|
||||||||
|
||
Pakikipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front, umuusad
PAG-UUSAP NG PAMAHALAAN AT MILF MADALI NG MATAPOS. Ito ang paniniwala ni Prof. Miriam Coronel Ferrer, Chairperson ng Government of the Philippine Negotiating Panel with the Moro Islamic Liberation Front sa isang exclusive interview. Malaking bagay na matapos ang kasunduan upang magugol ang nalalabing panahon ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa pagpapatupad ng malawakang kasunduan.
MALAKI ang posibilidad na matapos ang ilang mahahalagang detalyes ng nilagdaang Bangsamoro Framework ng Pamahalaan ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front (MILF) bago pa man sumapit ang Marso ng taong ito.
Sa isang exclusive interview ngayong araw na ito kay Chairperson Miriam Coronel Ferrer ng Pamahalaan ng Pilipinas na nakikipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front, nakatakdang pag-usapan ang walo hanggang sampung isyu na nasa power-sharing, wealth-sharing, transitional arrangements and modalities at normalization upang isaayos ang lahat.
Ayon kay Professor Ferrer, sandali na lamang ito sapagkat nais ng magkabilang-panig na magamit ang nalalabing panahon ni Pangulong Aquino upang maipatupad ang nilalaman ng malawakang kasunduan.
Naipatupad na ang ilang bahagi nito matapos lagdaan ang Framework (noong ika-15 ng Oktubre 2012) sa pagkakaroon ng Transition Commission na gagawa ng batas tungkol sa Bangsamoro. Noong bago mag-Pasko, inilabas na ni Pangulong Aquino ang kautusan na bubuo ng transition commission. Mayroon na ring positibong aksyon sa Senado at Kongreso.
Walang anumang nakikitang problema si Gng. Ferrer sa mga magtatanong tungkol sa constitutionality ng Bangsamoro sapagkat maliwanag umano ito sa Saligang Batas ng Pilipinas na kumikilala sa mga nasa Cordillera at Muslim Mindanao.
Tuloy ang halalan para sa ARMM at sa Kongreso sa darating na Mayo ng taong ito, dagdag pa ni Gng. Ferrer. Bago umano ang magiging kalakaran sapagkat ministerial system ang ipatutupad. Ang ihahalal ng mga mamamayan ay hindi tao kungdi ang partido na siyang bubuo ng mangangasiwa sa Bangsamoro.
Saklaw daw ng annex on normalization ang pagkilos tungkol sa loose firearms at private armed groups base sa pangako ng pamahalaan at ng MILF na sugpuin ang mga armadong grupo at mga illegal na sandata.
Naniniwala si Gng. Ferrer na maraming mga Pilipinong umalis sa Mindanao at nagtungo sa ibang bansa ang magmamasid sa magaganap sa Bangsamoro set-up. Karamihan sa mga umalis ng Pilipinas noong mga nakalipas na dekada ay mga naghahanap ng trabaho kaya't maituturing silang economic migrants. Bagaman, nagpapadala pa rin sila ng salapi sa kanilang mga naiwan sa Pilipinas.
Malayo na ang narating ng Bangsamoro Framework kung ihahambing sa Memorandum of Agreement on Ancestral Domain na nakatuon sa resources at lupaing nasasakupan. Sa Bangsamoro Framework ay isang comprehensive agreement na may mekanismo na titiyak ng kapayapaan at kaunlaran sa pook.
Mapakikinggan ang buong panayam sa CBCP Online Radio.
Bagong Asean Secretary General, Binati ni Kalihim Del Rosario
BINATI ni Kalihim Albert F. Del Rosario ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ng Pilipinas si Vice Minister Le Loung Minh ng Vietnam sa kanyang panunungkulan bilang Secretary General ng Association of South East Asian Nations.
Sa isang pahayag na kalalabas pa lamang, sinabi ni Kalihim del Rosario, malawak ang karanasan at kakayahan ni Ginoong Le, umaasa ang Pilipinas na matutugunan niya ang mga hamong hinaharap ng ASEAN sa pagtatangka ng sampung bansang magkaroon ng isang komunidad na nagkakaisa sa larangan ng politika, maayos na nagkakalakalan ng mayroong pananagutan.
Makatitiyak si Vice Minister Le ng buong pakikipagtulungan at suporta mula sa Pilipinas, dagdag pa ni Kalihim del Rosario.
Overstaying Filipino workers sa United Arab Emirates, mas makabubuting gamitin na ang amnesty
NANAWAGAN si Kalihim Rosalinda D. Baldoz sa mga Pilipinong nasa United Arab Emirates na lumampas na sa itinakda ng kanilang mga visa kaya't illegal aliens na sa maunlad na bansa na umalis na upang huwag magmulta. Kungdi man ay kumilos upang maging legal ang kanilang paninirahan doon sa pagkakaroon ng amnesty mula noong ika-apat ng Disyembre ng 2012 hanggang ikatlong araw ng Pebrero ng taong ito.
Makakakuha sila ng exit passes at makaaalis ng bansa ng walang anumang multa o di kaya'y magiging regular sila matapos magbayad ng multa. Ito ang mensahe ni Kalihim Baldoz matapos matanggap ang ulat ni Labor Attaché Nasser Mundar. Naglabas ang pamahalaan ng UAE ng bagong dalawang buwang amnesty para sa illegal residents mula noong Disyembre 2012.
Huling ginawa ng pamahalaan ng UAE ang amnesty noong 2007. Higit sa 340 libong mga illegal aliens mula sa iba't ibang bansa ang gumamit ng amnesty samantalang 95,000 ang kumilos upang maging legal ang kanilang paninirahan doon. Wala pang nakababatid kung ilan ang gagamit sa amnesty program ngayon.
Tinatayang mayroong 209,385 mga Overseas Filipino Workers sa United Arab Emirates.
Catholic Relief Services tuloy sa pagtulong sa mga biktima ni PABLO
MALAKING hamon para sa pamahalaan, mga pandaigdigang ahensya at maging sa Simbahang Katolika ang pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ni Pablo.
Sa pagsusuri ng Catholic Relief Services sa ilalim ni Joe Curry, umabot sa 89,666 tahanan sa Compostela Valley at Davao Oriental ang napinsala. Ang bahagyang napinsalang mga tahanan ay umabot sa 121,551 kaya't maliwanag na 216,817 mga pamilya ang may mga napinsalang tahanan.
Ang mga nasa evacuation centers ay nabawasan na at ngayo'y 13,940 katao na lamang.
Higit na sa 25,000 mga trapal ang naipamahagi ng USAID sa pamamagitan ng pamahalaan ng Pilipinas. Paglilingkuran ng Catholic Relief Services ang may 6,000 pamilya sa Compostela Valley at 3,500 pamilya sa Davao Oriental. Nakikipag-ugnayan na ang CRS sa mga pamahalaang local na magbigay ng shelter supplies at mamahagi pa ng 4,000 trapal mula sa USAID patungo sa pamahalaang Pilipino.
Ang Compostela Valley at Davao Oriental ang priority areas ng CRS. Ang pamahalaan at mga local charitable organizations ang nagbigay nan g food packs. Nakalulungkot lamang na ang mga nakakatanggap ay ang madaling puntahan. Halos wala pang natatanggap ang nasa ilang at malalayong pook.
Prayoridad ng CRS ang New Bataan at mga kalapit barangay para sa water supply, non-food items, wash kits at emergency shelter. Bumibili rin ang CRS ng mga tangke ng tubig, bomba ng tubig, water trucking supplies, tulugan, water/hygiene kits, water purification tablets, mga trapal at lubid.
Marami na ring nagbigay ng tulong mula sa iba't ibang samahan at pamahalaan. Kabilang sa nagparating ng tulong ang Tsina na nagpadala ng $ 200,000 at ang Chinese Red Cross na una ng nagpadala ng $ 30,000 noong nakalipas na Disyembre.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |