|
||||||||
|
||
MGA LARAWANG KUHA SA SAN JACINTO, MASBATE TUNGKOL SA DRONE NA MULA SA ESTADOS UNIDOS. Natagpuan ng mga mangingisda noong Linggo ng umaga ang drone na ginagamit umano sa traget practice ng mga kawal ng America na nasa Pilipinas sa ilalim ng Visiting Forces Agreement. Hindi naman nabahala ang mga taga-San Jacinto, Masbate. Nais nga ng kanilang punong-bayan na ialagay na lamang sa kanilang munisipyo ang drone bilang souvenir.
NATAGPUAN ng mga mangingisda ang isang Drone na pinaniniwalaang mula sa Estados Unidos sa karagatan ng Barangay Tacdugan, San Jacinto, Masbate kamakalawa (Linggo ng umaga).
Sa isang panayam kay San Jacinto Mayor Leny Arcenas sa pamamagitan ng telepono, nakita ng mga mangingisda noong Linggo ng umaga ang drone at hinila patungo sa kanilang barangay. Kaagad silang tumawag ng pulis upang magsagawa ng pagsisiyasat.
Ani Mayor Arcenas nais nilang ilagay na lamang sa kanilang munisipyo ang drone at magsilbing souvenir subalit hiniling ng pamunuan ng Hukbong Dagat ng Pilipinas na may tanggapan sa Lungsod ng Legazpi na dalhin nila ang kagamitan mula sa Estados Unidos sa Legazpi City.
Samantala, sinabi ni Assistant Secretary Raul Hernandez ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas na nakatanggap sila ng balitang nagsasaad na may isang aerial vehicle o bahagi ng aerial vehicle na may marka ng US military ang natagpuan sa baybay-dagat ng Masbate.
Ang executive officer ng Visiting Forces Agreement na si Retired General Eduardo Adan ay pinag-utusan nang magsagawa ng pagsisiyasat at mag-ulat.
Idinagdag pa ni Ginoong Hernandez na may koordinasyon na sa Kagawaran ng Tanggulang Pambansa at maging sa Embahada ng Estados Unidos ang Kagawaran ng Ugnayang Panglabas.
"Nais naming tiyakin sa mga mamamayan na ginagawa naming ang lahat upang mabatid ang buong detalyes," dagdag pa ni G. Hernandez.
Natiyak na umano ng Embahada ng Estados Unidos na ang aerial vehicle ay ginawa upang magamit sa pagsasanay ng mga kawal para sa kanilang target practice at wala itong anumang sandata at hindi rin ginagamit sa surveillance. Saklaw umano ng Visiting Forces Agreement ang pagkakaroon ng mga kawal mula sa Estados Unidos. Ang VFA ay kasunduan ng America at Pilipinas.
Ang pangyayaring ito ay matutugunan ayon sa nilalaman ng kasunduan, dagdag pa ni Ginoong Hernandez.
PUBLIC ATTORNEY'S OFFICE, MAGLILINGKOD SA STATELESS CITIZENS AT REFUGEES
KASUNDUAN NG PAO AT UNHCR NILAGDAAN NA. Makakaasa na ang stateless citizens at refugees na dumaraan sa Pilipinas na magkakaroon ng payong legal at kaulang tulong sa dokumentasyon sa paglagda ni Atty. Persida V. Rueda-Acosta, pinuno ng Public Attorney's Office at United Nations High Commissioner for Refugees Representative Bernard Kerblat sa pinakamadaling panahon. Taon-taon ay umaabot sa 130 stateless citizens at refugees ang dumaraan sa Pilipinas.
PORMAL na lumagda sa kasunduan ang Public Attorney's Office ng Pilipinas at United Nations High Commissioner for Refugees na magtutulungan sa paglilingkod sa stateless citizens at mga refugee.
Sa isang pormal na seremonya sa Lungsod ng Quezon, nagkasundo sina Bernard Kerblat, kinatawan ng United Nations High Commissioner for Refugees at Atty. Persida V. Rueda-Acosta ng Public Attorney's Office na tutulong sa dokumentasyon at paggagawad ng payong legal sa mga banyagang naghahanap ng ibang bansang tatanggap sa kanila.
Ani G. Kerblat, malaking bagay ang pagtulong ng Public Attorney's Office sapagkat hindi na mahihirapan ang may 130 mga banyagang dumaraan sa Pilipinas patungo sa kanilang mga bansang titirhan sa ibang bahagi ng daigdig.
Nagmumula ang mga refugee at stateless citizens sa Afghanistan, Iraq, Sudan at iba pang mga bansang may matinding kaguluhan.
Saklaw ng kasunduan ang pagsasanay ng mga tagapagtanggol ng PAO sa buong kapuluan sa pamamagitan ng UNHCR. Ani Atty. Acosta, ang mga Regional Public Attorneys lamang ang dadalo sa mga pagsasanay na sisimulan sa buwan ng Pebrero sa Mindanao. Ang mga aktibidad na ito ang popondohan ng UNHCR.
NATIONAL BIBLE SUNDAY, PINAGHAHANDAAN NA
ISINASAAYOS na ng iba't ibang samahan tulad ng Episcopal Commission on Biblical Apostolate ang pagdiriwang ng National Bible Sunday ngayong Enero.27. Ayon kay Dr. Nora Lucero, general secretary ng Philippine Bible Society, angkop ang tema ngayong taon sapagkat napapanahon sa "Year of Faith" kaya't ito'y "Proclaim the Word! Profess the Faith!"
Sa panayan ng CBCP Online Radio, sinabi ni Dr. Lucero na malaking tulong ang Biblia sa pagbabagong buhay. Binanggit din niya ang mga palatuntunang inilunsad ni Laoag (Ilocos Norte) Bishop Rene Mayugba noon pa mang nakalipas na Disyembre.
Maraming mga nakatakdang gawin sa Laoag kasabay ng pagdiriwang ng National Bible Week na sinimulan nina Pangulong Ferdinand Edralin Marcos, Corazon Cojuangco Aquino at Fidel Valdez Ramos. Sa kanilang mga proklamasyon, binigyang-halaga ang bibliya at ang papel nito sa lipunan.
Ipinagpapatuloy pa rin ng Philippine Bible Society at Episcopal Commission on Biblical Apostolate ang "May They Be One" project na naglalayong makapamahagi ng may limang milyong bibliya sa mga mahihirap na pamilya sa Pilipinas sa halagang P 50.00 bawat isa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |