|
||||||||
|
||
MALAKI ang posibilidad na malampasan ng Pilipinas ang growth target na mula 5.0 hanggang 6.0 percent na itinakda ng Development Budget Coordination Committee para sa taong ito. Ayon kay NEDA Director General at Socio-Economic Planning Secretary Arsenio M. Balisacan, nagkaroon ng 6.5% growth sa unang tatlong sangkapat (quarter) ng taon. Mas malapit pa umano ang matatamo ng bansa sa kanyang tinaguriang aspirational target na 7.0 hanggang 8.9 % annual real GDP growth na inilaan sa Philippine Development Plan para sa taong 2011 hanggang 2016.
Sa kanyang year-end briefing, sinabi ni Kalihim Balisacan na mas mataas ang natamo growth rate ng Pilipinas kaysa sa mga kalapit-bansa nito. Napuna rin ng gma credit-rating agencies at mga banyagang mangangalakal ang nagaganap sa bansa.
Kahit na umano nagkaroon ng magandang kaunlaran sa ekonomiya, layunin pa ring magkaroon ng inclusive growth at mas maraming hanapbuhay. Ipinaliwanag ni Kalihim Balisacan na nanatili ang unemployment rate sa 7.0 % at ang underemployment ayt nasa 20.0% ngayong 2012.
Nakikipagtulungan na rin umano ang kanyang tanggapan sa Department of Labor and Employment upang makabuo ng mga programa na magpapalago sa employment sa madaliang panahon. Kasabay ito ng kanilang pagtatangkang makatapat ng mga kalapit bansa upang magkaroon ng mas maraming investments.
Ani Ginoong Balisacan, target nila na magkaroon ng growth rate na 6.0 hanggang 7.0% sa 2013 at sa pagitan ng 6.5 hanggang 7.5% naman sa 2014.
Umaasa siyang makakahinga na ang manufacturing sector na nakatuon sa semiconductor at electronics industry sa pagbawi ng pandaigdigang ekonomiya sa 2013 hanggang 2014. Lalago rin ang construction sector sa pamamagitan ng malalaking infrastructure projects. Mayroon ding kasiglahang nakita mula sa pribadong sektor.
Tinataya ni Kalihim Balisacan na lalago ang IT-BPO industry, tourism, financial intermediation at trade.
Ipagpapatuloy din ng pamahalaang Aquino ang social investments sa mahihirap tulad ng Conditional Cash Transfer program, PhilHealth, socialized housing at kahit ang community-based employment program.
KAHALAGAHAN NG MALAYANG PAGDARAGAT, PAG-UUSAPAN SA INDIA
KABILANG sa mahahalagang paksang pag-usapan sa pagpupulong sa pagitan ngmga bansang kasapi sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at India ay ang pagtiyak ng kalayaan ng pagdaragat, seguridad sa magkaratig na karagatan at pagsugpo sa human trafficking, illegal drugs at terorismo.
Ito ang sinabi ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay na siyang kinatawan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa mgapagpupulong na idaraos sa New Delhi.
Marami umanong mga interes ang India at mga bansang kasapi sa ASEAN na kailangang pagtibayin at isulong sa mga susunod na panahon. Kailangan din umanong matupad ang ASEAN-India Free Trade Agreement sapagkat ito'y paraan tungo sa kaunlaran at susi sa paglago ng kalakalan.
Layunin din ni Ginoong Binay na higit na mapalalim ang pagkakaibigan ng Pilipinas at India sa pamamagitan ng pinag-ibayong tourism at cultural exchanges.
Ani Ginoong Binay, ang India at Pilipinas ay nangunguna sa global information technology business process outsourcing industry at maraming matutuhan ang Pilipinas sa pagtutulungan ng dalawang bansa.
Ang pagpupulong ay kasabay ng ika-20 anibersaryo ng ASEAN-India dialogue partnership at ika-10 anibersaryo ng ASEAN-India Summit level partnership.
LIGTAS KAININ ANG MGA ISDA SA SILANGANG MINDANAO
KASUNOD ng matinding hagupit ni Pablo sa Davao Oriental, pinayuhan ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Director Asis G. Perez ang mga mamamayan na huwag mangamba sa mga isdang nahuhuli sa pook sapagkat ligtas ang mga itong kainin.
Ayon kay Director Perez, ang mga isdang nahuhuli sa baybay-dagat ng Davao ay hindi nangangain ng mga nabubulok na bagay. Ang mga isdang galunggong, tamban, matangbaka, skipjack at iba pang isda na nahuhuli sa Davao ay kumakain ng mga plankton, mga halamang dagat at maging maliliit na isda.
Malakas umano ang galaw ng tubig-dagat na nagpapakita lamang ng lalim nito kaya't malayo ang posbilidad na nanginginain ng mga basura at bangkay ang mga isdang ito.
PANGULONG AQUINO, NAGIGING DIKTADOR?
GINAMITAN umano ng pressure ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang mga mambabatas upang paboran ang pagpapasa ng Reproductive Health bill sa ikalawa at ikatlong pagbasa. Ito ang paniniwala ni Antipolo Bishop Gabriel Reyes.
Sa isang forum kaninang umaga, sinabi ni Bishop Reyes na sa ganitong pagkakataon ay maaaring nagbabago na si Pangulong Aquino at nagiging isang dektador.
Pinuna ni Bishop Reyes ang Malacanang sa paggamit ng pork barrel funds upang makuha ang mayorya.
Idinagdag pa niya na maihahalintulad na rin ito sa diktadura sapagkat kontrolado na ng ehekutibo ang Kongreso at Hudikatura. Sa ganitong pagkakataon, ipinarating ng obispo ang kanyang kalungkutan at pagkabahala.
Ilan umanong mambabatas ang umamin sa kanya na tinakot sila ng Malacanang na hindi ilalabas ang mga pondo para sa kanilang mga proyekto kung mananatiling kontra sa RH bill. Limang mga kasapi ng Partido Liberal ang matagal nang kontra sa RH bill subalit nagbago ang paninindigan matapos ipatawag ng Malacanang, dagdag pa ni Bishop Reyes. Malaki ang posibilidad na nagbago ng posisyon ang mga mambabatas dahilan sa pananakot ng Palasyo.
"Hindi ko sinasabing panganib ang pangulo sa demokrasya subalit baka dumating sa ganoong punto," sabi pa ni Bishop Reyes.
Ilang ulit nang tinanggihan ni Pangulong Aquino ang ganitong mga akusasyon.
Subalit binigyang-diin ni Bishop Reyes na ang pagpwersa sa mambabatas na magbago ng paninindigan at pagtalikod sa konsensya kapalit ng pork barrel at proyekto ng pamahalaan at political favors ay maihahalintulad rin sa panunuhol sa congressman. "Hindi ba ito isang uri ng corruption?" tanong pa ni Bishop Reyes.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |