Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mga bubuo sa Transition Commission, hinirang na

(GMT+08:00) 2013-02-25 18:25:30       CRI

Mga bubuo sa Transition Commission, hinirang na

KINILALA na ng Malacanang ang mga bubuo ng Transition Commission na siyang gagawa ng Bangsamoro Basic Law. Ayon sa pahayag mula sa Tanggapan ni Kalihim Edwin Lacierda, ang Executive Order No. 120 ng taong 2013 ay nagsasaad na ang TransCom ay magkakaroon ng 15 kasapi. Pito ang hihirangin ni Pangulong Aquino samantalang ang walo, kabilang ang chairman, ay mula sa Moro Islamic Liberation Front.

Ang mga hinirang ng pamahalaan ay sina Akmad A. Sakkam, Johaira C. Wahab, Talib A. Benito, Asani S. Tammang, Pedrito A. Eisma, Froilun T. Mendoza at Fatmawati T. Salapuddin. Ang mangangasiwa sa pagbuo ng Bangsamoro Basic Law bilang Chairman ay si Mohaquer Iqbal, Roberto M. Alonto, Abdulla U. Camlian, Ibrahim D. Ali, Raissa H. Jajurie, Melanio U. Ulama, Hussein P. Munoz at Said M. Shiek.

Sumailalim sa mahigpit na pagsusuri ang mga kakatawan sa Pamahalaan sa pamumuno ni Justice Secretary Leila M. De Lima, Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Quintos-Deles at Secretary of the National Commission on Muslim Filipinos Mehol K. Sadain.

Nagkasundo ang selection body sa mga kwalipikasyon ng mga hinirang tulad ng pagiging Bangsamoro, may track record na sumusuporta sa peace process, kagalang-galang, hindi kailanman pinagdudahan o kinasuhan ng paglabag sa batas at iba pa.

Ang appointment ng mga binanggit ay nakasalalay sa kanilang pagkatawan sa mahahalagang Bangsamoro constituencies at mayroong marubdob na dedikasyon sa pagkakaisa ng mga nasa Muslim Mindanao upang magkaroon ng Bangsamoro Autonomous Political Entity. Sa pangyayaring ito makikita ang katapatan ng magkabilang-panig na isulong ang Framework Agreement tungo sa peace process.

Batas na naggagawad ng kabayaran sa mga biktima ng diktadura, nilagdaan

KASABAY ng pagdiriwang ng ika-27 Anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, nilagdaan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang Human Rights Victims Reparation Act of 2013. Ayon kay Pangulong Aquino, sa kanyang talumpati sa People Power Monument sa Epifanio de los Santos Avenue sa Quezon City, ito ay bilang pagkilala sa pagdurusang dinaanan ng mga mamamayan noong Batas Militar.

Nagpasalamat siya kay Senate President Juan Ponce Enrile at Speaker Feliciano Q. Belmonte, Jr. sa pagkakapasa ng panukalang batas. Pinuri din niya ang mga may-akda ng batas, sina Congressman Erin Tanada at Senador Sergio Osmena.

Idinagdag ni Pangulong Aquino na sa pagkakaroon ng demokrasya, malapit ng matupad ang mga pangakong dala ng EDSA People Power Revolution.

Mga kamag-anak ng Sultan ng Sulu, handang mamatay

HANDA umanong mamatay ang mga kamag-anak ng Sultan ng Sulu. Ito ang pahayag ni Raja Muda Agbimuddin Kiram, kapatid ni Sultan Jamalul Kiram III sa isang panayam sa isang himpilan ng radyo sa Maynila kanina.

Naniniwala silang nasa tama silang panig at pag-aari nila ang Sabah.

Ayon sa pahayag ng isang online news agency sa Malaysia, ang The Star, ang pamahalaan ay nagbigay sa mga tagasunod ng Sultan ng Sulu ng 48 oras upang lumisan ng payapa sa barangay na kanilang pinagkutaan. Kahit pa may deadline ang Malaysian government, nanindigan si Raja Muda na siya at ang royal army ay mananatili sa Tanduao upang isulong ang kanilang paghahabol sa Sabah.

Kinukumbinse umano sila ng mga opisyal ng Malaysia na bumalik na sa Pilipinas at pag-usapan na lamang ang isyu sa Zamboanga. Nagbabayad ang Malaysia ng 5,300 Ringgit o P 77,000 sa bawat taon bilang upa sa Sabah.

Bakit kailangan pang mag-usap sa Zamboanga, hindi ba maaaring mag-usap sa Sabah? tanong pa ni Raja Muda.

Wala umano silang balak na manggulo o makipaglaban kaninoman at nais lamang nilang manirahan sa lupaing kanilang pag-aari.

Kagabi, umalis ang barkong ipinadala ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ng Pilipinas upang isakay ang mga kamag-anak ng Sultan ng Sulu na nagtungo sa Sabah. Nakatakdang dumating ang grupo sa may Sabah ngayong hapon.

Suzhou Cultural Troup nagtanghal sa Maynila

12TH CHINA-PHILIPPINES CHINESE CULTURAL FESTIVAL TAGUMPAY. Sinaksihan ni Manila Mayor Alfredo Lim (kanan) at Ambassador Ma Keqing (na sa gitna) ang mga pagtatanghal ng mga naglilimbag at nagdedibuhong mga Tsino sa Chinese Garden sa Luneta Park noong Sabado.

MAY PINAG-UUGATAN ANG PAGKAKAIBIGAN NG TSINA AT PILIPINAS. Sinabi ni Ambassador Ma Keqing sa pagpapasinaya sa 12th China-Philippines Chinese Cultural Festival na ilang daang taon na ang nakalipas sa pagkakaibigan ng mga Tsino at mga Pilipino. Aniya, sa dugo, kultura at kasaysayan nagkakasama ang mga mamamayan ng dalawang bansa.

MGA KUSINERONG TSINO SA CHINESE GARDEN NG MAYNILA. Naghahanda ng masasarap na dumpling ang mga chef na nagmula sa Sozhou upang matikman ng mga taga-Maynila ang kanilang espesyal na pagkain. Bahagi ito ng China-Philippines Chinese Cultural Festival na magwawakas bukas, ika-26 ng Pebrero.

PAGLILIMBAG, IPINAKITA NG MGA TSINO. Lumabas ang ibang katangian ng mga Tsinong naglilimbag at gumagawa ng mga disenyo. Bahagi ito ng cultural demonstration sa 12th China-Philippines Chinese Cultural Festival.

SINAUNANG "SILKSCREEN" - Kitang-kita ang paraan ng maggamit ng sinaunang teknik ng paglilimbag gamit ang "silk screen" trype. Magugunitang isa sa mga bansang nanguna sa paglilimbag ang mga Tsino.

ISANG pagdiriwang ang sinimulan noong Sabado ng gabi sa 12th China-Philippines Traditional Culture Festival sa pagdiriwang ng Chinese Lantern Festival sa Chinese Garden sa Rizal Park.

Tampok sa pagdiriwang ang Suzhou Cultural Group na nagtanghal ng iba't ibang palabas mula sa mga awitan, dula-dulaan, tugtugan at sayaw.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Ambassador Ma Keqing, may 2,500 taon ng kasaysayan ang Suzhou na matatagpuan sa Silangang Tsina. Sa mga susunod na araw, dagdag pa ni Amb. Ma, matitikman ang masasarap na pagkain, at katutuwaan ang mga pagtatanghal at kagugulatan ang mga gagawin ng mga kasama ng Suzhou Cultural Group. Itatampok din ang mga handicraft ng mga Tsinong mula sa Suzhou.

Sinimulan noong 2002 ang pagdiriwang ng China-Philippines Traditional Chinese Culture Festival.

Ang pook na ito ay tinaguriang "Paradise on Earth" dahilan sa kagandahan ng mga tanawin ay mayamang kultura.

Magkakaroon ng pagkakataon ang mga taga-Maynila na makita ang mga pagtatanghal at matikman ang mga pagkaining gawa ng mga panauhin. Magtatagal ang pagtitipong ito sa Chinese Garden hanggang bukas, araw ng Martes, ika-26 sa buwan ng Pebrero.

Idinagdag pa ni Ambassador Ma na matagal nang magkaibigan ang Tsina at Pilipinas kaya't may pinagmumulan ang mainit na relasyon ng mga mamamayan ng dalawang bansa. Nag-uugat ang magandang relasyong ito ng Pilipinas at Tsina sa dugo, kultura at kasaysayan, dagdag pa ni Ambassador Ma. Nagpasalamat siya sa lahat ng tumulong upang magtagumpay ang pagtatanghal.

Samantala, sinabi naman ni Dr. Francis Chua mayaman sa kultura ang Suzhou. Tampok sa pagtatanghal ang mga dumpling na kinagigiliwan ng mga Pilipino at Tsino. Makikita rin ang kakaibang paraan ng paglilimbag ang woodblock printing na ayon sa tradisyong Tsino na mas maraming kulay kaysa sa karaniwang imprenta. Itatampok din ang mga parol at mga pamaypay.

Ang grupong dumalaw sa Pilipinas ay binubuo ng 46 na katao na may iba't ibang kakaibang gawain. Mas magandang isulong ang cultural relationship at isa-isangtabi na muna ang iba pang mga 'di pagkakaunawaan, dagdag pa ni Dr. Chua, ang punong-abala sa pagdalaw ng cultural group sa Pilipinas.

Pagkakapasa ng RH Bill, isang pagsubok

HINDI nababawasan ang impluwensya ng Simbahang Katolika sa Pilipinas kahit pa nakapasa sa Kongreso ang Reproductive Health Bill. Ito ang pananaw ni Msgr. Joselito Asis, Secretary General ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa isang panayam ng isang international news agency kaninang umaga.

Sinabi ni Msgr. Asis na sa pagkakapasa ng Reproductive Health bill, isang pagsubok ang kinahaharap ng mga Katoliko sa Pilipinas sapagkat tiyak na magiging aktibo ang Simbahan at ang mga mananampalataya sa pagbabahagi ng mga itinuturo ng Simbahan hinggil sa pagpapamilya.

May paniniwala ang ilang sektor na sa kakulangan ng mga pari sa Pilipinas, hindi na rin nadadaluhan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan. Umaabot na umano sa isang pari ang naglilingkod sa may 15,000 mga mananampalataya sa bansa.

Bagaman, sinabi ni Msgr. Asis na kakayahin pa ng mga pari na maglingkod sa mga parishioner na mula 7,500 hanggang 10,000 katao. Sa katanungan kung nagbabago na ba ang bilang ng mga pumapasok sa mga seminaryo, sinabi ni Msgr. Asis na nadaragdagan pa rin ang may bokasyon. Noong 2011, umabot sa 1,014 ang mga seminaristang nasa Theology sa 39 na seminary sa buong bansa. Mayroong halos 2,500 ang nasa major seminaries samantalang mayroong 2,226 na nasa minor seminaries pa lamang.

Noon ding 2011, umabot sa 6,111 ang diocesan priests samantalang mayroong 2,038 na religious priests sa buong kapuluan.

Binanggit ni Msgr. Asis na sa Arkediyosesis ng Caceres sa Camarines Sur, mayroong average na walong deakono ang naoordenan sa pagkapari taon-taon.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>