|
||||||||
|
||
PILIPINAS, DUMULOG SA ARBITRAL TRIBUNAL. Ipinaliliwanag ni Kalihim Albert F. Del Rosario ang mga dahilan ng pagdulog ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal upang mapayapang malutas ang mga 'di pagkakaunawaan ng Pilipinas at China sa mga pulong nasa karagatan. (Melo M. Acuna)
DUMULOG na ang Pilipinas sa Arbitral Tribunal sa ilalim ng Article 287 at Annex VII ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea upang matamo ang mapayapa at matagalang solusyon sa sigalot sa West Philippine Sea o South China Sea.
Sa isang briefing kaninang ikatlo ng hapon sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, sinabi ni Kalihim Albert F. del Rosario na ganap na ala-una ng hapon kanina, ipinatawag si Chinese Ambassador to the Philippine Ma Keqing at binigyan ng Note Verbale ni Assistant Secretary Teresa Lazaro. Naglalaman ang Note Verbale ng Notification and Statement of Claim na nagtatanong sa katuturan ng nine-dash line claim ng China sa halos buong South China sea kabilang na ang Weste Philippine Sea sa Arbitral Tribunal. Nilalaman din ng papel ang panawagan sa China na huwag nang gumawa ng anumang taliwas sa soberenya at nasasakupan ng Pilipinas ayon sa 1982 UNCLOS.
Kasama niyang humarap sa mga mamamahayag si Solicitor General Francis H. Jardeleza.
Ang paghiling ng pagdinig sa Arbital Tribunal laban sa China hinggil sa nine-dash line ay pagtalima lamang sa kalakaran ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na magkaroon ng mapayapa at rules-based resolution sa mga 'di pagkakaunawaan sa West Philippine Sea ayon sa international law partikular na ang UNCLOS.
Idinaan na ng Pilipinas sa political at diplomatic avenues upang magkaroon ng mapayapang kalutasan ng maritime dispute sa China. Sa ilang pagkakataon mula pa noong 1995, ang Pilipinas ay nakikipagpaplitanna ng pananaw sa China upang payapang malutas ang mga 'di pagkakaunawaan. Wala pa ring solusyon na natatagpuan hanggang ngayon, dagdag pa ni Kalihim del Rosario.
Umaasa umano ang Pilipinasna sa pamamagitan ng arbitral proceedings ay magkakaroon na ng kaukulang solusyon.
Nakasalalay ang paninindigan ng Pilipinas sa apat na mahahalagang bahay na napapaloob sa Notification and Statement of Claim.
Naninindigan ang Pilipinas na ang nine-dash lime claim ng China ay sumasaklaw sa buong South China Sea/West Philippine Seana taliwas sa nilalaman ng UNCLOS kaya't labag ito sa batas.
Sa loob ng karagatang na binabanggit sa 9-dash line, na inaangkin ng China, pinasok na nila ito at pinagtayuan ng mga gusali na kinabibilangan ng mga nakalubog na baybayin, mga batuhan at low-tide elevations na hindi maituturing na pulo sa ilalim ng UNCLOS bagkos ay bahagi ng continental shelf ng Pilipinas o ng international seabed. Bilang karagdagan, pinasok na rin ng China ang ilang maliliit at hindi matitirhang mga batuhan na hindi halos lumilitaw sa karagatan sa bawat high tide at kinikilalang mga bato sa ilalim ng Article 121 (3) ng UNCLOS.
Pinakialaman na rin umano ng China ang mga gawaing legal ng Pilipinas sa loob ng mga lehitimong maritime zones at mga karagatang nasa paligid nito.
Batid ng Pilipinas ang Declaration of August 25, 2008 sa ilalim ng Article 298 ng UNCLOS tungkol sa optional exceptions sa compulsory proceedings, at umaiwas na ring gamitin ang mga paksang ito o magpapahayag na ang China, sa ilalim ng kanilang Deklarasyon, ay hindi masasakop ng arbitral jurisdiction.
Hinihiling ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal na magpalabas ng Award na magdedeklara na ang karapatan ng China sa maritime areas sa South China Sea, tulad ng karapatan ng Pilipinas, at ayon sa UNCLOS at karapatan sa Territorial Sea and contiguous Zone sa ilalim ng Part II ng UNCLOS, sa pagkakaroon ng Exclusive Economic Zone sa ilalim ng Part V at sa Continental Shelf sa ilalim ng Part VI.
