Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Makabagong kagamitan, kailangan pa rin ng pulisya

(GMT+08:00) 2012-11-29 18:19:57       CRI

Makabagong kagamitan, kailangan pa rin ng pulisya

MATAPOS ang ibayong pagsusuri, nabunyag na kailangan ng Philippine National Police (PNP) ng mga kagamitan upang higit na makatugon sa anumang krisis na posibleng maganap sa mga susunod na panahon.

Ayon kay PNP Director General Nicanor A. Bartolome, nakita niya mismo ang paraan ng pagtugon ng mga pulis sa mga pagsasanay ng PNP tactical units na lumahok sa taunang Evaluation Exercise of the Crisis Action Force na nagtapos kahapon sa iba't ibang bahagi ng Kalakhang Maynila.

Umaasa ang pulisya sa kumbinasyon ng kakayahan at kagamitan upang matapos ang kanilang mga gawain.

Dito lumabas ang pangangailangan ng mga kagamitan upang magtagumpay sila sa kanilang misyon. Inihalimbawa niya ang pangangailangan sa mas maaasahang body protection kabilang ang iba pang mga kagamitan na titiyak sa kaligtasan ng mga tauhan sa pakikipaglaban sa kriminal o mga terrorista.

Kailangan din ang mas malalakas na sandata. Matutugunan ito ng patuloy na palatuntunang bibili ng mga kagamitan sa mga susunod na buwan.

Ang mga ahensyang lumahok sa evaluation ay ang Special Action Force, Aviation Security Group at Maritime Group upang tumingkad ang mga pangangailangan ng tatlong mahahalagang grupo ng pulis. Kilala ang grupo o kalipunan ng mga pulis na ito bilang Crisis Response Force.

Pilipinas, humihiling sa Tsina na alisin ang kanilang mga barko sa Scarborough Shoal

HINILING ni Kalihim Albert Del Rosario sa Tsina na paalisin na muna ang tatlong barko mula sa pinagtatalunang batuhan sa South China Sea halos anim na buwan matapos mangakong aalisin ang mga ito.

Sa isang panayam ng isang television channel sa Maynila, sinabi ni Ginoong Del Rosario na samantalang inalis ng Pilipinas ang sariling mga barko sa Scarborough Shoal noong ika-apat ng Hunyo, tulad ng napagkasunduan ng dalawang bansa, nanatili ang tatlong barko ng Tsina sa pook.

Hindi naman daw inalis ng Tsina ang kanilang mga sasakyang-dagat. Hinihiling ng Pilipinas na kilalamin man lamang ng Tsina ang soberenya ng Pilipinas, dagdag ni Ginoong Del Rosario.

Nagkaroon ng "face-off" sa pag-itan ng Pilipinas at Tsina sa pagsusulong ng kani-kanilang paghahabol sa pag-aari ng batuhan. Ayon kay Ginoong Del Rosario, tulad ng napagkasunduan, inalis ng Pilipinas ang mga barko nito subalit hindi naman tumupad ang Tsina.

Nauna umanong sinabi ng isang opisyal ng Tsina na lubhang maalon kaya't 'di makapaglakbay ang kanilang mga barko bagama't hindi naman lumisan ang mga ito kahit gumanda na ang panahon.

Ang Tsina, Pilipinas, Brunei, Malaysia, Taiwan at Vietnam ay mayroong patong-patong na paghahabol sa mga batuhang ito sa South China Sea.

Walang tugon ang Political Officer at Spokesman, si Ginoong Zhang Hua ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas tungkol sa isyung ito.

Elitistang pamamalakad, kokondenahin bukas

TULAD ng kinagawian sa bawat pagdiriwang ng Araw ni Gat Andres Bonifacio tuwing ika-30 ng Nobyembre, magmamartsa ang mga manggagawa, mga maralitang taga-lungsod at mga kinatawan ng pribado at pampublikong sektor mula sa Mabuhay Rotonda sa Lungsod Quezon hanggang sa makasaysayang Tulay ng Mendiola sa Maynila.

Ayon sa koalisyong kilala sa pangalang Nagkaisa, higit sa 4,000 mga mamamayan ang magmamartsa upang kondenahin ang maka-elitistang pamamalakad ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na siyang lumalabag sa batayang kalakaran ng Karapatang Pangtao.

Ang koalisyon ay binubuo ng Trade Union Congress of the Philippines, Federation of Free Workers, Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Partido Manggagawa at Alliance of Progressive Labor.

Inaasahang mayroon ding mga banyagang makikilahok sa pagtitipon sa mga lansangan ng Maynila bukas.

Kardinal Luis Antonio G. Tagle, dumating na sa Pilipinas

MATAPOS itanghal na Kardinal ng Simabahang Katoliko, bumalik na sa Pilipinas si Arsobispo Luis Antonio G. Kardinal Tagle bago sumapit ang katanghalian kanina.

Sa idinaos na press conference, sinabi niya bukod sa biyayang kanyang tinanggap pinakahuling paghirang, isang malaking karangalan din ito para sa Arkediyosesis ng Maynila at sa buong bansa. Sa pangyayaring ito, tila humingi ng paumanhin ang bagong kardinal sapagkat maraming mga nakatakdang gawin ang hindi nagawa at mayroong mga pagpupulong na hindi natuloy.

Nagpasalamat din siya sa mga Pilipinong nasa Roma at mga kalapit pook na dumagsa sa basilica sa pagdaraos niya ng Misa ng Pasasalamat noong nakalipas na Linggo. Nagpakita ng kanilang pananampalataya ang mga Pilipinong nasa Italya, dagdag pa ni Kardinal Tagle.

Dumalo rin sa seremonyas sina Arsobispo Gaudencio B. Kardinal Rosales, ang hinalinhang arsobispo ni Kardinal Tagle. Nakasama rin ang kanyang mga magulang na naninirahan sa lalawigan ng Cavite.

Sa ganap na ika-sampu ng umaga sa darating na Sabado, idaraos ang kanyang Misa ng Pasasalamat sa simbahang nasa Paco District ng Lungsod ng Maynila.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>