|
||||||||
|
||
Epekto ng corruption napakatindi sa buong daigdig
HINDI umano mawawari ng sinuman ang matinding dagok na idinudulot ng corruption sa alin mang bansa sa buong daigdig.
Sinabi ni GOPAC Chairman Dr. Naser Al Sane na ang pangungulimbat, panunuhol, pagnanakaw, illegal na paglilipat ng salapi sa iba't ibang bansa ay nagkakahala na ng $ 26 trilyong dolyar. Sapat na itong itapat sa ekonomiya ng South Africa at Belgium. Ang halagang ito ang makakapag-aangat ng 1.4 bilyong tao na nabubuhay ng mas mababa sa $1.25 dolyar sa bawat araw sa loob ng anim na taon.
Idinagdag ni Dr. Al Sarne na ang mga bansa na may mahinang pamamalakad at pananggalang sa korupsyon ay mas mataas ang tsansang magkaroon ng civil war ayon sa World Bank Development Report.
Magagawang magtagumpay laban sa korupsyon sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga kasapi sa mga parliamento at kongreso. Kailangan silang matuto ng paraan upang labanan ang katiwalian. Sinasanay ang mga kasapi kung paano magsiyasat, magpanday ng batas, paano mapanagot ang mga may kasalanan.
Mayroon ding peer support na nagsasabing kailangang magtulungan at magturuan ng mga success at failure stories ng iba't ibang mga kasapi, dagdag pa ni Chairman Al Sane.
Ang mga kasapi ng GOPAC ay nakararating sa liderato ng iba't ibang bansa at higit na nalalabanan ang korupsyon. Kailangang maging mabubuting halimbawa ang mga ito, dagdag pa ni Dr. Al Sane. Kasama nila ang mga kasapi ng civil society at mga aktibista sa paglaban sa mga katiwalian.
Pilipinas: malaki ang nagawa laban sa katiwalian
HINDI pahuhuli ang Pamahalaan ng Pilipinas sa pagkilos upang maibsan ang bansa ng katiwalian. Ito ang sinabi ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa kanyang keynote address sa ika-limang Global Organization of Parliamentarians Against Corruption sa Philippine International Convention Center kaninang umaga.
Ipinaliwanag ni Pangulong Aquino na hindi sapat na ipakulong ang ilang taong nangulimbat o sa pamamagitan ng pagbubunyag sa kontratang makasasama sa pamahalaan. Hindi rin sapat ang pag-aalis sa tanggapan ng isang taong mapanggipit.
Sinabi niya na sa Pilipinas, naihabla na ng plunder ang dating pangulo at natanggal na sa puesto ang nakaluklok noong Chief Justice ng Korte Suprema. Nabunyag na pinalsipika ng dating chief justice ang 98% sa kanyang cash assets. Samantalang nakita ng madla ang nagawa ng pamahalaan, kung walang pagbabago sa kalakaran ng batas, may posibilidad na mapawi ang epekto ng palatuntunan kung isang mandarambong na pangulo ang mahahalal at isa pang chief justice ang maluklok sa Korte Suprema.
Nararapat umanong pang-matagalan ang magiging solusyon sa katiwalian at ang anumang pagbabago ay nararapat maghahatid sa bansa sa maayos, tapat na pamamalakad at maayos na halimbawa. Sa pamamagitan ng pagpapanday ng batas magkakaroon ng positibo at tiyak pagbabago. Ito ang hamon sa mga mambabatas na dumadalo sa pandaigdigang pagpupulong.
Inihalimbawa niya ang malaking natipid ng Department of Public Works and Highways na unang nagsabing gagasta ng P 694 milyon para sa isang proyekto subalit nagawa sa halagang P 430 milyon. Parehong uri at natapos ng mas maaga ng isang daang araw.
Marami na ring nagawa sa iba't ibang kagawaran ng bansa, dagdag pa ni Ginoong Aquino. Kasama sa hamong nararapat harapin ang pakikipagtalastasan sa mga taong nagdududa sa kalakaran ng bansa.
Senador Juan Ponce-Enrile: pag-aralan ang mga nagaganap sa Senado
SENATE PRESIDENT ENRILE NANAWAGAN SA MGA PILIPINONG NASA IBANG BANSA. Sinabi ni Senate President Juan Ponce-Enrile sa mga Pilipinong nasa iba't ibang bahagi ng daigdig na pag-aralang mabuti ang nagaganap sa Senado. Matatalino ang mga Pilipino at malalaman nila ang buong katotohanan. Hindi na niya umano ipagtatanggol ang kanyang sarili sa madla at maghihintay na lamang ng pormal na reklamong ihahain laban sa kanya. (Kuha ni Melo Acuna)
NANAWAGAN si Senate President Juan Ponce-Enrile sa mga Pilipinong nasa ibang bansa na masusing pag-aralan ang mga nagaganap sa Senado. Sa isang press briefing, sinagot ni Ginoong Enrile ang aking katanungan tungkol sa mga isyung lumabas tungkol sa mga salaping ipinamahagi noong nakalipas na Pasko at ang kontrobersyal na Maintenance and Other Operating Expenses. Sinabi ni Ginoong Enrile na hindi niya ipagtatanggol ang kanyang sarili sa publiko.
Maghihintay na lamang siyang pormal na ireklamo ng mga tumutuligsa sa kanya at saka na niya sasagutin ang lahat ng batikos sa kanya. Mas magandang ipunin ang lahat ng mga ebidensya laban sa kanya. Hindi umano ito ang unang pagkakataon na siya'y nasangkot sa mga batikos mula sa kung saan-saang sektor.
Mula umano noong 1966 ay nakatanggap na siya ng batikos. Nagmula na ang batikos sa kanya noong nasa Bureau of Customs siya at maging sa Kagawaran ng Katarungan na kanyang pinamunuan. Napatunayan na niya na walang katotohanan ang mga batikos sa kanya.
Sa kabilang dako, inamin ni Ginoong Enrile na naibigay na nila ang lahat ng dokumentong kailangan ng Auditor General upang masuri ang datos. Ito ang lumabas sa kanyang pakikipag-usap sa Auditor General kasama si Speaker Feliciano Q. Belmonte, Jr.
Kailangan umanong gumawa ng mga paraan upang masuri ang lahat ng disbursements.
Mga katutubo sa Hilagang Luzon, nagreklamo
DUMULOG ang mga katutubo ng Hilagang Luzon sa Episcopal Commission on Indigenous People dahilan sa napipintong pagtatayo na lansangang dadaan sa kanilang nasasakupan ng walang anumang pag-sangayon ng kanilang mga mamamayan. Bukod sa pinsalang ibibigay nito sa mga katutubo, marami ring mga puno ang mapuputol sa paggawa ng lansangan.
Ayon kay Tony Abuso, Senior Staff ng Episcopal Commission on Indigenous People, hiniling ng mga Dumagat na suriin ang paraan ng pagsang-ayon sa proyekto ng mga katutubo samantalang hindi naman sila kinausap man lamang.
Anang mga katutubo, pinangakuan sila ng hanapbuhay at pinapirma sa mga dokumento.
Nangako si Abuso sa panayam ng CBCP Online Radio na ipagpapatuloy nila ang mga pagsisiyasat sa kalagayan ng mga katutubo sa mga susunod na panahon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |