|
||||||||
|
||
Tsina, nanindigan sa kanilang naunang pahayag
PINANINDIGAN ng Tsina ang naunang pahayag hinggil sa isyu ng South China Sea.
Ito ang buod ng pahayag ni Zhang Hua, Political Officer at Tagapagsalita ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas. Sa kanyang mensaheng ipinadala sa mga mamamahayag, sinabi ni Ginoong Hua na nakipagkita si Ambassador Ma Keqing kay Assistant Secretary Teresa Lasaro sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas kahapon ng hapon.
Sa kanyang pagdalaw sa Kagawaran, binigyan si Ambassador Ma ng Note Verbale na nagsasaad na ipadadala ng Pilipinas ang usapin ng South China Sea sa arbitral proceedings.
Ipinaliwanag umano ni Ambassador Ma ang posisyon ng Tsina at nagsabi na may karapatan ang Tsina sa pinagtatalunang mga kapuluan sa South China Sea at mga kalapit na karagatan.
Pinanindigan din ng Tsina na ang mga 'di pagkakaunawaan sa South China Sea ay nararapat malutas ng magkabilang panig sa pamamagitan ng negosasyon.
Ito rin umano ang consensus na natamo ng mga kalahok sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, sabi pa ni Ginoong Hua.
Ayuda sa mga biktima ng kaguluhan sa Algeria, tiniyak
TINIYAK ni Pangalawang Pangulo Jejomar C. Binay na tutulungan ng pamahalaan ang mga naulila ng mga manggagawang nasawi sa Algeria.
Sa isang panayam, sinabi ni Ginoong Binay na bagama't walang embahada ang Pilipinas sa Algiers, ang mga tauhan ng Embahada ng Pilipinas sa Libya at ang special team na ipinadala sa Algiers ay nakikipagtulungan na sa iba pang mga ahensya.
Apat na Pilipino ang nabalitang nasawi sa pagsalakay ng mga armado sa gas field sa Algeria.
Gagawan ng paraan ng pamahalaang maibalik kaagad ang labi ng mga nasawi, dagdag pa ni Ginoong Binay.
Pinuno ng isang get-rich quick scheme, nadakip na
SA isang balitang lumabas sa mga online pages ng mga pahayagan sa Metro Manila, sinabing nadakip na si Emmanuel Amalillio, ang nagtatag ng Aman Futures na gumamit ng Ponzi scheme sa Mindanao at Kabisayaan. Marami umanong nabiktima ang get-rich-quick scheme na ito.
Nadakip umano si Amalillio sa Kota Kinabalu sa Sabah sa Malaysia ayon sa isang opisyal ng National Bureau of Investigation.
Wala pang inilalabas na detalyes. Wala pa ring kumpirmasyong ipinalalabas ang Embahada ng Malaysia sa Pilipinas.
Mga pulis, tauhan ng kagawaran ng katarungan at NGOS, magsasanay
NAKATAKDANG sumailalim sa pagsasanay ang mga tauhan ng Philippine National Police, Department of Justice at Medical Action Group upang higit na matiyak ang paglilitis ng mga kaso ng torture, paglabag sa Karapatang Pangtao at 'di paggalang sa batas sa Pilipinas.
Ang proyekto ay gagastusan ng Embahada ng United Kingdom sa Pilipinas. Ang pagsasanay ay nakatuon sa pagpapanatili at pagproseso ng physical at medical evidences na mahalaga sa alinmang usapin.
Ayon kay First Secretary Steph Lusaght, ang pamahalaan at mga institusyon ay hindi lamang mga kagamitan sapagkat ang mga ito ay tungkol sa mamamayan. Ang pinakamalaking responsibilidad at oportunidad ay ang pagkakaroon ng tinaguriang positive difference. Magaganap lamang ito sa pamamagitan ng maayos na pagsasanay.
Niliwanag ni Undersecretary Francisco Baraan ng Kagawaran ng Katarungan na kailanman ay taliwas sa batas ang torture. Hindi rin ito sinasangayunan sa iba pang bahagi ng daigdig.
Ayon kay Chief Supt. Nestor Fajura ng Human Rights Affairs Office, kailangang mapalakas ang kakayahan ng pambansang pulisya sa mga pamamaraan, mga estratehiya at kakayahan sa kanilang gawain at paglilitis ng mga usaping tulad ng torture.
Cardinal Tagle, magtutungo sa mga paaralan
NAKATAKDANG dumalaw sa iba't ibang paaralan si Manila Archbishop Luis Antonio G. Tagle upang marating ang mga kabataan.
Sinimulan na niya ang pagdalaw sa mga campus noong Miyerkoles, ika-16 ng Enero sa kanyang pagtutungo sa Technological University of the Philippines. Ang pagdalaw na ito ang una sa serye ng mga pagbisita sa iba't ibang kolehiyo sa loob ng Arkediyosesis ng Maynila.
Kasabay ito ng pagdiriwang ng "Year of Faith" kaya't ang serye ng pagdalaw ay may temang "Faith Explored: Journeying in Faith with the Cardinal." Ang mga pagdalaw na ito ay sa pamamagitan ng Jesuit Communications at Campus Ministry ng Maynila. Susunod niyang dadalawin ang Centro Escolar Univesity sa ika-26 ng Enero.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |