|
||||||||
|
||
UMAMIN ang mga opisyal ng Algeria na mayroong mga nasawi at nasugatan sa mga hostages sa paglulunsad ng rescue operations ng militar laban sa sinasabing mga kasapi ng Al-Qaeda.
Sinabi ni Assistant Secretary Raul S. Hernandez ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas na wala pang ibang detalyes na natatanggap mula sa mga pinuno ng Algeria. Samantala, nakatanggap ang Embahada ng Pilipinas ng balita mula sa Embahada ng Japan sa Tripoli naisang manggagawang Pilipino ang nakatakas kasama ang isang Japon mula sa gas field bago pa man nagsimula ang operasyon. Patungo na ang Pilipino sa Algiers upang magamot, dagdag pa ni Ginoong Hernandez.
Nabalitaan ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas mula sa dalawang sources sa Pilipinas na tinawagan ng mga manggagawang Pilipino sa Algeria at nagbalitang ang kapatid niyang lalaki kasama ang 15 iba pang mga Pilipino ang nasa loob ng gas facility. Isa naman ang nagsabing ang kanyang mister at apat na iba pa ang nagtatrabaho sa gas field.
Inaalam pa ng Embahada ng Pilipinas ang katotohanan sa mga impormasyong ito. Nais nilang mabatid kung ilan talaga ang mga Pilipino doon na maaaring hostages o naipit lamang sa labanan.
Ang Embahada ng Pilipinas ay may contact sa Algerian, British at Japanese embassies sa Tripoli at sa Algerian foreign ministry at nagbabantay sa mga nagaganap doon.
Mula sa Embahada ng Pilipinas sa London, may 34 na Pilipino na nasa iba't ibang kumpanya ang nailikas na sa pamamagitan ng eroplano at ngayo'y patungo na sa London. Daraan sila sa Parma, Italya. Isa sa 34 ang may tama ng bala sa katawan.
Banta ng terorismo, nabawasan na
NAGBAGO na ang ikinababahala ng mga dalubhasa sa seguridad na madalas lapitan ng mga mangangalakal mula sa iba't ibang bansa. Ayon kay Richard Jacobson, isang dating tauhan ng Central Intelligence Agency ng Estadis Unidos, sampung taon na ang nakalilipas ng ikinababahala ng lahat ang terorismo, mabuway na politika at kakulangan ng mga pagawaing bayan.
Sa kanyang talumpati sa "Prospects 2013" ng Foreign Correspondents Association of the Philippines, sinabi niya na ngayon ay nangungunang mga isyung ikinababahala ng mangangalakal ay ang mga trahedyang nagaganap tulad ng malalakas na bagyo, matagalang pagbaha, krimen at tila kawalan ng paggalang sa batas.
Naging matagumpay ang Pilipinas sa inilunsad ng "war on terror" sa katimugang Mindanao at malaki ang suportang nagawa ng America at iba pang mga bansa. Nasugpo ang pagkakaroon ng regional terror networks doon.
Bagama't may kakayahan pa rin ang Abu Sayyaf na manggulo hanggang sa mga susunod na taon, darating ang araw na ang isyung dala ng Abu Sayaf ay matutugunan ng pulisya. Lumalabnaw na ang Abu Sayyaf sa kanilang terorismo at kunwaring idolohiya at babalik na lamang sa kidnapping at extortion.
Nagpaparamdam pa rin ang New People's Army sa silangang Mindanao at dahilan pa rin ng kaguluhan, dagdag pa ni Ginoong Jacobson.
Naririyan pa rin ang NPA dahilan sa kanilang revolutionary tax programs sa maraming bahagi ng bansa. May kakayahan pa rin silang sumalakay sa mga tanggapan ng pamahalaan at mga negosyanteng may interes sa kanilang nasasakupan.
Napakaaga pa upang alamin ang patutunguhan ng Bangsamoro Framework sapagkat nasa mas mahirap ng katayuan ang mga negosasyon at susuriin ang mga detalyes ng kasunduan.
Ang ikinababahala ng mga mangangalakal ay ang karamihan ng lugar sa Mindanao na nananatiling lawless territories na pinamumugaran ng mga armadong grupo tulad ng mga kriminal at private armies at Abu Sayyaf na madaling makakilos.
Sa pagkakaroon ng halalan ngayong taon, sinabi ni G. Jacobson na tataas na naman ang election-related violence sa iba pang bahagi ng Mindanao.
Sapagkat gumaganda na ang situasyon, tiyak na maraming banyagang mangangalakal na magkaka-interes sa Pilipinas. Maaga pa umano upang matiyak kung gaano karami ang mangangalakal sa bansa.
Sa isyu ng South China Sea o West Philippine Sea, sinabi ni Ginoong Jacobson na nakatuon ang pansin ng madla sa gagawin ng Tsina sa Asia. Idinagdag niya na hindi niya nakikitang makikipag-digmaan ang Tsina sa mga kalapit bansa nito dahilan sa karagatan.
Bagaman, susubukan pa rin umano ng Tsina kung hanggang saan ang kanilang mararating sa pananakot sa kapwa claimants.
Nababahala rin umano ang Tsina sa magiging reaksyon ng Estados Unidos. Upang marating ng Tsina ang superpower status, dapat mayroon siyang lakas sa karagatan. Sa pagkakaroon ng bagong liderato, ipagpapatuloy pa rin nito ang mga nasimulang program at magpapatuloy ang foreign policy nito.
Walang sapat na lakas ang Pilipinas na harapin ang sinasabing pangliligalig ng Tsina subalit mayroon itong diplomatic options sa pamamagitan ng ASEAN na magsusulong sa Code of Conduct na tutugon sa mga isyung kinakaharap ngayon.
Sinabi ni G. Jacobson na wala pang malinaw na direksyon ang ASEAN sapagkat nakita naman itong malabnaw sa pagbabawas ng tensyon. Nagamit ng Tsina ang kawalan ng pagkakaisa sa loob ng ASEAN.
Kung noon ay umaasa lamang ang Pilipinas sa pagsasanay at mga kagamitan, pumasok na rin sa eksena ang Japan. Si Prime Minister Shinzo Abe ay nagsimula ng bagong estratehiya upang tapatan ang lakas ng Tsina kasabay ng panawagan sa Tsinan a makipag-usap sa mga kalapit-bansa. Sa ganitong pagkakataon, lalakas ang pagkakaibigan ng Estados Unidos at Japan.
Mga banyagang mambabatas, magsasalita sa GOPAC
DARATING sa Maynila sina Peter Loney ng Labor Party ng Australia at Byron Wilfert para magsalita sa 5th Global Conference of the Global Organization of Parliamentarians Against Corruption na idaraos sa Maynila ngayong huling linggo ng Enero at mga unang araw ng Pebrero. May 300 iba pang parliamentarians na dadalo sa pandaigdigang pagtitipon.
Si Ginoong Loney ang chair ng Public Sector Governance and Accountability Research Center Advisory Council sa La Trone University at dating deputy speaker ng Victorian Legislative Assembly at shadow minister bago naging chair ng Australasian Council of Work Account Committees mula 2001 hanggang 2003.
Si Ginoong Wilfert naman ay isang parliamentarian at academic. Naging Parliamentary Secretary to the Minister of Environment at nagturo siya ng History at Political Science sa Havergal College. Nabigyan siya ng Order of the Rising Sun, Gold and Silver Star, ang ikalawa sa pinakamataas na parangal na iginagawad ni Emperador Akihito.
Makakasabay nila sa pagsasalita sina Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Seminar tungkol kay San Pedro Calungsod, idaraos
ISASAGAWA sa darating na Biyernes, ika-25 ng Enero ang isang seminar on spirituality tungkol sa ikalawang santo ng Pilipinas, si San Pedro Calungsod sa Titus Brandsma Center sa New Manila, Quezon City.
PInamumunuan ng Insitute of Spirituality in Asia, ang lecture ay pinamagatang "The Spirituality of San Pedro Calungsod" ang magtatampok sa buhay at panahon ni San Pedro Calungsod at kung paano nahubog ang kanyang pananampalataya bilang isang batang misyonerong katekista.
Susuriin ang kanyang buhay kahit pa limitado ang historical data at maging ang socio-cultural influence noong mga panahong iyon.
Si Ma. Angela Blardony Ureta, O. Carm. ang magiging panauhing tagapagsalita. Isa siyang kilalang producer at manunulat ng mga award-winning television at radio programs.
Halaw sa mga dokumento ang lecture na kanyang ginamit bilang head writer at production consultant ng ABS-CBN documentary "San Pedro Calungsod" at mula sa mga panayam sa mga alagad ng kasaysayan, theologians at mga leader ng simbahan sa Cebu, Maynila at Guam na sinasabing dalubhasang sources sa batang santo at sa kanyang paglalakbay tungo sa pagiging santo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |