|
||||||||
|
||
Gaza Strip, bawal sa mga manggagawang Pilipino
NAGKAISA ang mga kasapi ng governing board ng Philippine Overseas Employment Administration na huwag munang pahintulutang makaalis ang mga manggagawang Pilipino na maghahanapbuhay sa Gaza Strip sa Israel sapagkat malubha ang sagupaan sa pagitan ng mga Israeli at mga Hamas militia sa nakalipas na ilang linggo.
Sinabi ni Kalihim Rosalinda Baldoz ng Kagawaran ng Paggawa at Hanapbuhay na pangangalagaan ng bansa ang kapakanan ng mga manggagawa. Ang timog at gitnang bahagi ng Israel ay nasa ilalim lamang ng Alert Level 1 at 2 at nangangahulugang walang anumang pangangailangang lumikas.
May unawaan na ang mga Kagawaran ng Ugnayang Panglabas at Paggawa at Hanapbuhay na huwag pahintulutan ang mga bagong manggagawang maglilingkod sa Gaza Strip hanggang hindi bumubuti ang situasyon. Samantala, hindi saklaw ng pagbabawal ang mga manggagawang nagbabakasyon lamang at nakatakda ng bumalik sa Israel.
Walang sasantuhin mga mamamayang sangkot sa extrajudicial killings
TINIYAK ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na walang sasantuhin sa mga taong sangkot sa mga extrajudicial killings kasunod ng patiyak na sila'y malilitis.
Sa isang press conference sa Malacanang, sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na may binuo nang isang lupong lulutas sa mga pagpaslang na ito. Papapanagutin din ang mga kawal at mga pulis na sangkot sa mga pagpasalang.
Ayon kay Atty. Valte, sinuman ang may kagagawan ay mapapanagot sa batas. Hindi basta mga kasapi ng tanggapang saklaw ng ehekutibo ang kasama sapagkat kanilang din ang mga kinatawan ng Commission on Human Rights bilang mga tagamasid at Ombudsman.
Binuo ni Pangulong Aquino ang isang tinaguriang "super body" na magsisiyasat sa mga sinauna at mga bagong usapon ng extrajudicial killings, enforced disappearances at iba pang paglabag sa karapatang pangtao. Prayoridad umano ang mga nagawa noong panahon ni Ginang Arroyo.
Nilagdaan ni Pangulong Aquino ang Administrative Order No. 35 noong bisperas ng ikatlong anibersaryo ng Maguindanao Massacre na ikinasawi ng may 58 katao sa kamay ng mga tauhan ng mga Ampatuan.
Sa ilalim ng kautusan, siyam katao ang bubuo sa inter-agency committee on extra-legal killings, enforced disappearances, torture at iba pang malubhang paglabag sa karapatang pangtao.
Mas maraming bokasyon inaasahan sa mga susunod na taon
MALAKING tulong ang pagiging santo ni Pedro Calungsod sa pangangalap ng mga kabataang may bokasyong maglingkod sa Simbahan. Ito ang pananaw ni Fr. Rochester Charles Resuello, national coordinator ng Directors of Vocations in the Philippines tungkol sa magiging epekto ng pinakahuling pagtatanghal ng mga bagong santo noong isang buwan.
Mas maraming inaasahang bokasyong magmumula sa Cebu, dagdag pa ni Fr. Resuello. Magugunitang sa Cebu nagmula ang ikalawang santo ng Pilipinas. Malaki umanong paanyaya sa bokasyon ang pagkakatampok kay Pedro Calungsod sa seremonyas na idinaos sa Vatican City noong ika-21 ng Oktubre, 2012.
Idinagdag ni Fr. Resuello na malaking bagay ang halimbawang ipinakita ni San Pedro Calungsod tulad ng kanyang katapatan sa pananampalataya at ang kanyang pagsaksi sa mga itinuturo ng Simbahan.
Si Fr. Resuello ang nangangasiwa sa pagsasanay ng may 50 vocation directors sa Pilipinas.
Sa kabayanihan ni San Pedro Calungsod noong 1672, magsisilbing inspirasyon ito sa mga kabataang Pilipino kahit pa higit na sa 300 taon na ang nakalilipas.
Batay sa 2012 Pontifical Yearbook, nakikita ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagpapari at nagiging madre sa Asia at maging sa Africa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |