|
||||||||
|
||
HINDI pa nagtatanghaling-tapat ay itinaas na ang Signal No. 3 sa pitong pook sa Mindanao sa patuloy na paglapit ng Bagyong Pablo sa katimugang bahagi ng Pilipinas.
Ang mga lalawigan ng Agusan del Sur, Agusan del Norte, Siargao, Surigao del Sur, Surigao del Norte at Davao Oriental ay saklaw na ng Signal No. 3 samantalang nas ilalim ng Signal No. 2 ang Southern Leyte, Bohol, Camiguin, Misamis Oriental, Bukidnon, Davao del Norte at Compostela Valley.
Saklaw na rin ng Signal No. 1 ang Cuyo Island sa Palawan. Eastern Samar, Western Samar, Leyte, Biliran, Aklan, Capiz, Antique, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Negros Oriental, Cebu at Siquijor.
Kahit ang mga lalawigan sa Mindanao tulad ng Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur at Zamboanga City, Lanao del Norte at Lanao del Sur, Davao del Sur at North Cotabato at Maguindanao ay nasa Signal No. 1 na rin.
May lakas si Pablo na 175 kilometro bawat oras at may pagbugso na 210 kilometro bawat oras. May 550 kilometro ito sa timog-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur. May lawak ang bagyong ito na 600 kilometro at ulang mula 15 hanggang 30 milimetro bawat oras. Kumikilos si Pablo sa direksyon na kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 24 na kilometro bawat oras.
Pinayuhan na ng mga naninirahan sa baybay dagat at sa mga kabundukan na maaari silang mamiligro dala ng bagyong si Pablo dahilan sa storm surges at pagguho ng lup. Pinagbawalan na rin ang mga mangingisda na huwag munang maglayag.
Diocese of Surigao, handa na sa bagyong pablo
NAKAABANG na ang mga tauhan ng Diocese of Surigao sa anumang pinsalang maidudulot ng bagyong si Pablo sa kanilang pook.
Ayon kay Bishop Antonieto Cabajog, ipinagtataka nila kung bakit mainit pa ang sikat ng araw samantalang saklaw na sila ng Signal No. 3.
Ipinaliwanag ng obispo na mayroon silang mga tauhan na nakatalaga sa 28 parokya at tatlong quasi-parishes upang tumugon sa magiging pangangailangan ng mga mamamayan.
Mayroon na umanong kaukulang paghahanda ang Simbahan sa buong Surigao del Norte sa anumang magiging epekto ng malakas na bagyong si Pablo.
Samantala, sinabi ni Social Welfare and Development Secretary Corazon J. Soliman na ang lahat ng pangrehiyong tanggapan sa dadaanan ng bagyong Pablo ay nakapaghanda na ng pondo at family packs na ipamamahagi sa mga pamahalaang lokal na apektado ng bagyo.
Naihanda na ang P 3.7 milyon bilang standby funds at may higit sa P 38 milyong halaga ng relief goods ang nakalagay na sa Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northwestern Mindanao, Northeastern Mindanao at Caraga.
Tuloy ang operasyon ng DSWD sa mga pook na ito, dagdag pa ni Kalihim Soliman. Pinababantayan niya ang situasyon ay inaalam kung ano pa ang kailangan ng mga mamamayan sa oras na dumating ang bagyo.
Maayos ang ani ng palay sa Asia ngayong 2012; Tsina, kabalikat ng IRRI
NORMAL ang inaasahang aanihin ng mga magsasaka ng palay ngayong 2012 sapagkat wala namang malaking pinsalang natamo mula sa mga kalamidad hanggang sa araw na ito. Ito ang sinabi ni Dr. Robert S. Zeigler, Director General ng International Rice Research Institute sa isang panayam kaninang umaga sa Kagawaran ng Pagsasaka sa Lungsod ng Quezon.
Kahit natagalan ang tag-ulan sa India, mayroon naman silang sapat na naimbak kaya't walang anumang epekto sa pangrehiyong produksyon. Hindi rin dumaan ang malalakas na bagyo sa Pilipinas, Thailand at Vietnam kaya't maayos ang ani mga bansang ito.
Lahat halos ng bansa sa Asia ang gumagamit ng mga teknolohiya mula sa IRRI. Maraming mga uri ng palay ay nagmula sa IRRI, tulad rin ng integrated pest management ay nag-ugat sa kanilang tanggapan.
Bago pa sumapit ang malawakang pag-unawa sa climate change ay nagsimula na silang manaliksik ng mga uri ng palay na pakikinabangan sa mga pook na madalas daanan ng bagyo, mga pagbaha, tagtuyot, at mga lupaing pinapasok na ng tubig-dagat. Tatlong milyong magsasaka na ang gumagamit ng kanilang teknolohiya at uri ng palay sa silangang India. Kabilang sa teknolohiyang ibabahagi ng IRRI ay ang mabisang pamamaraan ng paggamit ng tubig sa mga sakahan.
Kabilang rin sa kanilang estratehiya ay ang paggamit ng remote sensing sa pamamagitan ng satellites upang mabatid kung anong kalagayan ng mga sakahan anumang oras na kailangan upang makagawa ng kaukulang prediksyon sa epekto ng sama ng panahon.
Ang organic farming ay isang magandang estratehiya bagama't mas kakaunti ang maaani nito. Mababawasan man ang ani, makakabawi naman ang magsasaka sa pamamagitan ng mas mataas na presyo ng organic rice. Mas gagaan ang buhay ng mga magsasaka kung magkakaroon ng tamang presyo sa kanilang mga produkto.
Bagaman, ipinaliwanag ni Dr. Zeigler na wala siyang alam na bansa na umasa lamang sa organic farming upang tugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga mamamayan.
Samantala, isang mahalagang kabalikat ang Tsina sa larangan ng palay at bigas. Sila ang pinakamalaking umani ng palay sa paggamit ng maayos at angkop na patubig at nanguna sa hybrid rice at may pamahalaang maluwag tumustos sa panananliksik at sa teknolohiya. Naniniwala ang kanilang liderato na sa pagsasama na pananaliksik at teknolohiya ay higit na lalaki ang kanilang ani.
Madalas umano nilang kausap ang mga senior officials ng iba't ibang tanggapan o ministri at maging sa mga lalawigan sa Tsina. Isang strategic partner ng International Rice Research Institute ang Tsina at malakas ang kanilang scientific community na mayroong magagaling na siyentipiko.
Niliwanag ni Dr. Zeigler na sa bawat isang degree na itataas ng temperatura gabi ay mangangahulugan ng kawalan ng sampung porsiyento sa kabuuhang ani ng alinmang bansa.
Konsultasyon tungkol sa Millennium Development Goals isinasagawa na
PAGSUSURI SA MDGS NG PILIPINAS SINIMULAN NA. Ipinaliliwanag ni Dr. Luiza Carvalho ng UNDP (kaliwa) ang kahalagahan ng Millennium Development Goals. Nasa kanyang kaliwa si NEDA Director General Arsenio Balisacan na nagpaliwanag ng posisyon ng Pilipinas. Kuha ang larawan sa idinaos na press briefing sa Astoria Hotel sa Lungsod ng Pasig. (Kuha ng Philippine News Agency)
MAHALAGA ang konsultasyon na isinasagawa tungkol sa Millennium Development Goals ngayon sa pamamagitan ng National Economic Development Authority. Ito ang sinabi ni NEDA Director General Arsenio Balisacan sapagkat sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, umaasa siyang matatamo ng bansa ang mga layunin nito.
Noong nakalipas na linggo sinimulan ang konsultasyon sa pamamagitan ng mga kinatawan ng batayang sektor ng lipunan, mula sa mga kabataan, kababaihan, mga katutubo at iba pang grupo.
Kailangan umanong tingnan ng pamahalaan ang estratehiya nito ng pagbabahagi ng benepisyong mula sa kaunlarang natatamo ng bansa. Nararapat umanong mapakinabangan ng mga mamamayan ang kaunlarang ibinabalita ng pamahalaan.
Ayon kay Ginoong Balisacan, sa pangangailangan ng mga mamamayan ng maayos na hanapbuhay, may kaukulang programa ang pamahalaan upang sila'y masanay at magkamit ng trabahong may maayos na pasahod. Mayroon na ring investments na maituturing ang pamahalaan sa larangan ng edukasyon at kalusugan, dagdag pa ng kalihim.
Ang problema umano ay ang access ng mahihirap sa mga investments na ito 'di tulad ng investments ng mga kalapit bansa sa Asia tulad ng Thailand, Indonesia at Vietnam. Sa ngayon umano ay hirap na makipagkumptensiya ang mga Pilipino sa mga kabataan ng Thailand, Indonesia at Vietnam.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |