|
||||||||
|
||
SA pagtatapos ng malaking pagpupulong ng mga banyagang mangangalakal sa Pilipinas, ang grupong kilala sa pangalang Joint Foreign Chambers of Commerce in the Philippines kahapon, binanggit ni Ian Porter, Pangulo ng Australia-New Zealand Chamber of Commerce of the Philippines ang nalalabing isyu na nararapat malutas ng kasalukuyang pamahalaan.
Maliwanag sa lahat na mataas pa rin ang bilang ng mga mahihirap na Pilipino ngayon sapagkat hindi ito nabawasan sa nakalipas na ilang dekada 'di tulad ng ilang malalaking ekonomiya sa Association of Southeast Asian nations. Nangangahulugang milyun-milyong Pilipino ang isinisilang sa kahirapan taun-taon.
Ang pangmatagalan at mas malawak na kaunlaran ang kailangan upang mabawasan ang kahirapan. Nakita na ito sa Singapore, Korea, Taiwan, Malaysia at Thailand. Lumalago na rin ang middle class ng Indonesia dahilan sa pangmatagalang economic growth. Napuna ring mababa ang population growth ng Indonesia.
Upang matamo ng Pilipinas ang 8% o higit pang economic growth, kailangan ang maraming pangmatagalang kalakal sa ekonomiya na sasabayan ng mas maraming foreign direct investments, paglilipat ng teknolohiya kasabay ng foreign direct investments at pandaigdigang pakikipagkalakal. Kailangan ding mapalago ang sinasabing big winner sectors. Pinakamabilis gumalaw ang information communication technology na sinusundan ng turismo. Kailangan pa ring mapalago ang agribusiness, creative industries, infrastructure, manufacturing at pagmimina.
Sinabi ni Ginoong Porter na maganda na ang 6.6% growth noong 2012 at kung makapagpapatuloy ang Tampakan, malapit matamo ang 8% growth rate.
Idinagdag pa ni G. Porter na upang makarating ang foreign direct investments sa Pilipinas, kailangang magkaroon ng magandang infrastructure, mayroong kakayahang labopr force at accessible natural resource, maayos na economic at pro-business policies, halagang makikipagsabayan sa pandaigdigang pamilihan, isang sistema ng katarungang hindi pabagu-bago na mayroong napapanahon at maayos ng mga desisyon, corrupt-free governance at maayos na commercial practices, at kaligtasan para sa mga tao at seguridad ng investments sa physical assets,
Hindi na umano bago ang mga solusyon na kanyang binanggit. Kakayahin itong magkatotoo at walang pinangarap na hindi maaasahang magkakatotoo.
Ani Ginoong Porter, sa pagkakataong ito, sa pagkakatagpo sa Pilipinas ng tamang political, economic at business leadership, mayroong mga 'di pangkaraniwang pagkakataong nakalaan sa madla.
AUTOMOBILE ASSOCIATION OF THE PHILIPPINES, MMDA NABABAHALA SA MGA SAKUNA SA MGA LANSANGAN
NARARAPAT lamang mag-usap ang mga pinuno ng Department of Public Works and Highways, Department of Transportation and Communications, Department of Interior and Local Governments at maging ang Metro Manila Development Authority upang magkaisa sa kanilang mga palatuntunang magbabawas ng mga nasasawi at mga nasusugatan sa mga lansangan.
Ito ang pahayag ni Gus Lagman, pangulo ng Automobile Association of the Philippines ng tanungin ng CBCP Online Radio tungkol sa disenyo ng mga lansangan, mga pedestrian overpass at iba pang pasilidad na ginagamit ng mga mamamayan.
Dapat lamang maupo ang mga kalihim ng mga tanggapang ito upang ayusin ang mga isyung bumabalot sa kaligtasan ng mga naglalakad at mga motorista.
Malaki rin ang posibilidad na maging malamig ang pagtanggap ng mga mananakay na gumamit ng bisekleta sapagkat hindi angkop ang panahon sa Pilipinas.
Sa panig ni Undersecretary Corazon T. Jimenez, marami at malaki rin ang responsiblidad ang mga pamahalaang lokal na siyang nagpapasa nang resolusyon at mga ordinansa.
Walong major thoroughfares ang sagot ng MMDA samantalang ang ibang mga lansangan ay hawak na ng mga punong lungsod o punongbayan.
Niliwanag din ni Undersecretary Jimenez na kumikilos sila sa pinakamadaling panahon matapos tumanggap ng mga reklamo mula sa mga mamamayan, Sa laki ng Metro Manila, pinakamaraming referrals at reklamong natatanggap ang MMDA mula sa Maynila at Lungsod ng Quezon.
MALUBHANG KAKULANGAN NG KURYENTE SA MINDANAO, PINANGANGAMBAHAN
SA pagkakaroon ng mababang reserves ng kuryente sa Mindanao, maraming nangangamba na mauulit na naman ang power crisis sa ikalawa sa pinakamalaking pulo sa Pilipinas.
Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) Senior Research Fellow Adoracion Navarro, ang Mindanao power crisis ay maaaring bumalik sa bansa ngayong taon at sa susunod na tag-init sa taong 2014 kung walang anumang maidadagdag sa baseload capacity.
Patuloy na tumataas ang pangangailangan ng mga taga-Mindanao bilang epekto ng tinaguriang rapid urbanization at pagpasok ng mga industriya. Ayon sa pag-aaral ni Navarro, ang pinagsanib na forecasts para sa kailangang kuryente mula 2010 hanggang 2019 ay aabot ng 4.28% sa bawat taon na mas mataas kaysa pambansang average na 3.63%.
Ngayon ang Mindanao grid ay mayroong 37.31 % baseload generating capacity na napakalayo sa 63.94% ng Luzon at 71.88% ng Visayas. Umaasa ang Mindanao sa hydropower na hindi na rin maasahan dahilan sa malalang pagkapanot ng kagubatan at pagbabaw ng mga ilog. Sa 1,616 megawatts na dependable generation capacity sa Mindanao, 1,038 MW ang mula sa hydropower plants ng Agus at Pulangui.
OBISPO, NANAWAGAN SA MGA BOTANTE
MULA sa Antipolo City, nanawagan si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, Jr. sa mga pananampalataya na aktibong makiisa sa politika at kumilos upang mabago ang political system.
Sinabi ni Bishop Bacani, na kung hindi maaaring magsulong ng mga kandidato, kayang-kaya ng mga layko ito.
Sa kanyang talumpati sa 4th Episcopal Commission on Family and Life national conference kahapon, ipinaliwanag ni Bishop Bacani na magkaiba ang papel ng mga pari at mga layko sa buhay politika.
Maliwanag umano sa 2nd Plenary Council of the Philippines, ayon kay Bishop Bacani na ang lahat ng mga Katoliko ay nararapat maging aktibo sa politika. Ang mga pari ay makakapanawagang bumoto ng matuwid at pumili ng pinakamagagaling, ang mga Katoliko ay maaaring magkasundo na bumoto at mangampanya para sa mga piling kandidato upang maipamukha sa iba ang kahalagahan ng mga isyung isinusulong ng Simbahan.
Nanawagan ang obispo na sa oras na makakita ng kandidatong kumakatawan sa mga itinuturo ng Simbahan, huwag makuntento sa pagboto para sa kanya kungdi mangampanya upang magwagi ang naturang kandidato.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |