|
||||||||
|
||
Anim katao, nasawi sa bagyong "Pablo"
ANIM katao ang nasawi dala ng bagyong "Pablo" (Bopha) sa bansa ngayong araw na ito. Ang bagyo ang siyang pinakamalakas na tumama sa Pilipinas ngayong 2012 kaya't nagsilikas ang higit sa 50,000 katao patungo sa evacuation centers.
Madaling araw kanina ng tumama sa kalupaan ng Mindanao ang bagyo na may dalang ulan at hangin na hanggang 210 kilometro sa bawat oras. Sa lakas ng hangin, natumba ang mga puno at poste ng kuryente.
Isang matandang babae ang nasawi matapos bumagsak ang isang puno sa kanyang tahanan. Naipit ang biktima at namatay. Hindi pa binabanggit ng mga opisyal ng pamahalaan ang mga pangalan ng mga nasawi. Wala ring detalyes kung paano nasawi ang limang iba pa.
Nabalita rin ang pagkawala ng apat na mangingisda sa silangang baybayin ng Mindanao.
Kaninang hapon, humina na ang bagyo at umabot na lamang ang pagbugso sa bilis na 195 kilometro sa bawat oras.
Napuna ng mga dalubhasa na nagbago ang direksyon ng bagyo at inaasahan nang tatama sa Bohol, sa Negros at sa Cebu na madalas dalawin ng mga turista.
Sinabi ni Undersecretary Benito Ramos, (Administrador ng Office of Civil Defense) na daan-daang katao ang nasasawi sa bagyo at ang mababang bilang ng mga nasawi ngayong taong ito ay dahilan sa seryosong paghahanda at pagpapalikas ng mga punong bayan at punong lungsod, kabilang na rin ang mga gobernador.
Tinatayang higit sa 50,000 katao ang dumagsa sa evacuation centers ngayong araw na ito.
Umabot na rin sa halos 150 mga biyahe ng eroplano ang nabimbin dahilan sa bagyo samantalang may higit sa 3,000 mga pasahero ang hindi nakapaglayag sa pagkakakansela ng mga biyahe ng mga barko.
Ang Mindanao ay hindi dinadaanan ng bagyo subalit kakaiba ang naganap ngayon kaya't pansamantalang pinutol ang suplay ng kuryente upang makaiwas sa ibayong pinsala at kamatayan ng mga mamamayan.
European Union, naglaan ng salapi para sa human rights
NAGDUSA AKO SA KAMAY NG MGA KAWAL. Ito ang binanggit ni Raymond Manalo, isang detenidong nakatakas sa pagkakabimbim ng mga militar. Humarap siya sa mga Ambassador ng European Union sa pamumuno ni Ambassador Guy Ledoux. Naglaan ng salapi ang European Union para sa pagsusulong ng Karapatang Pangtao sa Pilipinas.
MAHALAGA ang pagtutulungan ng Pilipinas at European Union. Ito ang ipinaliwanag ni European Union Head of Delegation Ambassador Guy Ledoux sa kanyang talumpati paglulunsad ng pagtutulungan ng EU at ng mga faith based-groups.
Ang nakalipas na dalawang taon ay mahalaga sapagkat nasaksihan ang ratification ng Rome Statute of the International Criminal Court at ng Pilipinas. Napapaloob ang pag-sangayon ng Pilipinas sa patuloy na dumaraming mga bansa na nananawagang pigilan na ang impunity para sa malulubhang krimen.
Idinagdag pa ng European Union head of delegation na sumangayon ang Pilipinas sa Protocol to the Convention against Torture and Other Crule, Inhuman or Degrading Treatment or Punishment. Binanggit din niya na noong nag-sesyon ang Congreso noong October 2012 naipasa ang bansa at isinusulong din nila ang paglagda ni Pangulong Aquino sa naturang dokumento.
Dumalo rin sa pagtitipon sina Deputy Speaker Erin Tanada, mga kinatawan ng faith-based groups at isang biktima ng torture na humarap sa media. Sa kanilang kasunduan, mayroong P 47 milyong piso para sa iba't ibang proyekto.
Mga obispo ng Maynila, nanawagan sa mga mambabatas
NANAWAGAN ang mga obispong bumubuo ng Ecclesial Province of Manila sa mga mambabatas na bigyang panahon ang mga deliberasyon at malalimang talakayan at huwag madaliin ang pagpapasa ng kontrobersyal na Reproductive Health bill.
Sa isang statement na pinalabas ngayon, sinabi ng mga obispo na mas makabubuting hinay-hinay ang talakayan sa mga panukalang probisyon. Ang mga lumagda ay sina Luis Antonio G. Tagle at mga obispo na sina Gabriel Reyes ng Antipolo, Honesto Ongtioco ng Cubao, Deogracias Iniguez ng Kalookan, Jose Oliveros ng Malolos, Antonio Tobias ng Novaliches, Jesse Mercado ng Paranaque, Mylo Hubert Vergara ng Pasig, Leo Drona ng San Pablo, Leopoldo Tumulak ng Military Ordinariate, Pedro Arigo ng Puerto Princesa, Edgardo Juanich ng Taytay, Francisco De Leon, Auxiliary Bishop ng Antipolo, Bernardino Cortes, Auxiliary Bishop ng Maynila, Broderick Pabillo, Auxiliary Bishop ng Maynila at Fr. George Morales, Diocesan Administrator ng Imus.
Ginawa ng mga obispo ang paglagda sa pahayag sa kanilang Pre-Christmas gathering kanina.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |