|
||||||||
|
||
HINDI umano aalis ang mga tagasunod ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III sa Lahad Datu sa Sabah kahit pa binigyan sila ng hanggang ngayon upang lumisan.
Ayon sa mga balitang nakarating sa Maynila, si Jamalul, ang kanyang kapatid na si Ishmael at Princess Fatima Cecilia at ilan sa mga kamag-anak ang humarap sa press conference sa Blue Mosque sa Maharlika Village sa Taguig at nagsabing kukunsulta sila sa kanilang mga tagasunod kung ano ang kanilang gagawin.
Si Princess Fatima na tagapagsalita ng sultan ay nagsabing nais nilang malutas ang isyu sa pamamagitan ng International Court of Justice at bukas sila sa negosasyon sa Malaysia.
Nalungkot umano sila sa sinabi ni Pangulong Aquino na matagal na ang isyu ng Sabah subalit natuwa naman sa panukala ng ibang mga opisyal na masusing pag-aralan ang isyu.
Samantala, anim na barko ng Hukbong Dagat ng Pilipinas at isang eroplano ang nagpapatrolya sa karagatan sa pagitan ng Malaysia at Pilipinas samantalang nananatili pa ang mga nagpapakilalang "royal army" ng Sultan ng Sulu sa Sabah, Malaysia,
Ang mga barko ng Hukbong Dagat at Philippine Coast Guard ay nagpapatrolya sa karagatan na wala pang kalahting oras sa pamamagitan ng speedboat sa Tandau, Malaysia. Tuloy pa rin ang stand-off sa naturang pook mula pa noong ika-siyam ng Pebrero.
Inutusan ang mga kawal na pigilan ang paglalakbay ng mga magdaragat patungo at mula sa Sabah. Binigyan ang mga tagasunod ng Sultan ng Sulu ng hanggang ngayon upang mapayapang lumisan at bumalik sa Pilipinas.
DAPAT MAGKAISA ANG MGA MUSLIM TUNGO SA KAUNLARAN
KABALU NANGANGAMBANG BAKA MAGKULANG SA ORAS ANG PEACE AGREEMENT. Ipinaliwanag ni Eid Kabalu, dating tagapagsalita ng Moro Islamic Liberation Front na baka hindi umabot sa termino ni Pangulong Aquino ang paglagda sa Peace Agreement dahilan sa mga balakid sa pag-uusap ng magkabilang panig.
KAILANGANG magkaisa ang mga Muslim sa Mindanao, tulad ng mga kabilang sa Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front upang matiyak na darating ang kaunlaran sa kanilang mga tinitirhan.
Ito ang paniniwala ni Eid Kabalu, ang tagapagsalita ng MILF mula noong 2000 hanggang 2011 sa isang panayam sa kanya sa Cotabato City. Niliwanag ni Kabalu na ngayo'y peace consultant ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na mayroong mixed feelings ang mga Muslim sa pagdalaw ni Pangulong Aquino sa kampo ng MILF kamakailan. Maganda umano ang ipinakitang katapatan niya sa pagtugon sa mga problema ng Mindanao.
Komplikado umano ang peace negotiations sapagkat malayo pang matamo ang final peace agreement sa pag-itan ng MILF at ng Pamahalaan ng Pilipinas. Marami pa umanong balakid tulad ng kakulangan ng panahon upang matapos ang kasunduan bago pa man bumaba sa kanyang puwesto si Pangulong Aquino sa 2016.
Ani Ginoong Kabalu, nararapat malagdaan ang compact agreement noong 2012 at maipasa ang apat na annexes sa 2013. Nararapat ding mabuo ang Bangsamoro basic law subalit hindi pa nahihirang ang mga gagawa nito mula sa magkabilang panig.
Marami pang prosesong kailangan tulad ng paghirang sa mga bubuo ng Bangsamoro basic law. Wala pa umanong nahihirang ang magkabilang-panig upang maupo at gumawa ng panukalang batas na ipadadala sa Kongreso. Si Pangulong Aquino ang magsasabing isang priority measure ang Bangsamoro basic law. Sa oras na makapasa ito, isusumite ang batas sa madla sa pamamagitan ng plebesito.
Sa oras na pumasa ito sa plebesito, itatatag ang Bangsamoro Transition Authority upang palitan ang mga namumuno sa pamamagitan ng ARMM set-up.
Nangangamba si Ginoong Kabalu na baka hindi na magkaroon ng sapat na panahon upang madama ng mga Bangsamoro ang biyayang ipinangangako ng kasalukuyang pamahalaan. Sa oras na madaliin ang paglagda sa kasunduan, malamang na malasado ang kalalabasan nito.
Inihambing ni Ginoong Kabalu ang kasunduan ngayon sa kasunduan noong 1996 sa Moro National Liberation Front. Mas komprehensibo umano ang MNLF-GPH agreement. Subalit hindi naman naipatutupad ng ayon sa pinakalayunin.
Sinabi pa ni Ginoong Kabalu na bagama't walang masama sa pagiging masigasig ni Pangulong Aquino sa paghahangad na maghari ang kapayapaan sa Mindanao, sa kabilang dako'y kumukilos ang Moro National Liberation Front na naghahanagad na ipatupad ng buo ang kasunduan. Lumalabas lamang na nagdadalawang-isip ang mga nasa pamahalaang pahalagahan ang nilagdaang kasunduan ni Nur Misuari at dating Pangulong Fidel V. Ramos sa Malacanang.
Mas makabubuti umanong magsama at mag-usap ang dalawang malalaking grupo ng mga Muslim upang matiyak na magiging maayos ang Mindanao sa pakikipagtulungan ng pamahalaan.
DEPARTMENT OF SCIENCE AND TECHNOLOGY, KASAMA SA PAGHAHATID NG UNIVERSAL HEALTH CARE SA MGA PILIPINO
DEPARTMENT OF SCIENCE AND TECHNOLOGY KUMIKILOS PARA SA KALUSUGAN NG MGA PILIPINO. Naniniwala si Kalihim Mario G. Montejo ng Department of Science and Technology na makakatulong sila sa pagtiyak ng universal health care ng mga Pilipino sa pamamagitan ng ibayong pananaliksik.
MAY pagtutulungan ang Kagawaran ng Kalusugan at Kagawaran ng Agham at Teknolohiya upang matiyak ang malawakang coverage sa health care. Ito ang tiniyak ni Science and Technology Secretary Mario G. Montejo sa isang panayam matapos ang isang forum sa Maynila kanina.
Sinabi ni Kalihim Montejo na sa pamamagitan ng Philippine Council for Health Research and Development, isinusulong nila ang palatuntunang Kalusugan Pangkalahatan sa pamamagitan ng ibayong pananaliksik, agham at innovation.
Sa pamamagitan ng Naitonal Unified Health Research Agenda, nagkakaroon ng kaukulang gabay ang pananaliksik hinggil sa kalusugan sa bansa. Mayroon ding isinasagawang pagkilala at prayoridad na mahalaga sa taongbayan. Inilunsad na ni Kalihim Montejo ang Smarter Philippines na gagamit ng information communication technology tulad ng paggamit ng dengue diagnostic kits, dengue early warning system, pagsasaliksik sa kailangang gamot, e-Health at telehealth applications na magkakaroon ng koneksyon sa mga manggagamot tungo sa pinakamalayong bahagi ng bansa.
Nakatuon ang kanilang pansin sa mga pook na higit na makikinabakang sa kanilang mga palatuntunan.
Sa larangan ng food security, sinabi ni Kalihim Montejo na may ugnayan sila ng Kagawaran ng Pagsasaka partikular sa layuning matamo ang rice self-sufficiency sa bansa sa madaling inaharap. Nagkaroon na umano ng mga palatuntunang makakabawas sa gastos ng mga magsasaka mula sa pagtatanim ng mga may uring binhi hanggang sa paggamit ng makinarya. Paginipon umano ang natipid ng magsasaka sa kanyang palayan, higit na lalaki ang kanyang tubo.
Niliwanag din ni Kalihim Montejo na natuklasan na nila ang pagpapahaba ng shelf-life ng brown rice na mas mabili sa ngayon dahilan sa sustansya nito.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |