Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mga obispo: mahalaga ang freedom of information bill sa "matuwid na daan"

(GMT+08:00) 2013-01-29 18:10:38       CRI

MGA OBISPO NAGSALITA SA MGA ISYUNG KINAKAHARAP NG PILIPINAS. Ipinaliwanag ni Arsobispo Jose S. Palma, Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang paninindigan ng mga kasapi sa mga nagaganap sa bansa. Kasama niyang humarap sa mga mamamahayag si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo (kaliwa) at Antipolo Bishop Gabriel Reyes (kanan) at bahagyang natakpan si Manila Auxiliary Bishop Bernardino Cortes.

HINDI lamang mga matitinding bagyo ang naranasan ng Pilipinas at ng mga mamamayan. Marami ring ibang uri ng "bagyo" na kinahaharap ang mga mamamayan, ayon sa mga obispong Katoliko ng PIlipinas.

Sa pahayag na inilabas kanina, pitong malalaking "bagyo" ang dahilan ng kahirapan ng mga mamamayan tulad ng pagsusulong ng "culture of death and promiscuity" na nagmula sa pagka-alipin ng mga pinuno ng bansa at mga mangagalakal sa kinagawian ng mga bansang nasa Kanluran na nagsusulong ng diborsyo na dahilan ng pagkakawatak-watak ng mga pamilya at kakaibang paglaki ng mga anak, contraceptives na dahilan ng maraming abortions, paggamit ng condom na dahilan ng pagkalat ng HIV-AIDS infection at school sex education, na nagiging dahilan ng kaluwagan ng mga kabataan at mas maagang pagdadalang-tao.

Binanggit din ng mga obispo ang patuloy na pangungulimbat at pag-abuso ng poder dahilan sa kawalan ng impormasyon at posibleng pagtatago ng impormasyon mula sa mamamayan. Nakakalulungkot, anang mga obispo na ipinangangalandakan ng pamahalaan ang pagsunod sa "Daang Matuwid" samantalang nangangamba sa Right of Information dahilan sa posibleng pagkakabatid ng mga mamamayan ng mga maling gawain ng mga opisyal ng pamahalaan. Ipinagtanong pa ng mga obispo kung bakit natatakot ang mga opisyal ng pamahalaang magkaroon ng karapatan sa katotohanan ang mga mamamayan.

Tinuligsa rin ng mga obispo ang paglawak ng mga political dynasty. Tulad halimbawa ng mga monopoly sa kalakal, ang monopolyo sa politika ang pumipigil sa bagong kaisipan at mas mabuting serbisyo. Nagmumula ang corruption sa political dynasties. Nilalabag ng pamahalaan ang Saligang Batas sa hindi pagsunod sa pagbabawal ng political dynasties sa nakalipas na 26 na taon.

Ang halalan ay hindi nakasalalay sa bilis bagkos ay sa pagtitiwala at katapatan. Kung hindi matutugunan ang mga isyu tungkol sa automated election system, magiging dahilan ito ng malawakang pangdaraya. Nakataya ang integridad ng halalan sa pangyayaring ito.

Binanggit din ng mga obispo ang pagkabigo ng pamahalaang matugunan ang mga karapatan ng mga mamamayang mahihirap tulad ng katiyakan sa maayos na hanapbuhay, makataong pabahay, sapat na gamot, pag-aari ng mga lupaing kanilang binubungkal at may-uring edukasyon. Isinusulong ang mga makabagong karapatan samantalang hindi pinahahalagahan ang basic rights, dagdag pa ng mga obispo.

Patuloy pa rin ang hindi mapigil na mga pagpatay, mga hindi malutas na krimen at pagdukot samantalang ang pamahalaan ay hindi nakatutugon o nagkukulang sa political will na litisin ang mga taong nasa likod ng mga karumaldumal na krimen at hindi magalaw ang mga bantog na mamamayan.

Kahit maganda ang economic ratings, ang pag-unlad ay hindi lamang ayon sa pagkakaroon ng maraming produkto, mas maraming salapi na hindi nararapat maging pamantayan ng kaunlaran sapagkat mahalagang madama rin ito ng mga naghihikahos. Ang malawak na pag-itan ng mahihirap at mayayaman ay nagpapatuloy pa. Hindi halos madama ang inclusive growth.

Nanindigan ang Simbahan na nararapat igalang at ipagtanggol ang buhay ng tao mula sa paglilihi. Tinuligsa ng mga obispo ang pagkakapasa ng Reproductive Health law na naganap sa pamamagitan ng political at financial pressures na iginawad sa mga mambabatas at ang imperialismong mula sa secularistic international organizations sa pagpapanday ng batas.

Ang political corruption ang isa sa pinakamasamang nagaganap sa ilalim ng isang democratic system sapagkat tinantanggihan nito ang mornal norms at pinalalabnaw ang katarungang panglipunan. Pinuna nila ang pamahalaan sa hindi paglilitis sa mga may kagagawan ng corruption at nananawagan sa pamahalaan na siyasatin ang lahat ng alegasyon at senyales ng pangungulimbat hindi lamang ng nakalipas na administrasyon kungdi ang mga nagaganap ngayon.

Tinuligsa rin ng mga obispo ang paghahari ng political dynasties at pagkabalam ng pagpapasa ng batas na magpapatupad ng probisyon sa Saligang Batas na nagpapatupad ng itinatadhana ng batas na nagbabawal ng political dynasties.

Nanawagan din sila sa Commission on Elections na tugunan ang mga hinaing ng mga mamamayan at gawin ang lahat upang maging kapani-paniwala ang darating na halalan.

Isusulong ng mga obispo ang pagkakaroon ng "circles of discernment" upang pag-aralan ang mga nagaganap sa lipunan at tumulong na makapamili ng mga kandidatong ihahalal sa darating na Mayo. Isusulong din nila ang Natural Family Planning at pagpapahalaga sa pamilya, buhay mag-asawa, at Mabuting Balita ng Buhay. Higit na palalakasin ang mga samahan ng mga kabataan na nagpapahalaga sa kadalisayan ng buhay tulad ng "True Love Waits" at "Live Pure." Palalakasin rin nila ang loob ng mga mambabatas na talikdan ang political at monetary pressures.

Sa larangan ng peace talks, makabubuting tapatan ng pamahalaan ng mga kaukulang hakbang na titiyak sa katarungan, sapagkat ang kapayapaan ay bunga ng katarungan.

Kung hindi magpapasa ang Kongreso ng batas laban sa political dynasties, susuportahan ang pagkilos ng mga mamamayan na magpasa ng batas laban sa political dynasties sa pamamagitan ng people's initiative, dagdag pa ng mga obispo.

MAHALAGANG PAPEL NG NATIONAL ECONOMIC DEVELOPMENT AUTHORITY BINANGGIT NI PANGULONG AQUINO

ANG paglalaan ng salapi ng bayan sa mga proyekto ang siyang mahalagang papel na ginagampanan ng National Economic Development Authority sapagkat bahagi ito ng tinaguriang economic planning and development.

Ito ang pahayag ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa kanyang talumpati sa ika-40 anibersaryo ng tanggapan. Idinagdag niya na ang mga desisyong ginagawa ng NEDA ngayon ay hindi nakabatay sa political convenience sapagkat ito ay ayon sa makatarungang paraan. Ito rin ang sumasalamin sa pangako ng pamahalaang pagbubutihin ang pamamalakad sa pamahalaan na kumikilala ng maayos na pagpaplano at pagbibigay ng kaukulang priorities sa mga nilalayong makamtan.

Sinabi ni Pangulong Aquino na ang Social Contract with the Filipino People ay nilagyan ng kaukulang estratehiya at mga palatuntunan. Binuo din ng NEDA ang Philippine Development Plan para sa 2011 hanggang 2016 na naging sandigan ng mga layunin makamtan ang inclusive growth, magkaroon ng employment opportunities para sa mga mamamayan at mabawasan na rin ang kahirapan.

Natitiyak na ring magagamit ng wasto ang Official Development Assistance upang umunlad ang Pilipinas. Pinasalamatan niya si dating Kalihim Cayetano paderanga at Kalihim Arsenio Balisacan sa kanilang katapatan.

Ayon kay Pangulong Aquino, sa nakalipas na ilang buwan, mas maraming mabuting balita kaysa sa masama kung Ekonomiya ang pag-uusapan. Mahalaga ang naging papel ng NEDA sa pagkakataong ito. Idinagdag ni Pangulong Aquino na ang economic growth na may average na 6.5% sa unang tatlong sangkapat ng 2012 at average inflation rate na napapaloob sa targets at mga magagandang naganap sa tatlong priority sectors, ang pagsasaka, turismo at pagawaing-bayan ang kanyang ibinalita sa katatapos na World Economic Forum sa Davos, Switzerland.

LABI NG APAT NA MANGGAGAWANG NASAWI SA ALGERIA, DARATING NA NGAYON

NAKATAKDANG dumating ngayong araw na ito ang labi ng apat na manggagawang nasawi sa Algeria matapos magsagupa ang mga armado at mga kawal ng pamahalaan kamakailan.

Ayon kay Assistant Secretary Raul S. Hernandez ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, hindi nila ihahayag ang mga pangalan ng mga naulila sa kahilingan nila. Hindi na rin ihahayag ang mga pangalan ng mga nasawi. Inaasahan ng pamahalaan na maihahatid na rin sa Pilipinas ang labi ng tatlong iba pang nasawi sa sagupaan.

Nanawagang muli ang Kagawaran sa mga mamamahayag na igalang ang privacy ng mga naulila.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>