Kabilang sa kahilingan ng Pilipinas ang deklarasyong walang saysay ang nine-dash line sapagkat taliwas ito sa UNCLOS. Kailangang utusan ang China na isaayos ang kanilang mga batas sa mga obligasyon nito sa ilalim ng UNCLOS at pagbawalan ang China na kumilos at lumabag sa karapatan ng Pilipinas sa maritime domain nito sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Kalihim del Rosario na si Solicitor General Jardeleza ang agent or legal representative ng Pilipinas sa Arbitral proceedings at ang lead counsel ng Pilipinas ay si Paul Reichler ng Foley and Hoag LLP.
MGA NARARAPAT GAWIN SA LARANGAN NG POLITIKA, BINIGYANG-PANSIN
WALA umanong malaking pagbabago na naganap sa bansa ayon sa pananaw ng mga banyagang mangangalakal sa Pilipinas sa larangan ng magandang pamamalakad at pagpigil sa pangungulimbat o corruption. Ang mabagal na pagpasok ng Foreign Direct Investments ang siyang nagpapatotoo sa pananaw na ito.
Ito ang pahayag ni Professor Benjamin Diokno ng Pamantasan ng Pilipinas sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag. Idinagdag na ni Professor Diokno na sa patuloy na paghahanap ng solusyon sa kanilang mga suliranin ng ibang mga bansa, may pagkakataon pa ang Pilipinas na ituwid ang mga kamaliang nagawa upang makahabol pa sa mga kalapit bansa sa Asia.
Kailangan umanong itaas ang tax-to-GDP ratio ng may 5% upang matamo ang 17%. Nakatulong ang pagkakapasa ang sin tax subalit ang makakamtan lamang ay 0.3% ng GDP.
Posible ring dagdagan ang VAT rate mula sa 12% ay gawing 15% kasabay ng mas mababang income tax.
Nararapat din namang magkasundo ang pangulo at kongreso upang mapunuan ang mga napabayaang sektor ng mga nakalipas na administrasyon tulad ng mga pagawaing-bayan, edukasyon at kalusugan sa pagsangayon ng Kongreso sa medium-term expenditure framework. Ang multi-year budget ang pupwersa sa administrasyon na ihayag sa madla kung ano ang nais nilang gawin sa susunod na 48 buwan ng kanilang panunungkulan. Mababatid rin ng madla kung anong paraan ang gagamitin ng pamahalaan upang mapondohan ang mga programang ito.
Nararapat ding gumastos ang pamahalaan sa mga pagawaing-bayan upang mapabilis ang kaunlaran. Wala pang sapat na ginagastos para sa mga ito. One-fifth lamang ng gross national income na mas mababa ayon sa ASEAN – 5 standards. Ang pamahalaang hindi gagastos ngayon ay walang aasahang magandang kinabukasan.
Nararapat ding gumasyos ang pamahalaan sa mga lansangan, mga tulay, paliparan at mga daungan sa halip na mga waiting shed, barangay hall at iba pa, dagdag pa ni Ginoong Diokno.
PAGDALAW NG MGA DALUBHASANG TSINO, MATAGUMPAY
NAGING makabuluhan ang pagdalaw sa Pilipinas ng mga Tsinong mula sa Chinese Academy of Social Sciences noong nakalipas na linggo. Nakipagpalitan sila ng mga pananaw at nagsagawa ng mga panayam sa mga kilalang tao sa lipunang Pilipino tulad nina Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay, dating Pangulong Fidel V. Ramos, BusinessWorld Chairman of the Board Vergel Santos, Fr. Marvin Mejia, Assistant Secretary General ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, atbp.
Dumating sa Pilipinas ang mga bumubuo ng Chinese think tank mula sa Chinese Academy of Social Sciences, Institute of Political Science, Department of Comparative Politics, National Institute of International Strategy at Peking University, Department of Southeast Asian Studies, School of Foreign Languages.
Sa roundtable discussions na kinatampukan ni dating Pangulong Ramos, pinagusapan ang mga detalyes ng EDSA People Power 1 at mga suliraning kaakibat ng Aquino Administration. Pinag-usapan din ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga mamamayan upang magkaroon ng pambansang pagbabago.
Samantala, sa pakikipag-usap ng lupon kay Ginoong Vergel Santos, tinalakay nila ang kasaysayan ng Pilipinas at ang mga dahilan ng suliraning kinahaharap ngayon. Nakadaupang-palad rin nila si Pangalawang Pangulong Binay sa paliparan ng Ninoy Aquino.
Pinamunuan ni Director Fang Ningang lupon at kasama sina Dr. Guo Jing, PhD, Senior Research Fellow, Dr. Xu Liping, Dr. Pan Jin'e, PhD at ng kanilang tagapagsalin sa wikang Mandarin Huo Ran ng Peking University. Kasama sa mga nagtaguyod ng pagdalaw ng grupo mula sa Beijing si Ginoong Tan Ching, Pangulo ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce, Inc.
Bumalik na ang delegasyon sa Beijing kaninang umaga.
IPAGPATULOY ANG PAGSISIYASAT, MUNGKAHI NI SPEAKER BELMONTE
MAS makabubuting hayaan na muna ang mga nagsisiyasat na tapusin ang kanilang imbetigasyon sa dalawang nakababahalang mga pangyayari. Sa kanyang pagharap sa media, sinabi ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr., sinabi niyang siya ma'y nababahala sa mga pangyayari tulad ng trahedyang naganap sa Atimonan, Quezon kamakalawang Linggo at ang pagsadsad ng isang minesweeper sa Tubbataha Reef kamakailan.
Sa pagsadsad ng barkong Americano sa Tubbataha Reef, ipinagtanong ni Speaker Belmonte kung ano ang ginagagawa ng minesweeper sa isang UNESCO World Heritage Site.
Idinagdag pa ni Speaker Belmonte na may ginagawa nang mga pagsisiyasat ang mga autoridad at mas makabubuting pahintulutan na lamang ang mga imbestigador na malaman ang pinaka-dahilan ng dalawang hiwalay na pangyayari.
Samantalang ginagawa ang imbestigasyon, sinabi ni Speaker Belmonte na bahala na ang kapulungan kung magkakaroon pa ng congressional inquiries sa dalawang kontroversial na insidente.
MGA PARI, RELIHIYOSO AT LAYKO, PINAALALAHANAN NI ARSOBISPO VILLEGAS
ANG pagdiriwang ng Year of the Faith ay mahalaga sapagkat ito'y panawagan sa madla na magbago upang marating ang mga malayo sa pananampalataya. Ito ang pahayag n Arsobispo Socrates B. Villegas, Arsobispo ng Lingayen-Dagupan sa kanyang pahayag sa Don Bosco Parish sa Makati City kahapon.
Ang mga kabataan ay hindi nararapat pabayaan at kailangang madama nila ang kanilang kahalagahan sa Simbahan.
Ang mga pari, mga relihiyoso at mga layko ay nararapat makinig at magbasa ng kanilang mga inilalagay sa social media. Nanawagan siya sa mga nakikinig na maging aktibo sa kanilang papel bilang evangelizers. May tatlong mahahalagang bagay na dapat alalahanin ang madla, ang Imitation before worship, Conversion before Celebration at Listening before proclaiming.
DIYOSES NG IPILM NAGSAGAWA NG HOLY CHILDHOOD CONGRESS
HALOS 1,000 mga kabataan mula lima hanggang 12 taong gulang ang lumahok sa Holy Childhood Congress kamakailan sa Ipil, Zamboanga Sibugay. May temang Children of God: Called to Radiate the Word of Truth, isinabay ang pagtitipon sa pagdiriwang ng Holy Childhood Sunday noong Linggo. Lumahok ang mga kasapi ng Holy Childhood Association, mga katekista at mga mission collaborators.
Tumagal ng maghapon ang pagtitipon, kinatampukan ito ng mga patimpalak tulad ng song interpretation, extemporaneous speaking contest, mga tula at poster making. Naging panauhin si Anthony Dameg na nagsalita tungkol sa Holy Child Association at nagpaliwanag kung paano makakatulong ang mga kabataan sa pamamagitan ng mga panalangin, sakripisyo at material offerings.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Msgr. Gilbert Gente, vicar-general ng Ipil na mahalaga ang ginampanang papel ng mga kabataan sa pagmimisyon ng Panginoong Jesucristo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |