Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Milyon katao dumalo sa pista ng itim na Nazareno

(GMT+08:00) 2013-01-09 18:24:24       CRI

MILYON ANG DUMAGSA SA PISTA NG NAZARENO.  Kitang-kita ang dami ng mga lumahok sa prusisyon ng Itim na Nazareno na sinimulan kaninang ika-pito at kalahati ng umaga sa Quirino Grandstand hanggang sa Basilica Minore sa Quiapo District.  Umaasa ang kaparian ng Quiapo na makararating ang prusisyon bago sumapit ang hatinggabi ngayon.  (MGA KUHA NI ROY LAGARDE/CBCP)

PATULOY pa rin ang pagtahak ng milyun-milyong deboto ng Itim na Nazareno sa mga lansangan ng Maynila sa prusisyon nitong nagmula kaninang mga ika-pito at kalahati ng umaga sa Quirino Grandstand sa Luneta. Inaasahang makararating ang prusisyon sa Basilica Minore ng Itim na Nazareno bago sumapit ang hatinggabi ngayon.

Taun-taong dumaragsa ang mga deboto sa Quiapo upang makiisa sa pagdiriwang. Noong isang taon ay umabot sa 22 oras ang prusisyon, ang pinakamatagal sa kasaysayan ng debosyon sa imahen ng Itim na Nazareno na nagsimula pa noong taong 1650 sa pagdadala ng mga misyonerong Agustino ang imahen mula sa Mexico.

Sinasabing nakaligtas sa sunog ang imahen samantalang nasa paglalakbay sa karagatan noong 1650.

Sa kanyang homiliya, sinabi ni Arsobispo Luis Antonio G. Cardinal Tagle na may mga taong kung mag-alaga ng kanilang kagamitan ay sukdulan na sapagkat ito ang kanilang pinahahalagahan at hindi ang kanilang kaluluwa.

Mayroon umanong mga taong mas nananalig sa kanilang kagamitan kaysa sa Diyos. Mayroon ding mga taong kinakausap ang kanilang mga alagang halaman subalit 'di kinakausap ang Diyos.

Ikinalungkot din ng arsobispo ang ugali ng ilan na mas espesyal ang pagkain para sa kanilang mga aso't pusa bagama't halos'di na makain ng tao ang ipinakakain sa kanilang mga kasambahay.

Binigyang-diin ni Cardinal Tagle na ang mga deboto ng Itim na Nazareno ay sumaksi sa katotohanang ang buhay at sagrado. "Kailangang patotohanan iyan," dagdag pa ni Cardinal Tagle. Maraming sigalot sa daigdig na ginagastusan ng salaping nararapat sanang gamitin sa pagpapakain ng mga nagututom, pagpapatayo ng mga tahanan, paaralan na ngayo'y nagagamit sa pagpaslang.

Drone na natagpuan sa karagatan ng masbate, mula sa guam

NAGMULA sa Guam ang drone na natagpuan ng mga mangingisda sa San Jacinto, Masbate noong Linggo ng umaga.

Ito ang lumabas na impormasyon mula sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas kagabi. Ayon kay Assistant Secretary Raul Hernandez, nakipagunayan sila sa Embahada ng Estados Unidos kahapon. Nabatid na ang drone ay isang BQM-74E aerial target na madaling mabawi, remote controlled at isang subsonic aerial target na ginagamit ng mga kawal ng Hukbong Dagat ng America.

Nagmula umano ito sa USS Chafee sa idinaos na exercise na pinangalanang Valiant Shield 2012 noong ika-19 ng Setyembre bilang bahagi ng naval exercise. Wala umanong armas ang drone at hindi ginagamit para sa surveillance activities. Natangay lamang umano ng alon sa karagatan ang drone kaya natagpuan sa karagatan sa pag-itan ng Luzon at Ticao Island sa Masbate. Hindi umano ito bumagsak sa karagatang saklaw ng Pilipinas, dagdag pa ni Ginoong Hernandez.

Mga nagwagi ng parangal sa outstanding young men, pinuri ni pangulong Aquino

PINAPURIHAN ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang mga nagwagi sa taunang paghahanap para sa magagaling na mga Pilipino sa Rizal Hall, Malacanang Palace kanina.

Mahalaga umano ang pagiging mabubuting halimbawang maipakikita ng mga awardees na pinangungunahan ni Emmeline Aglipay, isang mambabatas na matagumpay na nagpatupad ng kanyang mga programa para sa mga mamamayan, ang television reporter na si Jiggy Manicad na nag-ulat sa iba't ibang bahagi ng bansa, si Ivan Henares na may pagpapahalaga sa makasaysayang nakalipas ng bansa at si Chieffy Caligdong na malaki ang nagawa sa Philippine Azkals. Kabilang din sa awardees sina Abellardo David na inialay ang kanyang buhay matiyak lamang na may poder ang mga taong maykapansanan at Warren Baticados na nagmula sa daigdig ng veterinary medicine.

Ayon kay Pangulong Aquino, hindi lamang pagpaparangal ang kanyang gawain sa pagtitipon kungdi paghamon sa awardees na gumawa pa ng mas magagandang bagay upang kakitaan ng inspirasyon ng mga mamamayan at ng mga kabataan.

Natutunan na umano niya bilang pangulo na walang sinumang tao, alinmang samahan, korporasyon o pamahalaan ang makapagsasabing sa kanila nagmula ang tagumpay. Kailangan umano ang pagtutulungan ng bawat mamamayan, dagdag pa ni Pangulong Aquino.

Provincial police director, mga tauhan, inalis sa puesto

TINANGGAL sa kanilang posisyon si Police Sr. Supt. Valeriano de Leon at 15 sa kanyang mga tauhan dahilan sa kanilang pagkakasangkot sa sinasabing enkwentro sa Atimonan, Quezon na ikiansawi ng 13 katao na kinabibilangan ng tatlong pulis at tatlong kawal.

Sa isang briefing na inilabas sa telebisyon, sinabi nina Kalihim Manuel Araneta Roxas II at PNP Director General Allan Purisima sa hiwalay na pagpapahayag, ang desisyon tungkol sa pagaalis kina De Leon at mga tauhan niya.

Nabalitang naka-sibilyan ang mga pulis noong maganap ang insidente na taliwas sa kautusan ng pulisya sa mga tauhang magsasagawa ng checkpoint.

Ayon kay Director General Purisima, inaalam pa nila ang lahat ng impormasyon tungkol sa ibang pang nasangkot sa insidente. Inutusan din sina De Leon na humarap sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation.

Nabatid ring walang marked police vehicle sa lugar ng checkpoint at lumabas na minadali ang paglalagay ng road barriers.

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>