|
||||||||
|
||
Bilang ng mga nasawi, 95; may 150,000 katao hinagupit ni "PABLO"
Tumaas ang bilang ng mga nasawi dahilan sa Bagyong Pablo at umabot na sa 95. Ibinalita ni Defense Undersecretary Benito Ramos na may 61 naman ang nasugatan. Mayroon namang tatlong bayan sa Davao Oriental ang hinagupit ni "Pablo" ayon kay Interior and Local Government Secretary Manuel Araneta Roxas II sa pahayag na inilabas sa media ngayong hapon. Ang mga bayang ito'y ang Baganga, Cateel at Boston. Ang kabuuhang bilang ng mga mamamayan sa pook na ito'y aabot sa 150,000 katao. Ang mga tulay mula sa Mati at Compostela Valley ay pawang nasira.
Ang mga relief goods tulad ng pagkain, tubigm mga generator, tolda at mga gamot mula sa Department of Social Welfare and Development at mga NGO ay pawang nasa Lungsod ng Mati. Autorisado na ni Kalihim Roxas ang punong lungsod ng Mati at mga opisyal ng lalawigan na gumastos ng kanilang calamity funds upang maka-arkila ng mga sasakyang-dagat upang madala ang mga kailangan ng mga mamamayan.
Nagpadala na rin ng sasakyang-dagat mula sa Philippine Coast Guard si Kalihim Jun Abaya ng Department of Transportation and Communications upang tumulong sa pagdadala ng relief goods.
Unti-unti nang nagbabalik sa normal ang buhay sa Davao Oriental, dagdag pa ni Kalihim Roxas. Pinakamatinding hamon ay ang pagbabalik ng kuryente sa buong lalawigan sapagkat karamihan ng poste ay napinsala. Unti-Unting maibabalik ang kuryente sa loob ng isa hanggang isa't kalahating araw, ayon pa sa ulat ni Kalihim Roxas.
Samantala, sarado pa rin ang Cagayan de Oro-Talakad-Bukidnon road dahilan sa natumbang mga puno at pagkalat ng mga sanga nito. Naputol naman ang tulay sa Cagayan de Oro - Camp Kibakitan Road dahilan sa pagkaputol ng tulay doon.
Hindi pa rin nadaraanan ang Cateel-Compostela Road dahilan sa mga pagguho ng lupa. Naputol din ang lansangan sa Montevista-Compostela-New Bataan-Maragusan-Mati Boundary Road.
Ibinalita rin ng Department of Public Works and Highways na ang Governor Teodoro Palma-Gil Bridge sa Caraga, Davao Oriental ay 'di magagamit sa pagkawala ng limang span mula sa 17 span na tulay. Nabalita rin ang landslides sa Mati-Maragusan Road dahilan sa mga pagguho ng lupa.
Sa Surigao del Sur, ang Surigao-Davao Coastal Road ay sarado lansangang may habang 28 kilometro dahilan sa pagguho ng lupa at mga naputol na poste. Sa kabuuhan, umabot sa P 171 milyon ang pinsala sa mga pagawaing bayan.
United Kingdom, Canada at America, nagpaabot ng pakikidalamhati sa mga biktima ni "PABLO"
NAKIRAMAY ANG IBA'T IBANG BANSA SA TRAHEDYA. Nakiisa si British Ambassador to the Philippines Stephen Lillie sa mga nasalanta ni "Pablo." Nakiisa rin ang mga kinatawan ng Canada at Estados Unidos.
MASUGID na sinusubaybayan ng may pagkabahala ni Ambassador Stephen Lillie ng United Kingdom ang mga nagaganap sa bansa matapos hagupitin ng bagyong si "Pablo" ang maraming pook sa katimugang bahagi ng Pilipinas.
Ayon kay Ambassador Lillie, ikinalulungkot nila ang pagkasawi ng ilang Pilipino sa trahedyang mas magaan kaysa pinsalang idinulot ni "Sendong" sa Cagayan de Oro at Iligan cities. Sa pangyayaring ito, makikita ang mga ginawa ng pamahalaan upang maiwasan ang malubhang pinsala sa mga ari-arian at pagkasawi ng mga mamamayan.
Sinabi naman ni US Embassy Charge d' affaires Brian L. Goldbeck ang pakikidalamhati sa pinsala sa buhay at ari-arian dala ng hagupit ng bagyong "Pablo" sa katimugang bahagi ng Pilipinas. Pinapurihan din nila ang pagtatangka at magandang nagawa ng mga komunidad, mga halal ng bayan at ang National Disaster Risk Reduction Management Council na nagpalikas ng mga mamamayan mula sa mapapanganib na lugar. Handa ang pamahalaan ng Estados Unidos na tumulong sa mga pinuno ng Pilipinas sa kanilang pagtugon sa trahedya. Ipinagdarasal din nila ang lahat ng mga naging biktima.
Sa panig ng Pamahalaan ng Canada, nagparating din sila ng pakiisa at pakikiramay sa mga naulila ng mga nasawi at mga nasugatan at nawalan ng mga tahanan dahilan sa bagyong si Pablo na kilala rin sa pangalang Bopha.
Ayon kina Foreign Affairs Minister John Baird at Minister of State of Foreign Affairs Diane Ablonsczy, ang mga tauhan nila sa Embahada ng Canada sa Maynila ay patuloy na nagmamasid sa mga nagaganap. Nakikiisa sila sa mga Pilipino sa mga panahong ito ng pagsubok.
Inflation bumababa pa rin
MALAKI ang nagawa ng sapat na suplay ng pagkain at isda at mas mababang presyo ng petroleum products sa pagpapababa ng galaw ng presyo noong nakalipas na buwan.
Ayon sa National Economic and Development Authority, ibinalita ng National Statistics Office nagumaan ang inflation at umabot sa 2.8% noong nakalipas na buwan.
Ayon kay NEDA Officer-In-Charge Rolando Tungpalan, ang sapat na suplay ng mga produkto ng mga sakahan noong Nobyembre ang nakabawas sa presyo ng iba't ibang pagkain kung ihahambing sa buwan ng Oktubre.
Bagama't tumaas ang presyo, mabagal naman ang paggalaw ng halaga ng mga bilihin tulad ng isda na tumaas ng 5.9% mas mababa sa 6.0% noong Oktubre, gatas, keso, itlog na tumaas ng 3.3% mula sa 3.4%, prutas na tumaas ng 4.9% mual sa 5.2%. Bumaba rin ang presyo ng mga gulay at prutas, oils and fats.
Mabagal din ang pagtaas ng presyo ng kuryente, gas at iba pang panggatong dahilan sa pag-liit ng generation charge ng Manila Electric Company (MERALCO) at mas mababang presyo ng keresena at disel.
Duaw nasud sa Visayas at Mindanao, tagumpay
MATAGUMPAY na isinagawa ang pilgrimage ng ikalawang santo ng Pilipinas, si San Pedro Calungsod mula noong ika-13 ng Nobyembre hanggang noong ika-27 ng Nobyembre.
Ayon kay Fr. Marvin Mejia, Assistant Secretary General ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, sa panayam ng CBCP Online Radio, makulay at makahulugan ang pagdalaw ng isa sa tatlong imahen ni San Pedro Calungsod na nagmula sa Vatican City noong ika-21 ng Oktubre. Isa sa tatlong imahen ang iniwanan kay Pope Benedict XVI, isa naman ang dinala sa Collegio Filippino sa Roma ay ang pangatlo ay dinalang pabalik sa Pilipinas.
Idinagdag ni Fr. Mejia na nakakabagbag-damdaming makita ang mga Waray at mga Cebuano na maydalang mga kandila at sulo sa kalaliman ng gabi at bago pa sumikat ang araw sa kahabaan ng Daang Maharlika sa pagsalubong kay San Pedro Calungsod.
Nakaikot ang pilgrim image sa Samar at Leyte, sa Mindanao hanggang sa umikot sa Panay, Bohol, sa Negros at sa Cebu.
Sinabi ni Fr. Mejia na nakakaalis ng pagod makita ang mga debotong kalalakihan at kababaihan, mga kabataan at mga matatanda.
"Festive atmosphere" ang nanaig sa bawat pook na dinalaw ng imahen ni San Pedro Calungsod, dagdag pa ni Fr. Mejia.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |