Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Paghahanda para sa kapistahan ng Itim na Nazareno, nagpapatuloy

(GMT+08:00) 2013-01-04 17:36:14       CRI

Paghahanda para sa kapistahan ng Itim na Nazareno, nagpapatuloy

TINIYAK ng pamunuan ng Basilica ng Itim na Nazareno na maiiwasan na ang mga naganap noong nakaraang taon matapos tumagal ng 22 oras ang prusisyon mula sa Quirino Grandstand patungo sa kinalalagyan ng imahen. Pinalitan na rin ang gulong ng andas ng imahen at ginawa ng solidong goma.

Hindi mababago ang ruta ng prusisyon sapagkat baka mauwi na naman sa kaguluhan ang anumang pagbabago, ani Msgr. Clemente Ignacio, Rector ng Basilica.

Nanawagan na rin si Msgr. Ignacio sa mga lalahok sa prusisyon na huwag ng sumama ang mga nagdadalang-tao at huwag na ring magsama ng mga bata. Nakiusap din siya na huwag kailanman gagamit ng mga paputok at dalhin ang mga maiiwanang bata o kagamitan sa kanilang police command post.

Sa Lungsod ng Maynila, bagama't may pasok ang mga kawani, bibigyan ang mga empleado ng pagkakataong makilahok sa kapistahan. SA mga paaralang dadaanan ng prusisyon ay nangangahulugang kanselado na ang klase. May inilaan ang pamahalaang lungsod ng Maynila na 50 portalets para sa mga deboto.

Magugunitang libu-libong kalalakihan ang nagnanais makabilang sa magpapasan ng imahen.

Ipinag-utos din ni National Capital Region Police Office Chief Supt. Leonardo Espina sa kanyang mga tauhan na panatiliin ang maayos at payapang pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno.

Sa kanilang isinaayos na programa, dadalhin ang imahen ng Nazareno sa Quirino Grandstand sa darating na Martes, ika-walo ng Enero. Magkakaroon ang mga deboto ng pagkakataong humalik sa imahen mula ala-una ng hapon. Magkakaroon ng misa at healing service sa ganap na ika-lima ng hapon at sa oras na ika-pito ng gabi, magsisimula na ang magdamag na pagdarasal.

Sa araw ng kapistahan sa ika-siyam ng Enero, may misa sa simbahan ng Quiapo mula alas-tres ng madaling araw hanggang ika-12 ng tanghali. Magtatapos ang pagdarasal sa Quirino Grandstand sa ganap na ika-anim ng umaga, kasabay ng pagsisimula ng concelebrated Mass. Ika-pito ng umaga aalis ang imahen patungong Quiapo sa pamamagitan ng prusisyon.

Magsisimula na naman ang misa sa simbahan sa ganap na ikatlo ng hapon hanggng ika-siyam ng gabi.

Samantalang ipinuprusisyon na ang imahen ng Itim na Nazareno mula sa Quirino Grandstand, magkakaroon ng sunod-sunod na misa sa basilica mula ikatlo ng umaga hanggang ika-12 ng tanghali.

Palasyo, natuwa sa mababang inflation rate

IKINATUWA ng Administrasyong Aquino ang pahayag ng National Statistics Office (NSO) na ang annual average headline inflation rate ng Pilipinas ay bumaba at narating ang 3.2% sa taong 2012 mula sa 4.6% noong 2011. Ito ang pinakamabagal na takbo ng inflation sa paglipas ng mga taon mula noong 2008.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Atty. Abigail Valte, samantalang ang buwanang inflation rate para sa Disyembre ay tumaas at narating ang 2.9% mula sa 2.8% noong Nobyembre. Mas mababa ito kaysa 4.2% inflation rate noong Disyembre 2011.

Idinagdag ng NSO, ito'y dahilan sa mas mataas na taunang rates sa food at non-alcoholic beverages at alcoholic beverages at tobacco indices.

Sa pagtatag ng ekonomiya ng Pilipinas na umabot sa 7.1% sa ikatlong sangkapat (quarter) ng 2012, ang 2012 inflation rate ay nanatiling stable at nasa loob ng 3 to 5 percent target na napapaloob sa Philippine Development Plan (2011-2016).

Taong 2012, isang taon ng pagbabago

NANINIWALA si Gobernador Amando Tetangco ng Bangko Sentral ng Pilipinas na ang nakalipas na taon ay isang taon ng pagbabago sapagkat ang mga economic policy makers ng mauunlad na bansa ay nanatiling walang katiyakan para isulong ang kailangang economic reforms sa paglutas ng European sovereign debt crisis at ang paraan ng pagpipil sa American fiscal cliff.

Sa kanyang talumpati sa harap ng Rotary Club of Manila at mga kalapit pook, sinabi ni G. Tetangco na ang mga umuunlad na pamilihan sa kabilang bahagi ng daigdig ang nabahala sa magiging epekto ng krisis sa kanilang sariling mga bansa. Magugunitang mahalaga ang Europa at America sa kanilang mga pamilihan.

Sa pagpupulong ng mga gobernador ng mga bangko sentral ng mga umuunlad na enonomia, nagtatanungan sila kung paano makaiiwas sa epekto ng krisis sa ibang bahagi ng daigdig sa kanilang mga sariling bansa. Nais din nilang malaman kung gaano kalaki ang magiging pinsala.

Natuon ang pansin sa "crisis prevention and mitigation" ang naging salawikain ng mga policy-makers sa buong daigdig.

Mahalaga ang naging papel ng central bankers sa pag-iwas sa panibagong global financial crisis. Sa kanyang talumpati, sinabi pa ni Gobernador Tetangco na malapit nang malutas ng Europa ang kanilang problema samantalang ang economic growth ng America ay posibleng maganap na.

Sa Pilipinas, sinabi ni G. Tetangco na sa Pilipinas at bilang tugon sa dalawang malalaking isyu, binawasan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang domestic monetary conditions sa pagbabawas ng policy rates sa pagkakaroon ng pinag-isang 100 basic points. Mas mababa ito sa borrowing rate mula sa 4.5% patungo sa 3.5%.

Nabawasan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang policy rates sapagkat maganda ang domestic inflation outlook na masasabing kayang lampasan at maisaayos.

Ang maituturing na maluwag na monetary policy ay naging dahilan na rin sa mga bangko na bawasan ang kanilang mga intrest rates na nakatulong sa domestic investments at consumption.

Lalaki, namaril, tatlo ang nasawi

TATLO katao ang nasawi matapos magpaputok ng kanyang kalibre .45 ang isang lalaki sa kanyang mga kapitbahay ng walang anumang dahilan kaninang umaga.

Ayon sa initial reports na lumabas sa mga pahayagan, kinilala ang naghuramentado sa pangalang Ronald Bae na taga-Barangay Tabon 1.

Ibinalita ni Sr. Supt. Alexander Rafael, Cavite Police Director na pinagbabaril ni Bae ang kanyang mga kapitbahay ng walang anumang dahilan mga ika-siyam at kalahati kaninang umaga.

Tatlo sa kanyang mga kapitbahay ang nasawi sa insidente. May iba pang biktima na siinugod sa iba't ibang pagamitan sa bayan ng Kawit, sa Cavite.

Tinangkang dakpin ng pulisya si Bae subalit nanglaban kaya't binaril na rin ng mga pulis. Isinugod siya sa pagamutan at doon na nalagutan na ng hininga.

Tumakbo umano si Bae sa pagiging barangay captain noong nakalipas na halalan subalit natalo.

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>