Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Kalihim Leila de Lima, tiniyak ang pagsisiyasat sa naganap na barilang ikinasawi ng 13 katao noong linggo

(GMT+08:00) 2013-01-10 18:19:50       CRI

TULOY ANG IMBESTIGASYON. Ito ang sinabi ni Kalihim Leila de Lima sa panayam ng CBCPNews kanina. Maliwanag umano ang utos ni Pangulong Benigno Aquino III na alamin ang lahat ng detalyes ay pag-ibayuhin ang imbestigasyon.

TINIYAK ni Kalihim Leila de Lima ng Kagawaran ng Katarungan na kumikilos na ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation at binalikan ang pook na pinangyarihan ng sinasabing sagupaan sa Atimonan, Quezon kahapon.

Sa isang exclusive interview, sinabi ni Kalihim de Lima na inaalam nila kung mayrong nakasaksi ng pangyayari at ikinalat na rin ang Forensic Team at Medico-Legal Team upang magsagawa ng panibagong autopsy sa ilang mga bangkay.

KALIHIM DE LIMA AT KUYA RAMON NG CRI NAGTAGPO. Nagkita sina Kalihim Leila de Lima ng Kagawaran ng Katarungan at Kuya Ramon ng CRI-Filipino Service sa isang pananghalian kanina sa Maynila. Kasama sa larawan si Huo Ran ng Beijing University.

Ipinasisiyasat din ni Kalihim de Lima kung mayroon ngang ikatlong sasakyan at hanapin ito. Nararapat malaman kung mayroong nakasaksi mula sa sinasabing ikatlong sasakyan, dagdag pa niya.

Inaalam pa rin ng mga kinauukulan kung pinakialaman ba ang crime scene.

Ipinaliwanag pa niya na ang malina ang utos ni Pangulong Aquino: alamin ang detalyes ng insidente at alamin ang katotohanan upang higit na maging kapani-paniwala ang kalalabasan ng kanilang pagsisiyasat.

Magugunitang may 13 kataong nasawi sa sagupaan ng mga pulis at mga armado noong Linggo ng hapon. Kumilos umano ang pulisya ng Quezon Province sapagkat mayroong mga armadong dadaan sa Atimonan, Quezon kaya't nagmadaling naglagay ng checkpoint at roadblocks.

Nabatid na lamang na sa 13, tatlo ang pulis na kinabibilangan ng isang police superintendent at dalawang tauhan at tatlong mga kawal mula naman sa Armed Forces of the Philippines.

KALIHIM DEL ROSARIO AT MINISTRO KISHIDA NAGKASUNDONG MAGTUTULUNGAN

HUMARAP sa mga mamamahayag sina Kalihim Albert F. del Rosario ng Pilipinas at Ministro Fumio Kishida kaninang umaga at nagsabing magtutulungan ang dalawang bansa sa mga mahahalagang paksa.

Sa panig ni Kalihim del Rosario, naging makabuluhan at makahulugan ang kanilang pag-uusap hinggil sa mga isyu sa pagitan ng dalawang bansa at rehiyon, kalakalan, turismo at development assistance kabilang na ang maritime security at ang Mindanao peace process.

Ani G. del Rosario, ang Japan ang No. 1 trading partner na higit sa $ 13 B noong nakalipas na taon. Idinagdag pa niya na ang Japan din ang pinagmumulan ng approved investments mula pa noong 2009 na umabot sa P 22 bilyon sa unang bahagi pa lamang ng 2012. Magkakaroon din ng pagtutulungan sa promosyon ng investments sa mga small at medium scale enterprises.

Binanggit pa ni Kalihim del Rosario na ang Philippines-Japan Economic Partnership Agreement ang una at kaisa-isang bilateral Free Trade Agreement na higit na makakatulong kung maisasaayos ang kasunduan upang magdulot ng higit na biyaya sa magkabilang panig.

Sa larangan ng maritime security, tumutulong ang Kapan sa Pilipinas sa pagpapalakas na Philippine Coast Guard sa pamamagitan ng human resource development at pagpapayabong ng communications system matiyak lamang ang kaligtasan ng mga magdaragat.

Ani Kalihim del Rosario, pinasalamatan din niya si Minister Fumio Kishida sa tulong sa Mindanao peace process. Mula noong 2006, ang Japan Bangsamoro Initiatives for Reconstruction and Developent sa pamamagitan ng mga pagawaing bayan na nagkakahalaga ng P 5.5 bilyon. Kasama rin ang Japan sa International Monitoring Team.

Tumulong din ang Japan sa mga biktima ng bagyong Pablo kamakailan.

Samantala, sinabi naman ni Japanese Foreign Minister Fumio Kishida na mahalaga sa kanilang mga foreign minister na mag-usap at palaguin ang kalakal sa pagitan ng dalawang bansa. Mahalaga ito sa pagsusulong ng kapayapaan at maunlad na Asia-Pacific Region.

PILIPINAS AT JAPAN, NAGKASUNDONG MAGTUTULUNGAN. Ipinaliwanag ni Japanese Foreign Minister Fumio Kishida (kanan) na tutustusan nila ang extension ng LRT 1 at LRT 2 at ang pagpapagawa ng bagong international airport sa Bohol. Nasa gawing kaliwa si Kalihim Albert F. del Rosario ng Pilipinas.

Nagkasundo sila ni Ginoong del Rosario sa sa pagpapalawak ng kalakal at negosyo sa pagpapaunlad ng business environment at pagsasaayos ng mga pagawaing bayan ng Pilipinas sa pamamagitan ng overseas development assistance at pagtanggap ng mga Filipino nurses at caregivers sa Japan. Ipinaabot din ni Minister Kishida ang desisyon ng pamahalaang Japones na magpahiram ng salapi sa dalawang proyekto para sa LRT 1 and 2 extension at pagtatayo ng bagong airport sa Bohol.

Ayon sa panauhing Hapones, paiigtingin ang policy dialogue, pag-iibayuhin ang maritime cooperation at iba pang hakbang.

Ipinagpasalamat ni Minister Kishida ang paglagda ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front sa Bangsamoro Framework at tiniyak niya ang pagsuporta sa programang naglalayong magdudulot ng kapayapaan. May mga bagong proyekto sa larangan ng human resource development at community development sa pagtatayo ng Bangsamoro government.

Kakausapin din niya si Ginoong del Rosario sa kanilang pananghalian tungkol sa regional issues at kung paano matutugunan ang nuclear at missile development ng Hilagang Korea at kahalagahan ng paglutas sa isyu ng abduction.

Napapanahon umano ang pagtutulungan dahilan sa ika-40 anibersaryo ng Japan-ASEAN friendship and cooperation. Susuriin umano nila ang 40 taon ng pagkakaibigan ng Japan at ASEAN sa pamamagitan ng connectivity, disaster management, youth exchange at iba pang larangan upang masuportahan ang ASEAN sa pagbuo ng ASEAN community sa taong 2015.

SA LARANGAN NG KALAKAL, BENTAHAN NG SASAKYAN, TUMAAS NG 48% NOONG DISYEMBRE; 11% NAMAN SA BUONG 2012

MALAKI ang naging benta ng mga sasakyan sa huling buwan ng taong 2012. Ayon sa Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, umabot sa 48% ang itinaas ng benta kung ihahambing sa parehong panahon noong 2011. Umabot sa 15,369 na mga sasakyan ang naipagbili noong Disyembre.

Umabot naman sa 156,649 na sasakyan ang naipagbili sa buong 2012 at mas mataas ito ng 11% sa mga naipagbili noong 2011.

Toyota pa rin ang nanguna sa pagkakaroon ng 41.7% sa buong pamilihan. Sinundan ito ng Mitsubishi na nagkaroon ng 22.3% at Honda na mayroong 8.1%. Ang Isuzu ang pang-apat at nagkaroon ng 7.5% share samantalang ang Ford ang pang-lima na nagkaroon ng 6.0% share.

Ang mga sasakyang naipagbili noong Disyembre ang maituturing na "record-breaking" sa buong 2012. Ang paglagong ito ay dahilan sa pagpasok ng mga bagong modelo at lumalagong ekonomiya. Ang malakas na paggasta sa pagsapit ng Kapaskuhan ang isa sa mga dahilan ng pagdagsa ngmga namili ng sasakyan.

Natutuwa si Atty. Rommel Gutierrez sa datos na nakita sa taong 2012. Sa isang pahayag, sinabi niyang makatutugon na ang industriya ng mga sasakyan sa patuloy na paglago ng merkado. Mas marami at bagong modelo na ilalabas ang kanilang samahan upang higit na gumanda ang kalakalan, dagdag pa ni Atty. Gutierrez.

MONGHE, NAMAYAPA NA

NAMAYAPA na ang tanyag na liturgist at pinakahuling papal awardee ilang araw bago niya matanggap ang parangal. Nakatakdang gawaran ng Pro Ecclesia et Pntifice award dahilan sa kanyang paglilingkod sa Simbahan ang namayapang Fr. Anscar Chupungco, isang Benedectine monk, dalubhasang liturgist, theologian at kinikilalang "ama" ng maraming mga liturgist na sumunod sa kanyang yapak.

KILALANG LITURGIST, NAMAYAPA NA. Namayapa sa edad na 73 ang tanyag na monghe at liturgist ng Pilipinas, Fr. Anscar Chupungco samantalang nasa Malaybalay, Bukidnon. Bukas dadalhin ang kanyang labi sa San Beda College sa Maynila.

Maliban sa parangal mula sa Santo Papa, ang Catholic Bishops Conference of the Philipines ay magpaparangal kay Fr. Chupungco ng Jorge Barlin Cross Award sa kanyang mga nagawa sa Catholic Bishops Conference of the Philippines.

Igagawad ang mga parangal sa ika-106 na plenary assembly ng CBCP sa ika-26 ng Enero sa Maynila.

Inatake sa puso ang pari noong Miyerkoles sa Malaybalay, Bukidnon sa edad na 73.

Ang papal award ay kilala rin sa pangalang Cross of Honor na sinimulan ni Pope Leo XIII noong 1888 sa pagdiriwang ng kanyang ika-50 anibersaryo ng ordinasyon sa pagkapari.

Ang ikalawang parangal ay sa karangalan ni Bishop Jorge Barlin, ang kauna-unahang obispong Pilipino.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>