Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Teknolohiya, gagamitin sa pagkilala ng mga nasawi

(GMT+08:00) 2012-12-13 18:23:46       CRI

MALAKI ang maitutulong ng pagsasanib ng kaalaman at pasilidad ng Public Attorney's Office at National Bureau of Investigation sa pagkilala ng mga bangkay na natagpuan sa Compostela Valley kamakailan.

Sa isang panayam sinabi ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda Acosta na mayroon silang laboratory na may kakayahang magsuri ng mga specimen mula sa mga biktima ng trahedya at mayroon namang kakayahan ang mga tauhan ng Medico-Legal Section ng National Bureau of Investigation.

Niliwanag ni Dr. Alan David, pinuno ng Medico Legal Division ng NBI na ang kanilang misyon ay kilalanin ang mga labi ng mga nasawi. Idinagdag pa niya na nais na ng punong-bayan ng New Bataan at mga kamaganak ng mga biktima na magkaroon na ng mass burial. Ayaw muna nila na kilalanin ang mga bangkay dahilan sa tindi ng dagok ng trahedya sa mga naulila kaya nga lamang ay kailangang kilalanin ang international protocol sa Disaster Victim Identification.

Inirekomenda nila na kailangang magkaroon ng hiwahiwalay na libingan upang madaling makakuha ng samples para sa DNA screening sa mga susunod na panahon.

Mayroon umanong higit sa 230 bangkay sa New Bataan. Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa 902 ang nasawi, 934 ang nawawala samantalang 2,661 ang nangasugatan sa trahedyang dulot ni Pablo.

 

Pinsala ni Pablo sa mga pananim, nabunyag

MALAKING pinsala ang idinulot ng bagyong Pablo sa mga pananim, partikular sa saging na ipinagbibili sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas at daigdig. Ito ang ibinalita ni Assistant Regional Director for Operations Norlito Agduyeng ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Davao.

Sa aking panayam mula sa Davao City, sinabi ni Ginoong Agduyeng na sa Davao Region matatagpuan ang dalawang uri ng saging, ang para sa mga Pilipinong mamimili tulad ng lakatan at kardaba at ang kakaibang uri ng saging, ang Cavendish na para sa pandaigdigang pamilihan.

Umaabot sa 30,000 ektarya ang natatamnan sa Davao Region para sa exports at ang para sa domestic market ay maituturing na nasa "backyard" lamang. Karaniwang natatamnan ang isa at kalahati hanggang dalawang ektarya 'di tulad ng export type na daan-daang ektarya.

Sa isang lalawigan (Compostela Valley) lamang ay umabot na sa 8,000 ektarya ang napinsala ng bagyong Pablo at halos lahat ng sagingan doon ay pawang napinsala.

Wala ng pagbawi ang napinsalang saging kayat kailangang magtanim muli ng saging, dagdag pa ni Ginoong Agduyeng. Tatagal ng anim hanggang pitong buwan bago mamunga ang tanim na saging.

Kung seedlings ang itatanim, aabutin ng siyam na buwan bago mapakinabangang muli ang mga ito, dagdag pa ni Ginoong Agduyeng. Sa itinatagal niya sa Davao sa loob ng 30 taon, ngayon lamang umano siya nakaranas ng malakas na bagyong tulad ni Pablo.

Hindi umano gasinong napinsala ang abaca sa Davao Oriental subalit ang kalapit nitong lalawigan ay apektado rin. Wala pang paraan upang malaman ang official figures.

Kung sa bilang ng mga taong apektado, aabot ng isang manggagawa sa bawat ektarya sa mga pataniman kaya't tinatayang may 30,000 manggagawa ang apektado ni Pablo. Hindi pa kasama rito ang mga nasa trucking at alyadong serbisyo.

Sa industriya ng saging, aabot sa 100,000 katao ang directly at indirectly affected. Aabot din sa kanilang pagtataya, ang lima hanggang anim na bilyong pisong halaga ng saging na napinsala ni Pablo.

 

Mga mangingisda nailigtas

TATLUMPU'T LIMANG mangingisda ang nailigtas sa nakalipas na tatlong araw matapos madeklarang nawawala dala ng bagyong Pablo. Ayon sa mga lumabas na balita, tatlo ang natagpuan noong Martes sakay ng isang maliit na bangka may 255 kilometro sa silangan ng Davao Oriental na malubhang tinamaan ng bagyo noong Disyembre kwatro.

Kahit pa nanghihina na at uhaw na uhaw, nagkalakas silang gumamit ng mga salamin upang makita ng mga rescue planes na nagbigay ng kanilang kinalalagyan sa mga rescue ships. Ayon sa mga autoridad, nadaanan ang mga mangingisda ng bagyong Pablo na may lakas na 210 kilometro bawat oras.

Tinatayang mayroong higit sa 300 mga mangingisda ng tuna ang may 220 kilometro sa silangan ng Davao Oriental noon pa mang Oktubre. Dahilan sa bagyong si Pablo, nahirapan na silang makabalik sa baybay-dagat. Aabot sa 900 katao ang nabalitang nawawala.

Samantala, tuloy pa rin ang pag-ayuda ng Philippine Coast Guard sa Davao sa relief operations ng pamahalaan at iba pang mga ahensya. Ayon kay Commodore George Ursabia, District Commander ng Philippine Coast Guard sa Davao, tuloy lamang ang pagpapadala nila ng mga sasakyang dagat sa mga apektadong pook sa Compostela Valley at Davao Oriental.

 

Hindi pa tapos ang laban, sabi ng mga Obispo

KAHIT pa nakapasa na sa ikalawang pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kontrobersyal na Reproductive Health bill kaninang madaling araw sa botong 113 pabor at 104 na tutol at tatlong abstention, naniniwala ang mga obispo na hindi pa tapos ang laban. Mahalaga umano ang kanilang papel bilang mga pastol at mga responsableng mga mamamayan.

Sinabi ni Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle, ang botong pabor sa RH bill sa Kongreso ay nakalulungkot at malagim na pangyayari subalit hindi nila ito kinikilalang pagkatalo ng katotohanan sapagkat mananaig pa rin ang katotohanan laluna sa katotohanan hinggil sa buhay ng tao, kasal at pamilya.

Sa isang statement na ipinalabas sa media bago sumapit ang katanghalian, sinabi ni Cardinal Tagle na ipinagpapasalamat niya sa mga kasapi ng Kongreso, mga alagad ng simbahan, mga samahan at mga mamamayan na tumulong upang magkaroon ng mga talakayan sa paghahanap ng common good o kabutihan ng balana.

Ang kinahinatnan ng botohan ang dahilan upang maging tapat ang mga mananampalataya, partikular sa paglilingkod sa mga nangangailangan.

Ayon naman kay Jaro Archbishop Angel N. Lagdameo, anumang ang maging naisin ng Panginoon ay magkakatotoo at sinuman ang magwagi o matalo ay masusunod pa rin ang kagustuhan ng Diyos.

Para kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, kahit pa natalo ang paninindigan ng Simbahan, itutuloy pa niya ang pagtuturo sa mga nasasakupan ng buong sigla tungkol sa kasamaang idudulot ng Reproductive Health bill.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>