|
||||||||
|
||
Pilipinas, nabahala sa pagpapadala ng malaking sasakyang-dagat ng Tsina sa South China Sea
NANAWAGAN ang Pilipinas sa Tsina na igalang ang territorial sovereignty at Exclusive Economic Zone. Mahigpit na tinututulan ng Pilipinas ang pagpapatrolya ng mga Tsino sa karagatang nasasakupan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (South China Sea). Ani Assistant Secretary Raul S. Hernandez ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, ang pagpapatrolyang ito ay hindi magpapatibay sa 9-dash lines at taliwas sa obligasyon sa ilalim ng international law at maging sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Ito ang reaksyon ng Pilipinas sa balitang lumabas tungkol sa pagpapadala ng isang oceangoing patrol vessel na mayroong helipad sa South China Sea, ang kauna-unahang uri ng sasakyang dagat na ipinadala sa lugar.
Ang barko, ang Haixun 21 ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Hainan Maritime Safety Administration.
Ayon sa pahayag ng Xinhua News Agency, ang barko ang siyang magbabantay sa maritime traffic safety, magsisiyasat sa mga sakuna sa karagatan, magbabantay sa polusyon, magsasagawa ng search and rescue work at tutupad sa international conventions. Ito ang pahayag ni Huang He, deputy head ng maritime bureau ng Ministry of Transport.
Ayon kay Ruan Ruiwen, pinuno ng Hainan Maritime Safety Administration, ang Hainan provincial maritime law enforcement ang nakakapagbantay sa baybay dagat at hindi nakararating sa karagatan.
Noon pang 2002 ginagamit ang Haixun 21 at may habang 93 metros na makapaglalakbay hanggang sa 4,000 nautical miles o 7,408 na kilometro nang walang refueling. May pinakamabilis na takbo ito na 22 knots o higit sa 40 kilometro bawat oras. Mayroon itong helipad at may 21 metro ang haba at 11 metro ang luwang.
Handa na ang Maynila para sa GOPAC 2013
AABOT sa 300 mambabatas mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig ang dadalo sa 5th Global Organization of Parlaimentarians Against Corruption (GOPAC) sa susunod na buwan. Lalahok din ang higit sa 100 mambabatas mula sa Pilipinas.
Sinabi ni Senador Edgardo J. Angara na ang pagtitipong ito ay makasaysayan para sa Pilipinas sapagkat ito ay isang "vote of confidence" sa anti-corruption program ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
Idinagdag pa ni Ginoong Angara na si Pangulong Aquino ang magiging keynote speaker sa apat na araw na pulong mula ika-30 ng Enero hanggang ika-2 ng Pebrero sa Philippine International Convention Center.
Magsasalita sina Huguetee Labelle, dating deputy minister ng Canada at Chairperson ng board of Transparency International at Ghassan Moukheiber, Vice Chairman ng Arab Region Parliamentarians Against Corruption.
Tema ng pagtitipon ang "Good Laws. Good Leaders. Good Citizens."
Congresswoman Arroyo at Anak, humiling na bumuo ng palatuntunan para sa mga dating bilanggo
DAHILAN sa kahirapang makatagpo ng mapapagkakitaan ang mga dating bilanggo, hiniling ng dating pangulo at ngayo'y Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo at anak niyang si Camarines Sur Congressman Diosdado Macapagal-Arroyo na ipasa ang kanilang House Bill 6716.
Layunin ng panukalang batas na magkaroon ng angkop na hanapbuhay para sa mga dating bilanggo.
Sa oras umanong makalaya ang mga bilanggo, nahihirapan silang mabigyan ng magandang kabuhayan ang kanilang mga mahal sa buhay. Ayon sa kanilang pagsusuri, hirapang magkahanapbuhay ang mga dating bilanggo.
Nagdadalawang-isip ang mga employer na kumuha ng mga dating bilanggo bilang mga kawani dahilan sa kanilang nakalipas.
Kailangan umanong magkaroon ng Committee on Employment Opportunities for Former Prisoners sa ilalim ng Kagawaran ng Katarungan.
Saklaw ng panukalang batas ang pagbibigay ng pabuya sa mga kumpanyang pribado na kukuha ng mga dating bilanggo tulad ng karagdagang deduction mula sa gross income tax.
Ang incentive ay karagdagang deduction tulad ng 15% mula sa kabuuhang halagang ibinayad bilang sahod ng mga dating bilanggo na kinuhang manggagawa.
Diborsyo, walang matinong maidudulot sa pamiliya
WALANG maidudulot na mabuti sa pamilya ang diborsyo sapagkat higit na masisira ang pamilya at papawi sa anumang itinuturo ng lipunan sa kahalagahan ng pamilya.
Nararapat lamang mapigil ang layuning gawing legal ang diborsyo sa bansa sapagkat mawawalan ng kasagraduhan ang kasal at ang mga supling ang magiging biktima. Nararapat pa ngang palakasin ang pamilya sapagkat ito ang pinakamaliit na bahagi ng lipunan, ayon sa Saligang Batas. Ito ang pahayag ni Chet Espino, isang manunulat at may asawa sa nakalipas na 21 taon. Si Espino at ang kanyang maybahay ay may isang anak na lalaki at dalawang anak na babae.
Si Espino, may akda ng aklat na 88 Days in India: A Pilgrimage of Faith, Hope and Love, ang nagpaliwanag ng kahalagahan ng kasal sapagkat ito'y hindi lamang pakikipagkasundo sa kabiyak kungdi pakikipagkasundo sa Diyos.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |