|
||||||||
|
||
Manggagawang Pilipino, kapuri-puri sabi ng ILO Director General
MGA MANGGAGAWANG PILIPINO ANG KARANGALAN NG BANSA. Ito ang sinabi ni International Labor Organization Director General Guy Ryder sa exclusive interview na isinagawa ko kahapon sa gitna ng kanyang pakikipagpulong sa mga kinatawan ng pamahalaan, employers at mga manggagawa.
MALAKI ang papel na ginagampanan ng mga manggagawang Pilipino na nasa ibang bansa. Hindi lamang sa kahalagahan ng kanilang ipinadadalang salapi sa bansa kungdi ang kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng iba't ibang bahagi ng daigdig.
Ito ang pahayag ni Director General Guy Ryder sa isang panayam ng CBCP Online Radio sa gitna ng kanyang pakikipagpulong sa mga kinatawan ng pamahalaan, mga employer at mga manggagawa. Si Ginoong Ryder ang nanunungkulang pinuno ng International Labor Organization at nasa dalawang araw na pagdalaw sa Pilipinas.
Ayon kay Ginoong Ryder, aabot sa sampung milyong manggagawang Pilipino ang nasa labas ng Pilipinas. Itinanong ko sa kanya ang epekto ng economic meltdown sa pangingibang bansa ng mga mula sa Asia at Africa. Sinabi niya na lalong lumala at naging komplikado ang mga isyung bumabalot sa migration.
Inihalimbawa niya ang nagaganap sa Estados Unidos na tinitirhan ng may 11 milyong mga Mexicano. Ani Ginoong Ryder, halos kalahati ng mga Mexicano ay pawag mga illegal residents subalit dahilan sa economic meltdown, mas maraming mga Mexicano ang umuuwi na sa Mexico kaysa sa mga nagtutungo sa Estados Unidos.
Wala naman umano siyang napupuna sa mga Pilipino nasa America na nag-iisip nang umuwi sa Pilipinas. Nararapat lamang ipagmalaki ng Pilipinas ang kontribusyon ng mga manggagawang Pinoy sa pagpapaunlad ng mga ekonomiya sa iba't ibang bansa, sabi pa ni Ginoong Ryder.
Wala pang tatlong buwan sa kanyang posisyon si Ryder at binalak na niyang dumalaw sa Asia-Pacific Region dahilan sa dami ng mga mamamayan. Mahalaga rin ang papel ng Pilipinas sa ratification ng dalawang conventions tulad ng convention sa mga magdaragat at para sa mga kasambahay. Dumating si Ginoong Ryder kahapon ng tanghali at nakatakdang umalis ganap na ika-walo ng gabi at magbabalik na sa Geneva, Switzerland.
Noong Oktubre
Mga padala at cash transfers umabot sa $ 1.9 bilyon
KAHIT pa nadarama ang economic crisis sa America at Europa, ang mga padala ng mga manggagawang Pilipino ay kinakitaan ng 8.2% na pag-unlad kung ihahambing sa natamo noong nakalipas na taon. Narating nito ang halagang $ 2.1 bilyon ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Amando S. Tetangco, Jr. Ang remittances ay umabot na sa $ 19.5 bilyon at mas mataas ng 5.9% kung ihahambing sa naganap noong nakalipas na taon.
Ang personal remittances ay patuloy na lumawak sa pagkakaroon ng 13.8% growth sa larangan ng fund transfers mula sa mga marinong Pilipino kasabay ng paglago ng remittances ng mga land-based overseas Filipino workers na mayroong 3.6% na higit pa sa isang taon ang kontrata.
Samantala, ang cash remittances mula sa mga manggagawang na sa ibang bansa na idinaan sa mga bangko ay umabot sa $ 1.9B noong Oktubre at may umentong umabot sa 8.5% kung ihahambing sa natamo noong nakalipas na taon.
Ayon sa balita ni Ginoong Tetangco, maaaaring ang malampasan ang inaakalang halaga na natamo mula Enero hanggang Oktubre noong 2011 sapagkat umabot na sa $ 17.5 bilyon. Ang remittances ng land-based workers ay lumago rin ng 3.7 % at umabot na sa $ 13.5 bilyon sa unang sampung buwan ng 2012. Ang mga ito ay 77% ng total cast remittances.
Umabot sa tatlong sangkapat (3/4) o 78.2% bf buong cash remittances na idinaan sa mga bangko ay mula sa Estados Unidos, Canada, Saudi Arabia, United Kingdom, United Arab Emirates at Singapore.
Kahit pa lumago ang Asia, mababa pa rin ang uri ng hanapbuhay
NABABAHALA sina Haruhiko Kuroda, Pangulo ng Asian Development Bank at Guy Ryder ng International Labor Organization na kahit pa umuunlad na ang rehiyon ay kapos pa rin ang mararangal na hanapbuhay. Ayon sa ILO Asia-Pacific Labour Market Update na inilabas noong Oktubre ng taong ito, marami pa ring mga tao ang nasa peligroso at kakaibang mga hanapbuhay na kinakikitaan ng mababa at walang katiyakang hanapbuhay. Limitado rin ang social protection coverage lalo na sa mga informal at migrant workers.
Isusulong ng Asian Development Bank at International Labour Organization, sa ilalim ng isang Memorandum of Understanding, ang pagkakaroon ng marangal na hanapbuhay sa Asia Pacific region upang mabawasan ang kahirapan at kawalan ng katiyakan. Magtutulungan ang dalawang organisasyon at magpapalitan ng kaalaman at impormasyon sa pananaliksik, policy development, advocacy. Nagkasundo ang dalawang panig sa larangan ng vocational training, gender at labour market, country labour diagnostics at social protection systems.
Simbang gabi, nagsimula na
MILYONG MGA PILIPINO, DAGSA SA SIMBAHAN. Nagsimula na ang Simbang Gabi sa Pilipinas kahapon. Milyong mga Pilipino ang karaniwang dumadalo sa siyam na araw na nobenaryo. Tradisyon itong natamo mula sa mga Kastila na nagdaraos ng Misa sa madaling araw, bago pa man magtungo sa mga sakahan ang mga magsasaka at kanilang pamilya.
DUMAGSA na naman ang mga Filipino sa mga simbahan para sa siyam na araw na Simbang Gabi o Misa de Gallo na minana sa mga Kastila. Karaniwang isinasagawa ang misang ito bilang paghahanda sa Kapaskuhan.
Ang misa ay maaaring simulan sa ganap na ika-apat ng umaga, bago pa man tumilaok ang tandang. Mayroon ding misa na sinisimulan sa ganap na ika-apat at kalahati ng umaga at mayroon din sa bawat ika-lima ng umaga, depende sa napapagkasunduan ng mga bumubuo ng lokal na simbahan.
Ani Msgr. Pedro Quitorio, Director ng CBCP Media Office, ang siyam na araw na ito'y bilang pagpaparangal sa Birheng Maria at isang napakagandang tradisyon. Maipagmamalaki ng mga Filipino ang tradisyong ito na siyang isinasagawa sa mga bansang maraming mga mamamayang mula sa Pilipinas tulad ng Estados Unidos.
Sinimulan na rin ang Simbang Gabi sa Kuwait, sa Cathedral of the Holy Family at karaniwang napupuno ang katedral ng mga manggagawang Filipino. Hindi basta misa lamang ang nagaganap sapagkat mayroon ding mga kakaning tulad ng bibingka at puto bumbong.
Isa lamang ang Simbang Gabi sa napakaraming tradisyon ng mga Pilipino hindi lamang tuwing Kapaskuhan.
Idinagdag pa ni Msgr. Quitorio na ang pagnonobena ng siyam na araw ay paraan lamang ng pagpapalalim ng pananampalataya.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |