria, Ronald Magtulis, Olsen RAcela, Eric Gascon, Bobby Jose at Elmer Reyes at Ato Agustin. Makakalaro nila sina Alex Tinsay, DJ Escusa at Fr. Antonio Navarette ng Arkediyosesis ng Maynila.

 

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>