Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pangulong Aquino bumati sa pagdiriwang ng Pasko; pangalawang pangulong binay, bumati rin

(GMT+08:00) 2012-12-24 18:19:21       CRI

TANYAG ang mga Pilipino sa pagkakaroon ng pinakamahabang Pasko sapagkat Setyembre pa lamang ay nananabik na ang madla dahil sa mga aginaldong nakatakdang tanggapin, kasabay ng pagsasama-sama ng buong pamilya sa Noche Buena.

Sa kanyang pagbati, sinabi ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na walang kabuluhan ang anumang paghahanda kung wala ang tunay na diwa ng Pasko. Sa pagdiriwang na ito, ginugunita ang pagiging bukas-palad ng isang estrangherong nagbukas ng pinto kina Jose at Maria upang magpalipas ng gabi sa isang sabsaban. Ginunita rin ni Pangulong Aquino ang tatlong pantas na naglakbay upang parangalan ang kasisilang na Hari ng Sanglibutan, ang Emmanuel.

Ani Pangulong Aquino, ang panahon ng Kapaskuhan ay panahon ng pagpapasalamat at nagpaabot siya ng pasasalamat sa ngalan ng buong Pamahalaan ng Pilipinas sa iba't ibang biyayang tinamasa mula sa pamamagitan ng ini-ambag ng mga mamamayan sa pagtatatag ng kultura ng katapatan at malasakit sa kapwa.

Binanggit din niya ang kanyang Sitio Electrification Program na nagbigay ng liwanag sa libu-libong pamiya, ang pagpapatibay ng Conditional Cash Transfer at ang pagtalikod sa negatibismo at agam-agam.

SAMANTALA, nanawagan si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay sa madla na gamitin ang araw ng Pasko at gawing pagkakataon upang ipadama ang pagmamahal at pagmamalasakit sa mga kababayan na nangangailangan ng pagkalinga.

Inanyayahan din niya ang bawat Pilipino na magdasal at tumulong sa muling pagbagon ng mga naghirap dala ng bagyong Pablo. Hiniling na rin ni Ginoong Binay na ipanalangin ang mga manggagawang Pilipinong na sa iba't ibang bansa.

Pangalawang pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, bumati rin sa mga Pilipino

ANG Pasko ay isang kapistahan ng pananampalataya. Ito ang simula ng mensahe ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates B. Villegas, pangalawang pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na ipinadala sa iba't ibang media outlets.

Sa oras na mawala ang pananampalataya, ang Pasko'y magiging isang social festival na lamang. Sa oras na mawala ang pananampalataya, ang pagbibigay ng mga ala-ala ay magiging commercial gimmick na lamang upang kumita ang kalakal.

Ang pagdiriwang ng Pasko, ani Arsobispo Villegas ay nararapat nagmumula sa pananampalataya sapagkat ang pagbati ng "Merry Christmas" ng walang pananampalataya ay maihahalintulad sa mga humahalakhak ng walang dahilan.

Nararapat ipagdiwang ang Pasko sapagkat ito'y gumugunita sa pagdating ng Emmanuel, na nangangahulugang ang Diyos ay sumaatin.

Ikinalulungkot niya ang Pasko ngayon ay nauuwi sa isang mahabang bakasyon ng pagsasaya ng walang pag-alaala sa Diyos na naghatid sa madla ng dahilan upang magsaya.

Dumating na rin ang panahon upang gamitin ang Pasko sa mga bargain sale at tiangge na nagiging dahilan ng paglimot ng madla na mayroon silang kaluluwa. Pasko rin ang dahilan kaya't mayroong mga pagdiriwang sa mga tanggapan at mga samahan. Ang simbang gabi ay nagiging tradisyon na lamang ng walang sapat na pag-unawa na ito ay isang novena ng pasasalamat para sa ala-ala ng ating pananampalataya.

Ipinanalangin ni Arsobispo Villegas sa Panginoon na pag-alabin pa ang pananampalatayang muli at tulungang mamuhay ayon sa itinuturo ng pananampalataya.

Department of social welfare and development, namahagi ng access cards para sa mga biktima ni Pablo

NAMAHAGI na ng Family Access Cards ang Department of Social Welfare and Development sa mga pamilyang apektado ni Pablo sa Davao Region matiyak lamang ang maayos na pamamahagi ng mga relief goods at mabatid ang pangangailangang serbisyo ng mga biktima.

Napapaloob sa Family Access Cards ang mga pangalan ng mga kasambahay, lugar na tinitirhan, uri ng tulong na natanggap sa iba't ibang ahensya, at lagda ng haligi ng tahanan, social workers at local government officials.

Hanggang sa araw na ito, umabot na sa halos dalawang daang libong (199,991) pamilya ang nabigyan ng relief assistance sa Davao Region. Mayroon na ring nabigyan ng hanapbuhay sa ilalim ng Cash-For-Work program sa Department of Public Works and Highways sa Davao City kasama ang may 400 mga volunteers na nagbabalot ng relief goods.

Mas maraming conflict-areas ang nabiyayaan ng hanapbuhay at basic services

NADAGDAGAN ng 65 mga barangay sa 21 mga dating magugulong bayan sa Mindanao ay magkakaroon ng sapat na salapi para sa kanilang hanapbuhay at mumunting infrastructures upang makatulong sa pagsasaayos at pagkakaroon ng mga kalakal at hanapbuhay.

Magmumula ang salapi sa US $ 5.251 milyon additional grant para sa Mindanao Trust Fund ng World Bank na layuning mai-angat ang social at economic recovery sa Katimugang Pilipinas.

Ayon kay Kalihim Teresita Quintos Deles nhg Office of the Presidential Adviser on the Peace Process, malaking tulong ang salapi upang maghilom ang sugat ng mga komunidad na malubhang naghirap dahilan sa kaguluhan mga ilang taon na ang nakalilipas.

Ang salaping ito, dagdag pa ni Kalihim Deles ay magiging dahilan upang maging produktibo at maunlad ang kabuhayan ng mga mamamayan sa pook. Natapos na ng MTF ang 240 reconstruction at development projects kabilang na ang mga silid-aralan, health stations, access roads, water supply systems, core shelters at community centers sa 154 na conflict-affected communities sa 75 bayan sa Mindanao.

Bahagi ng pondo ang idinadaan sa International Labor Organization upang matustusan ang mga palatuntunan sa pagkakaroon ng hanapbuhay ng mga mamamayan. Kabilang sa programa ang skills training upang magkaroon ng pangmatagalang trabaho ang mga mamamayan.

Sinabi naman ni World Bank Country Director Motoo Konishi na mahalaga rin ang paglagda sa Framework Agreement on Bangsamoro at mangangailangan ng higit na pagpapasigla ng socio-economic programs sa Mindanao.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>