|
||||||||
|
||
The first Guangzhou International Marathon
Mga kababayan, alam nating lahat na ang ehersisyo ay isa sa mga saligang pangangailangan ng ating mga katawan, at dapat ay regular nating ginagawa ito. Madalas nating marinig sa radyo at makita sa telebisyon ang ibat-ibang uri ng palaro at palakasan, isa na riyan ang mga laro ng ating pambansang kamao na si Manny Pacquiao. Pero, sa gabing ito, nais po nating pag-usapan ang mga iba pang epekto ng ehersisyo, partikular iyong tinatawag na "nasobrahan sa ehersisyo."
May kasabihan po tayo, "anumang kulang at sobra ay di-mabuti." Siyempre, hindi po tayo laban sa pag-eehersisyo, ito po ay mabuti sa ating mga katawan, pero, kapag nag-ehersisyo tayo, o sumali sa anumang palaro, na tulad ng marathon, kailangan ay nasa tamang kondisyon ang ating mga pangangatawan.
Noong ika-18 ng Nobyembre, isang 21 taong-gulang na mag-aaral sa kolehiyo na nagngangalang Chen Jie ang nawalan ng malay matapos niyang matapos ang Guangzhou International Marathon sa probinsya ng Guangdong. Makalipas ang ilang oras, namatay siya sa pagamutan dahil sa atake sa puso at sunud-sunod na organ failures.
Siguro, maari nating sabihin na ito ay nagkataon lamang dahil, napakabata pa niya para magkaroon ng atake sa puso. Pero, ayon sa opisyal na estadistika ng Guangzhou Marathon, 1,517 mananakbo ang nagkaroon ng discomfort, sprains, pagkahilo, at pamumulikat. Samantala, dalawang lalaki, kabilang si Chen, ang nawalan ng malay at itinakbo sa ospital.
"Maraming tao ang hindi nakakaalam na ang marathon ay hindi simpleng pagdi-diyaging lamang," ani Liao Shaofang, doktor sa emergency ward ng Tsinghua University, Hospital No. 1.
Si Liao ay dating Tier-2 national track-and-field athlete. "Ang marathon ay isang karerang nakabase sa resistensya at nangangailangan ng mataas na kondisyon ng pangangatawan," dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Liao, na ang mga mananakbo ay kailangang sumailalim sa propesyunal na pagsasanay sa loob ng panahong di-kukulangin sa 2 buwan. Aniya pa, kung maaari ay umabot ang pagsasanay sa 6 na buwan para maisigurado, na ang pangangatawan ng mga mananakbo ay akma sa marathon.
Ayon pa sa kanya, bago sumali sa isang marathon competition, kailangang ang isang kalahok ay walang chronic o metabolic na karamdaman, kagaya ng sakit sa puso, diabetes, altapresyon, o obesity.
People ran with models of running shoes on their back at the Hangzhou International Marathon
At saka, ang mga kalahok sa isang kompetisyon, na tulad nito ay kailangang hindi nasosobrahan. Ibig, sabihin, kung sa tingin ninyo, masyado na kayong pagod o masyadong mahaba ang distansya ng kompetisyon, kailangan ay magpahinga muna. Ani, Liao, makakasama sa katawan kung ipipilit at hindi na kaya.
Mga kababayan, minsan ay may nabasa akong isang artikulo hinggil sa isang legendary na mananakbong Griyego. Sa isang kompetisyon tumakbo siya nang walang hinto at walang pahinga, hanggang umabot siya sa katapusan. Ngunit, nang matapos niya ang palaro, namatay siya sa sobrang pagod.
Dumako naman tayo sa sinabi at karanasan ng ilan pang mananakbo.
Si Xu Qiong, ay 28 taong-gulang at isang public relations executive sa Beijing. Siya ay isa ring dating sundalo na tumatakbo ng 5 kilometro noong siya ay nasa aktibong serbisyo pa. Nang umalis siya sa pagkasundalo noong 2007, pinagpatuloy niya ang kanyang pagtakbo, at idinagdag niya ang swimming at badminton sa kanyang mga ginagawa.
Nang sumali si Xu sa Beijing International Marathon noong nakaraang taon, kampante siya, na kayang-kaya niya itong tapusin. Kaya, hindi na niya pinansin ang mga babala sa website ng nasabing organisasyon.
Pero, taliwas sa kanyang inaasahan, hindi niya natapos ang marathon at hindi man lamang siya umabot sa kalahati ng palaro. "It was totally different from what I'd expected," aniya.
Sa bandang simula, medyo mabilis ang kanyang pagtakbo. Pero, di-nagtagal, naramdaman na niya ang pagod. Mula sa 7 kilometro, hindi na siya muling tumakbo at lumakad na lamang siya.
"Kinapos ako ng hininga," sabi pa ni Xu.
Dagdag pa niya, nanghina at sumakit daw ang kanyang mga binti, at pakiramdam niya mamamatay siya sa mga sandaling iyon. Mabuti na lamang at nailigtas siya kaagad ng mga manggagamot ng palaro.
Ayon kay Xiong Xibei, isang 61 taong-gulang na propesor ng track-and-field ng Beijing Sport University at referee ng Beijing International Marathon mula 1981-2011, "Challenge yourself, but never push too hard."
Noong dekada sitenta (70), si Xiong ay guro ng physical education sa isang middle school.
A boy ran with his mother
Sa ating pakikipag-usap sa kanya, sinabi niyang nang mga panahong iyon, kayang-kaya ng kanyang mga babaeng estudyante na tumakbo ng 5 kilometro, samantalang para sa mga lalaki naman, walang problema ang 10 kilometro. Pero, sa kasalukuyan, aniya, iba na ang pangangatawan ng mga tao, at sa karaniwan, halos imposible para sa marami ang tumakbo ng sa full marathon.
Batay sa ating mga nabanggit, sa palagay ko, malaki ang impluwensya ng ating kapaligiran at pagkain sa kondisyon ng ating mga pangangatawan. At batay din sa aking personal na karanasan bilang isang atleta, sa pagsasagawa ng isang uri ng isports, napakaimportante ng tama at sapat na pagsasanay.
Halimbawa, kahit ang iyong katawan ay sanay sa swimming o badminton, hindi nangangahulugan na kapag sumali ka sa marathon ay matatapos mo ito nang walang problema. Alalahanin po natin na magkaibang uri ng palakasan ang mga ito, at may mga espisipikong pagsasanay na kinakailangan para maging akma ang pangangatawan sa bawat isports. Ito po iyong tinatawag na "specific o scientific training."
Ito ay nangangahulugan lamang na kailangan po ang kaukulang pag-iingat at paghahanda bago sumali sa anumang uri ng palakasan. Kailangang maging scientific ang approach para hindi magkaroon ng mga di-inaasahang aksidente, at siyempre, para maging maganda, malakas, at malusog ang ating pangangatawan.
At bilang panghuli, lagi po nating tandaan na kapag tayo ay sasali sa anumang uri ng palakasan. Huwag po nating sosobrahan. Ang anumang kulang o sobra ay di-mainam.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |