|
||||||||
|
||
PALATUNTUNAN PARA SA MGA MILF, INILUNSAD
SINABI ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na simula pa lamang ang mga benepisyong maibibigay ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front. Sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng Sajahatra Bangsamoro Program sa Maguindanao, sinabi ni Pangulong Aquino na mula sa kanilang pag-uusap nina MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim noong Agosto 2011 sa Japan, nagpatuloy ang pagyabong ng pagtitiwala sa magkabilang-panig.
Kabilang sa mga palatuntunang ipararating ng pamahalaan sa mga MILF ay ang PhilHealth benefits, ang salaping magmumula sa Cash-For-Work program, kasama ang pagpapa-unlad ng health facilities. Mayroon ding 500 scholarships na igagawad sa mga kabataang Muslim.
Malayo na ang narating ng pagtutulungan ng pamahalaan at MILF, dagdag pa ni Pangulong Aquino. Niliwanag niyang marami pang balakid na kahaharapin ang magkabilang-panig sa pag-uusap tungo sa pangmatagalang kapayapaan.
May mga taong nakinabang noong may kaguluhan, paliwanag pa ni Ginoong Aquino. Ipinaliwanag pa niyang sa paglapit sa pagtatapos ng pag-uusap, marami pang mga hamong nararapat harapin.
Ang sense of community ang nakita ni Pangulong Aquino sa mga opisyal ng MILF sapagkat walang humiling ng para sa sariling kapakanan.
Kasama ni Pangulong Aquino ang karamihan sa kanyang gabinete, partikular ang may direktang palatuntunang ipatutupad sa Mindanao. Kabilang sa grupo sina Kalihim Florencio Abad ng Budget, Corazon Soliman ng DSWD, Procy Alcala ng Pagsasaka, Voltaire Gazmin ng Tanggulang Pambansa, Bro. Armin Luistro ng Edukasyon, Joseph Emilio Abaya ng Transportasyon at Komunikasyon at Enrique Ona ng Kalusugan.
PANGULONG AQUINO, BUMATI SA MGA TSINOY SA LUNAR NEW YEAR
CHINESE NEW YEAR SA MGA SHOPPING MALL. Karaniwang makakakita ng mga dragon at lion sa mga shopping mall tulad ng dragon na ito sa Trinoma kahapon ng umaga. Kabilang ito sa mga pagdiriwang sa pagsapit ng Lunar New Year. (Kuha ni Melo Acuna)
BUMATI si Pangulong Aquino sa mga Chinese-Filipino citizens sa pagdiriwang ng Lunar New Year kahapon. Sa kanyang mensaheng inilathala sa Official Gazette of the Republic of the Philippines, sinabi niyang sa patuloy na pag-usad ng bansa tungo sa kaunlaran, kasama ang komunidad ng mga Tsinoy sa paglalakbay tungo sa matatag na kulturang may integridad, pagpapalawak ng mga industriya at pagdudulot ng karagdagang hanapbuhay.
Ang mga pagpupunyaging ito ay higit na gumagaan sa pamamagitan ng pagtutulungan, pagtitiyaga at pamumuhay na nag-uugat sa masiglang komunidad ng mga mamamayan.
Dalangin umano niya sa Year of the Water Snake na higit na lumakas ang tinaguriang sense of heritage at magkaroon ng ibayong lakas na ipagpatuloy ang inyong mga pinagkaka-abalahan ng may bago at ibayong dedikasyon.
Sa panig naman ni Ginoong Tan Ching, Pangulo ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, pinasalamatan niya ang lahat ng lumahok sa Chinese New Year's Eve Countdown at Fireworks Display noong Sabado ng gabi. Nagkatipon ang isang malaking pamilya at ipinararating niya ang pagbati sa pagsisimula ng Chinese Year of the Snake.
Pinasalamatan niya si Senador Edgardo Angara at Congressman Rufus Rodriguez, ang mga may-akda ng paggawa sa Chinese New Year bilang isang Regular Working Holiday.
Umaasa umano ang mga Tsinoy na magiging maganda ang kahihinatnan ng bansa, maliwanag ang daigdig ng ekonomiy at nanawagan ding ipagpatuloy ang suporta sa kampanya ni Pangulong Aquino na "Tuwid na Daan."
CHIEF PUBLIC ATTORNEY, NANAWAGAN SA DILG
PANAWAGAN PARA SA PAGSISIYASAT. Ipinaliliwanag ni Dr. Erwin Erfe, Forensic Consultant ng Public Attorneys Office ang kanilang findings sa autopsy na ginawa sa isang bilanggong sinasabing nagpatiwakal. Lumabas sa pagsisiyasat na malaki ang posibilidad na pinaslang ang isang nagngangalang Dennis Aranas, isang saksi sa isang kontrobersyal na krimen sa Puerto Princesa mga ilang taon na ang nakalilipas. (Kuha ni Melo Acuna)
IPINARATING ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta sa Department of Interior and Local Government ang kanyang panawagan na magkaroon ng mga pagsisiyasat sa mga balitang nagpapatiwakal na mga bilanggo sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology facilities.
Sa isang press briefing sa kanyang tanggapan, sinabi ni Atty. Acosta na nakakalungkot ang kinalabasan ng pagsisiyasat ng kanyang tanggapan sa labi ni Dennis Aranas, isa sa mga sinasabing saksi sa pagpaslang sa isang brodkaster mga ilang taon na ang nakalilipas sa Puerto Princesa City sa Palawan.
Nabunyag sa ginawang post-mortem examination sa labi ni Aranas kahapon na bagama't mayroong marka ng pagkakabigti sa labi, malaki ang posibilidad na sinakal hanggang sa masawi ang bilanggo.
Mas mababa umano ang marka kaysa sa karaniwang marking naiiwan ng mga nagbibigti, ayon sa findings ni Dr. Erwin Erfe, Forensic Consultant ng Public Attorney's Office. Mayroon ding marka ng kuko sa leeg ng biktima. Mayroon ding pamamaga sa labi ang nasawi kasabay ng pasana maaring nagmula sa panghahampas.
Itinuro din ni Dr. Erfe na may marka ng mga daliri sa braso at paa ang bangkay na magpapatunay na mga apat katao ang pumaslang. Hindi namatay ang biktima sa pagkakabitin bagkos ay nasawi si Aranas samantalang nakahiga.
Sa findings na ito, taliwas sa naunang report ng NBI medico-legal na nagsawaga ng autopsy kamakailan.
CARDINAL TAGLE, HINDI LAMANG MAYSAKIT ANG NANGANGAILANGAN NG TULONG
ISANG mahalagang panawagan ang nagmula kay Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle sa kanyang Misa sa Espiritu Santo church sa Tayuman, Maynila sa pagdiriwang ng World Day of the Sick.
Hindi lamang pag-aaruga sa mga maysakit ang pagtuunan ng pansin ng Simbahan. Kasama sa nararapat tulungan ay ang mga pamilyang nakakahiwalay, tulad rin ng mga kabataang nalilito sa kanilang buhay at tila nawawalan ng direksyon.
Kabilang din sa mga nararapat tulungan ang mga babaeng nagiging biktima ng pangloloko, binubugbog, pinagsasamantalahan na pinagmumulan ng iba't ibang karamdaman.
Kasama rin sa ipinanawagan ni Cardinal Tagle ang mga manggagawang inaabuso ng kanilang pinaglilingkuran, ang mga hindi tumatanggap ng sapat na sahod.
"Ang atin pong lipunan ay naghaharnap ng tamang landas upang matagpuan ang katarungan, katotohanan upang maghilom ang mga sugat at gumaling ang mga karamdaman," dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Pati umano ang kalikasan ay maykaramdaman, sugatan sa mga nakikita ngayon. Tuwing ika-11 ng Pebrero idinaraos ang World Day of the Sick kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng Our Lady of Lourdes.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |