|
||||||||
|
||
NAGBAHAGINAN ng kanilang pagkadalubhasa ang mga mangangalakal na sangkot sa renewable energy sa isang seminar at networking na binuo ng British Embassy sa Maynila, United Kingdom Trade and Investment at British Chamber of Commerce of the Philippines.
Kabilang sa mga panauhin ang mga opisyal ng British engineering firm Arup, wind energy development at service provider Wind Prospect, waste to fuels development ASEAGAS at legal experts mula sa Quisumbing Torres/Baker & McKenzie.
Sinabi ni British Ambassador Stephen Lillie na patuloy na lumalago ang merkado para sa renewable energy tulad rin ng nagaganap sa 118 bansa na mayroong renewable energy targets na nararapat magkatotoo. Ipinaliwanag ni Ambassador Lillie na ang renewable energy ang siyang magpapakilos at magpapasigla sa 21st century industrial revolution. Mayroon ng trabaho ang may 110,000 katao sa renewable energy. Ayon kay Ambassador Lillie ang Pilipinas ay biniyayaan ng mga likas na yaman upang manguna sa renewable energy industrial revolution.
Sinabi naman ni Roslyn Arayata, Climate Change Attaché ng British Embassy na kailangang mapanatili ang anumang pagtaas sa temperature ng mas mababa sa 2 degrees Celsius sa pagbabawas ng greenhouse gases tulad ng pagsusulong ng renewable energy. Ayon sa datos, 55% ng global emissions ay mula sa mga umuunlad na bansa kaya't kailangang magtulungan ang mga mauunlad at umuunlad na bansa.
Ayon sa Stern Review on the Economics of Climate Change, sinabi ni Bb. Arayata na sa taong 2100, ang pinsalang idudulot ang 'di pagkilos ngayon ay aabot sa 3% ng global GDP sa bawat taon. Sa Timog Silangang Asia, aabot ang pinsala sa 6.7% GDP on average.
Ipinagpasalamat ni Energy Director Mario Marasigan ang pagdalo ng mga mangangalakal sa renewable energy. Mahalaga ang magiging papel ng maglalagak ng capital sa bansa partikular sa renewable energy sector kasunod ng paglulunsad ng Philippine Energy Plan 2012-2030.
AMBASSADOR MA, DUMALAW SA KAGAWARAN NG UGNAYANG PANGLABAS
INIHATID kahapon ni Chinese Ambassador Ma Keqing sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ang Note Verbale na nagsasabing hindi tinatanggap at ibinabalik ng Tsina ang Notification and Statement of Claim ng Pilipinas.
Ayon sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, ang ginawang ito ng Tsina ay hindi makakasagabal sa process of arbitration na sinimulan ng Pilipinas noong ika-22 ng Enero ng taong ito. Ang arbitration ay magpapatuloy sa ilalim ng Annex VII ng United Nations Convention on the Law of the Sea at ang limang kasapi ng koponan ay mabubuo pa rin kasama man o hindi ang Tsina.
Sa Note Verbale, inulit ng Tsina ang posisyon nitong mayroon silang hindi matatanggihang soberenya sa buong South China Sea ayon sa 9-dash line claim. Ito umano ang ugat ng arbitration case ng Pilipinas laban sa Tsina.
Nananatili ang paninindigan ng Pilipinas sa arbitration na isang "friendly, peaceful and durable form of dispute settlement" na nararapat tanggapin ng lahat, dagdag pa ng pahayag ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas.
ESTADOS UNIDOS, MAY $ 6 MILYON PARA SA MGA NASALANTA
MAGBIBIGAY ang Pamahalaan ng Estados Unidos ng P 246 milyon o $ 6 milyon bilang tulong sa disaster risk reduction initiatives. Ito ang kanyang ibinalita sa kanyang pagdalaw sa Cateel, Davao Oriental upang dalhin ang bigas na mula sa kanyang pamahalaan para sa mga biktima ng bagyong Pablo.
Nakausap ni Ambassador Harry Thomas ang mga opisyal ng pamahalaang local at naipamahagi ang 42,000 sako ng bigas para sa 90,000 kataong biktima ng bagyosa pamamagitan ng World Food Program. Una ng nagbigay ang Estados Unidos ng P 508 milyon o $ 12.4 milyon bilang disaster response assistance sa mga komunidad na hinagupit ni Pablo noong nakalipas na Disyembre.
Pinapurihan ni Ambassador Thomas ang bayanihan spirit ng mga naging biktima.
MAHALAGANG PULONG HINGGIL SA HALALAN GAGAWIN SA CEBU
NANGUNGUNANG paksa ang political dynasty at pamimili ng boto sa darating na "Summit on Credible Elections 2013: Addressing the Most Challenging Election Issues" sa Sabado sa Mariners' Court sa Cebu. Ang summit ay sa pamumuno ng Arkediyosesis ng Cebu.
Sinabi ni Arsobispo Jose S. Palma, ang pagtitipon ay sa pakikipagtulungan sa Commission on Elections at Department of Education upang magkaroon ng mga konkretong hakbang tungo sa electoral reforms.
Pag-uusapan din ang mga paglabag sa batas at mga dayaan kabilang na rin ang mga isyu ng mga batayang sektor.
Ang mga magsasalita ay kinabibilangan nina Arsobispo Palma, Visayas Clergy Discernment Group Head Convenor Bishop Gerardo Alminaza, DepEd Secretary Armin Luistro at Comelec Director Temie Lambino.
Inanasahang aabot sa 1,000 ang mga lalahok sa pagtitipon na kabibilangan ng mga kinatawan ng academe, NGOs, youth leaders, law enforcers, local government units, political parties, mga negosyante at mga samahang nagmumula sa mga simbahan.
Ayon kay Msgr. Romualdo Kintanar, ang workshop ay lalahukan ng mga magsasaka, mga mangingisda, kababaihan, kabataan, mga senior citizens, mga may kapansanan at iba pang sektor.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |