|
||||||||
|
||
British Minister, dumalaw sa Pilipinas
TINANGGAP ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III si British Minister of State of the Foreign and Commonwealth Office Hugo Swire sa Malacanang Palace sa kanuna-unahang pagdalaw ng panauhin sa Pilipinas mula ng manungkulan noong ika-apat ng Setyembre.
Sumaksi rin sa courtesy call si Kalihim Albert F. Del Rosario ng Kagawarang Panglabas at Assistant Secretary for European Affairs Elizabeth P. Buensuceso.
Ang pagdalaw na ito ay pagpapatibay lamang sa kalakaran ng Pamahalaang Ingles na higit na pasiglahin ang relasyon sa mga bansang kasapi ng ASEAN, kabilang na ang Pilipinas na kinikilala nilang 'emerging power."
Isusulong ng panauhin ang bilateral trade and investment at magsusulong sa Mindanao peace process. Suportado rin umano ng United Kingdom ang rules-based peaceful resolution ng 'di pagkakaunawaan sa West Philippine Sea o South China Sea.
Idaraos din ang bilateral meeting na siyang kikilala sa mga prayoridad ng Philippines-UK ties tungkol sa political cooperation, economic interaction at people-to-people ties.
Nagsimula ang formal na diplomatic relations ng Pilipinas at United Kingdom noong ika-4 ng Hulyo, 1946. Ang United Kingdom ang ika-23 trading partner ng Pilipinas, ang pinakamalaking tourism market sa Europa at tinitirhan ng maraming mga Pilipino sa Europa.
Labing-anim na OFW nakatakas sa kaguluhan sa Syria
DUMATING na sa Pilipinas ang 16 pang mga manggagawang nakatakas sa magulong distrito ng Aleppo sa Syria noong ika-anim ng Disyembre. Ito ang balitang nagmula sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas. Sakay ng eroplano mula sa Aleppo at tumuloy sila sa Damascus bago dumaan ng Doha, Qatar at nakarating din sa Ninoy Aquino International Airport.
Sa tulong ni Naasim Nanaa, ang honorary consul ng Pilipinas doon, nakaalis ang mga overseas Filipino workers at matapos bayaran ang kanilang mga pamasahe at exit visas.
Umabot na sa 2,984 ang mga manggagawang nakauwi mula sa Syria. Mayroon pang 274 na OFWs ang nakatakdang makabalik sa Pilipinas sa tulong ng mga Embahada ng Pilipinas sa Syria at Lebanon.
Pinsala ni Pablo sa pagsasaka, p 10 bilyon
LUBHANG napinsala ng bagyong Pablo ang mga pananim at mga pasilidad na angkop sa pagsasaka noong nakalipas na linggo.
Ayon sa tanggapan ni Kalihim Proceso J. Alcala, pinakamatinding hinagupit ni Pablo ang mga sagingan, maisan, palayan at mga niyugan. Umabot sa 71,644 na metriko tolenadang saging ang napinsala at nagkakahalaga ng P 6,430,994, 418.00. Pumangalawa naman ang mais na mayroong 54,536 metriko tonelada. Pangatlo naman ang palay na nagkaroon ng 16,558 metriko tonelada na nagkakahalaga ng P 407,392,720.00.
Idinagdag pa ng ulat mula sa Kagawaran na higit sa P 1.194 bilyon ang pinsala sa mga patubig samantalang P 24 na milyon ang pinsala sa mga nasa fisheries sector.
Mga bilanggo, umaasang makakalaya bago magpasko
MGA ISINANGKOT SA PAGPASLANG SA RETIRADONG COLONEL, UMAASANG MAKAKAUWI BAGO MAG-PASKO. Malaki ang pag-asa nina Cesar Fortuna, Agusto Santos at Joel de Jesus na makakauwi sila sa kanilang pamilya bago mag-Pasko sapagkat batid ni Pangulong Aquino ang tunay na kwento sa kanilang pagkakadawit sa usapin. (Larawan ni Reynaldo Espanola/PAO)
UMAASA ang tatlo sa limang akusado sa pagpaslang kay Col. Rolando Abadilla noong 1996 na sila'y makakalaya bago sumapit ang Pasko.
Sa isang panayam sa tatlong nalalabing nasa National Bilibid Prison, sinabi nina Cesar Fortuna, Augusto Santos, Joel de Jesus. Si Lenido Lumanog ay nasa Kidney Center of the Philippines samantalang nasa Sablayan Penal Colony sa Mindoro Occidental si Rameses de Jesus.
Matapos mabilanggo ng higit sa 16 na taon, umaasa ang mga bilanggo na sa oras na mapirmahan ni Pangulong Aquino ang kanilang mga papeles.
Umaasa ang tatlong bilanggo na sa oras na makalaya sila ay makababalik sila sa kanilang pamilya. Si Fortuna ay isang pulis na nakatalaga sa Highway Patrol at nadamay sa krimen. Ayon kay Fortuna, kahit paano ay may salaping nakalaan sa kanya sa Philippine National Police sapagkat abswelto naman siya sa kasong administratibo.
Si Augusto Santos ay isang kawani sa isang steel mill na nadamay din sa krimen. Gusto niyang makapiling ang kanyang maybahay na nasa Quezon Province at magabayan man lamang ang dalawang anak niya. May isa pang anak si Augusto na nasa pangangalaga ng kanyang lola sa Quezon City.
May sakit na si Lenido Lumanog kaya't dinala na sa Kidney Center of the Philippines.
Idinagdag ni Fortuna na malaki ang kanilang pag-asa na makakalaya sapagkat batid ni Pangulong Aquino ang kanilang usapin. Isang security guard ng ahensya ni Pangulong Aquino ang kanilang saksi sa hukuman at nagpatunay na wala silang kasalanan at kinalaman sa krimen.
Ani Fortuna, lumapit ang kanyang maybahay Ginoong Aquino na noo'y presidente ng isang security agency at may tauhang nakatalaga sa lugar ng pinangyarihan ng pagpaslang sa kontrobersyal na si retired Colonel Rolando Abadilla. Hiniling ng kanyang maybahay na tumestigo ang naturang security guard at pumayag naman ang may-ari nitong si Ginoong Aquino.
Ayon pa kay Fortuna, sumailalim sila sa matinding pahirap samantalang sinisiyasat ng mga alagad ng batas.
Mga Arsobispo, nanawagan sa madla na manalangin laban sa RH Bill
CARDINAL TAGLE, NANAWAGAN SA MGA MANANAMPALATAYA. Inanyayahan ni Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle ang mga mananampalataya sa Kalakhang Maynila na dumalo sa prayer-vigil sa National Shrine of Our Lady of Guadalupe mula ngayong 6:30 ng gabi upang manalangin para sa kontrobersyal na Reproductive Health bill na pinaguusapan sa Kongreso. (Larawan ni Roy Lagarde/CBCP)
NANAWAGAN si Jaro Archbishop Angel N. Lagdameo sa mga mananampalataya sa kanyang nasasakupan na makiisa sa iba pang mga diyosesis sa Pilipinas at manalangin na pangalagaan ng Kabanal-banalang Puso ni Jesus at Kalinislinisang Puso ni Maria.
Hiniling ni Arsobispo Lagdameo na magdasal ng prayer of Total Consecration na akda ni St. Louise Grignon de Monfort noong nakalipas na Sabado, ika-8 sa buwan ng Disyembre, sa Solemnidad ng Inmaculada Concepcion sa gitna ng mga trahedyang nagaganap at pagkilos ng Congreso na ipasa ang kontrobersyal na Reproductive Health bill.
Samantala, hinimok ni Arsobispo Luis Antonio G. Cardinal Tagle ang madla na lumahok sa prayer vigil mula ngayong 6:30 ng gabi, bisperas ng Kapistahan ng Our Lady of Guadalupe sa National Shrine of Our Lady of Guadalupe sa Makati City at sa inaasahang botohang magaganap sa Mababang Kapulungan hinggil sa Reproductive Health bill.
Magpapatuloy ang prayer vigil hanggang bukas sa pamamagitan ng Misa sa ganap na 6:00, 8:00 ng umaga, 12:00 ng tanghali, 5:00 ng hapon, 6:30 ng gabi at ikawalo ng gabi.
Si Cardinal Tagle mismo ang mamumuno sa Misa sa ganap na ika-12:00 ng tanghali bukas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |