|
||||||||
|
||
IBINALITA ni Socio-Economic Planning Secretary Arsenio M. Balisacan na malaki ang posibilidad na malampasan ng Pilipinas ang growth targets nito mula 5-6% sa taong ito.
Sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag kanina, sinabi niyang lumago ang Gross Domestic Product sa ikatlong sangkapat (quarter) ng 2012 at nakarating sa 7.1% kaya't natamo ang 6.5% economic performance mula unang araw ng Enero hanggang ngayong ika-28 ng Nobyembre 2012. Mas mataas ito sa median forecast ng merkado na 5.4%. Ito, ayon kay Ginoong Balisacan, ang pinakamabilis na economic growth sa loob ng Association of Southeast Asian Nations.
Lahat halos ng sektor ay kinakitaan ng pag-unlad. Ang gastos ng mga tahanan ay higit sa kalahati ng pag-unlad sa growth side. Naging mabagal umano ang paggalaw ng presyo at umabot lamang ang inflation sa 3.5% mula Hulyo hanggang Setyembre 2012. Nakita rin ang epekto ng patuloy na pagtitiwala ng consumers confidence tulad ng nakita sa Consumer Expectation Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Kinakitaan ng mga respondent ang ekonomiya ng mas maraming hanapbuhay, dagdag pa ni Kalihim Balisacan.
Malaking suhay din ang patuloy na pagpasok ng salaping mula sa mga manggagawang Pilipinong nasa iba't ibang bansa at lumago pa ito ng 4.2% at nakatulong din sa household spending.
Ibinalita rin ni Kalihim Balisacan na nakabawi na rin ang exports at umunlad ng 6.7% sa ikatlong sangkapat mula sa negative 14.8 ay nadagdagan na 6.7% mula noong nakalipas na taon.
Kalihim Abad, natuwa sa natamong growth rate
SA nakalipas na sampung buwan, ipinakita na may kakaibang lakas ang bansa kahit pa may kahirapang nararanasan sa ibang bahagi ng daigdig. Ayon kay Kalihim Florencio Abad ng Department of Budget and Management, nakita ng madla ang pag-angat ng ekonomiya sa unang dalawang sangkapat (quarters) ng taon at mapanatili ito sa masiglang paggasta, maayos na mga alitintunin at macroeconomic policies at reporma sa pagpapatakbo ng pamahalaan.
Ang natamong 7.1% GDP growth ay humigit pa sa itinalaga ng pamahalaan sa taong ito. Malaki rin ang papel ng pagpapaluwal ng salapi para sa mga pagawaing bayan, dagdag ni Kalihim Abad.
Dalubhasa sa financial disposition, magsasalita sa Maynila
ISANG tanyag na ekonomista at manunulat ang magsasalita sa isang Roundtable Conference sa Miyerkoles, ika-lima sa buwan ng Disyembre.
Ang panauhin ay si Dr. James Robinson, na nagmula sa Harvard University. Itinataguyod ng World Bank at ng Angara Centre for Law and Economics, si Dr. Robinson ay magsasalita sa harap ng may 150 mga opisyal ng pamahalaan, akademya at media.
Idaraos ang pagpupulong sa Ballroom 1 ng Mandarin Oriental Hotel at pinamagatang "Why Nations Fail." Ang aklat ay naglalaman ng kanyang pagsusuri sa katatayuan ng pananalapi ng daigdig.
Arsobispo Luis Antonio G. Tagle, darating na bukas
ISANG press conference ang isinasaayos sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sa ganap na ika-sampu ng umaga bukas sa pagdating ng pinakahuling kardinal mula sa Pilipinas.
Ang 55-taong gulang na arsobispo ay ginawa ng kardinal sa isang consistory na ipinatawag ni Pope Benedict XVI sa Vatican City noong nakalipas na Sabado, ika-24 sa buwan ng Nobyembre.
Sakay ng Cathay Pacific Flight CX 907, haharap ang Arsobispo ng Maynila sa mga mamamahayag mula sa iba't ibang ahensya. Inaasahang magbibigay siya ng larawan ng kanyang mga palatuntunang ipatutupad lalo pa't isa sa pinakamataong pook ang Arkediyosesis ng Maynila sa buong bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |