|
||||||||
|
||
NAGKASUNDO sina Kalihim Albert F. Del Rosario at ang bagong talagang U. S. Secretary of State John Kerry na ipagpatuloy ang matatag at malalim na pagkakaibigan ng Pilipinas at Estados Unidos. Narating ang kasunduang ito sa isang tawag (sa telepono) kagabi ni US Secretary of State Kerry kay Kalihim del Rosario.
Ayon kay Kalihim Del Rosario, napag-usapan nila ang relasyon at maraming oportunidad na kailangang gawin upang maisulong ang magandang relasyong ito bilang strategic partners na may mahabang kasaysayan at pinahahalagan. Napagkasunduang palalimin pa ang pagkakaibigang ito. Kabilang sa napag-usapan ang strategic initiatives, partikular sa larangan ng seguridad at tanggulang pambansa.
Sa pagtutulungan, mapapanatiling matatag ang kakayahan ng Pilipinas na maipagtanggol ang nasasakupan nito at mga mamamayan.
Napagkasunduan ang pagdaragdag na rotational presence, mga pagsasanay at capacity building. Idinagdag ni Kalihim Del Rosario na mahalaga ang pagtutulungan upang makarating ang humanitarian assistance at disaster relief sa mga nangangailangan.
Magtutulungan ang magkabilang panig upang higit na tumatag ang ASEAN-U. S. relations.
Sa larangan ng South China Sea, ipinabot ni Kalihim Kerry ang suporta ng Estados Unidos sa pagtatangka ng Pilipinas na malutas ang conflicting claims ng iba't ibang bansa ayon sa batas partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sa kanilang pag-uusap, binigyang-diin ni Kalihim Kerry na malapit ang Pilipinas sa Estados Unidos samantalang dalangin din nila ang pagkakaroon payapang kalutasan sa mga 'di pagkakaunawaan.
Kabataang Pilipino, abala sa Valentine's Day
TUMAAS ang presyo ng mga rosas na mula sa Baguio. Mahal na rin ang presyo ng pumpon ng mga bulaklak na isinasaayos sa mga tindahan nito sa buong bansa. Karaniwang mula sa Baguio City ang mga bulaklak. Tanyag ang mga Lungsod ng Baguio at Tagaytay dahilan sa malamig na panahon.
Ang pinakadahilan ng mga pangyayaring ito ay ang pagdiriwang ng Valentine's Day sa bawat ika-14 ng Pebrero. Matagal ng ipinagdiriwang ito sa Pilipinas. Kaninang umaga, abala ang mga mag-aaral sa pagbili ng rosas sa labas ng kanilang mga paaralan upang ibigay sa kanilang mga guro. Nauulit ang ganitong gawi kahit sa mga pampublikong paaralan. Bukod sa mga bulaklak ay mayroon ding mga stuffed toys na hugis teddy bear, puso at iba pa.
Marami ring papasyal sa tabing-dagat, sa Roxas Blvd. sa paglubog ng araw. Bantog ang Roxas Blvd. sa magandang sunset.
Sa mga magkasintahan at mag-asawa, maaaring gugulin ang gabi sa hapunan at panonood ng sine at maging pamamasyal. Sa mga five-star hotels ay mayroong inihandang hapunan para sa mga magkasintahan o mag-asawa. Espesyal ito sapagkat mayroong mga manghaharana at aawit ng mga kinagigiliwang awitin, tugutugin at mga banyagang mang-aawit tulad ng runner-up sa American Idol 2012 na si Jessica Sanchez.
Kanina, nagpaskel ng streamers at posters sa mga motel sa Kamaynilaan ang isang party list group upang paalalahanan ang madla na bawal pumasok sa mga motel ang mga menor de edad o wala pang 18 taong gulang.
European Union suportado ang public finance management project
SA layuning mapabuti ang public finance management sa mga lalawigan, lungsod at bayan sa buong bansa, isang palatuntunan ang inilunsad kanina sa Department of Budget and Management.
Ang proyektong tutustusan ng European Union ay makatutulong sa kampanya ng pamahalaan laban sa korupsyon at mapararami ang bilang at gaganda ang uri ng paglilingkod sa mga mamamayan.
Naging panauhin sina Budget Undersecretary Mario Relampagos, Hans Farnhammer, pinuno ng Operations Section ng EU Delegation to the Philippines at Budget Secretary Florencio Abad.
Nilagdaan ang isang memorandum of agreement sa pag-itan ng DBM, Department of Finance, Department of Interior and Local Government, National Economic Development Authority at Commission on Audit upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng palatuntunan.
Ito ang pinagtapusan ng paglagda ni Foreign Secretary Albert F. Del Rosario at EU Ambassador Guy Ledoux sa P 440 milyong grant na magtatagal hanggang sa 2016.
Mahalaga ang pagkakaroon ng public finance management sa paghahatid ng napapanahon at maayos na pagliingkod sa pamamagitan ng pag-alam ng mga prayoridad ng mga pamahalaang lokal.
Basic Ecclesial Communities, madaragdagan pa
NAKATITIYAK si Fr. Amado Picardal, ang Redemptorist Missionary na Executive Secretary ng Office for Basic Ecclesial Communities ng CBCP na madaragdagan ang mga mamamayang nagsasama-sama sa pananalangin at paglilingkod sa kanilang mga kinaroroonan.
Sa panayam sa CBCP Online Radio, sinabi ni Fr. Picardal na nakatutuwa ang tugon ng mga komunidad sa loob at labas ng Metro Manila sa pagtatatag ng mga BEC. Ang susi ng paglagong ito ay ang interes ng obispo at mga pari sa bawat ecclesial province.
Kasama sa kanyang gawain ang pagdalaw sa iba't ibang diyosesis upang simulan at palakasin ang mga basic ecclesial communities. Sa Metro Manila, kahit ang mga high-rise condominium units ay mayroong mga BECs.
Kahit umano sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa Saudi Arabia ay mayroon nang mga komunidad na nagdarasal ng sama-sama sa kanilang pinaglilingkuran.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |