|
||||||||
|
||
LUBHANG nababahala ang mga bumubuo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa ilalim ng liderato ni Cebu Archbishop Jose S. Palma.
Sa isang panayam sa pagtatapos ng pulong ng CBCP Permanent Council sa kanilang tanggapan sa Maynila, sinabi ni Arsobispo Palma na bahala na ang mga diplomata sa mga isyung bumabalot sa sigalot subalit tiniyak niya ang kanilang panalanging upang maghari ang kapayapaan sa Sabah.
Idinagdag niyang wala sila sa posisyon na talakayin ang isyu ng soberenya at pag-aari nito at kung ano ang pinakamabuting gawin sa nagaganap ngayon. Mas marami umanong mga taong kwalipikadong magsalita sa mga isyu.
Nakalulungkot ang mga balita na may mga nasawi na, dagdag pa ni Arsobispo Palma. Naiiba umano ang situwasyon sa tuwing magkakaroon ng nasasawi lalo pa't lumabas ang mga balitang halos 30 katao na ang nasasawi sa magkabilang-panig.
Nanawagan siya sa mga nag-iinit dahilan sa situwasyon na manatiling kalmado at huwag ng dumagdag pa sa tensyon na maaaring maging dahilan ng pagdanak pa ng dugo.
Kakaibang kilos ni Pangulong Aquino, pinuna
KAKAIBA ANG NAGING PAGKILOS NI PANGULONG AQUINO. Ito ang sinabi ni dating Senador Francisco S. Tatad sa panayam ng CBCPOnline Radio kaninang umaga. Sa halip umanong tulungan ang mga Pilipinong naghahabol sa Sabah ay pinabayaan pang salakayin ng mga Malaysian ang grupo ni Sultan Jamalul Kiram III.Iminungkahi ng dating Senate Majority leader at dating Foreign Relations Committee chairman na magbitiw na lamang si Pangulong Aquino.
HINDI pangkaraniwan ang naging pagkilos ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa suliraning idinulot ng kaguluhan sa Sabah na ikinasawi ng halos 30 katao.
Sinabi ni dating Senador Francisco Tatad na naging senate majority leader at senate foreign relations committee chairman, na lubha siyang nalulungkot na hindi naipagtanggol ang interes ng bansa ng mga taong nararapat magtanggol nito.
Sa isang panayam, sinabi ni Ginoong Tatad na ang paghahabol ng Pilipinas sa Sabah ay batid ng international community bilang isang subsisting claim sa ilalim ng isang kasunduan sa pagitan nina Pangulong Diosdado Macapagal, Indonesian President Sukarno at Malayan Prime Minister Tunku Abdul Ramhan. Nagpulong ila noong ika-31 ng Hulyo 1963 sa Maynila at nagkasundo na ang pagsasama ng North Borneo sa Federation of Malaysia ay mapapasailalim ng kalalabasan ng paghahabol ng Pilipinas ay hindi makaaaapekto sa anumang claims.
Ani Ginoong Tatad, mahaba ang kasaysayan ng Sabah mula sa mga nanunungkulan may ilang daang taon na ang nakalilipas.
Noon umanong 1968, nakipag-usap ang Pilipinas sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos sa Malaysia sa Bangkok. Nananatili ang panukala ng Pilipinas noon na dalhin ang usapin sa International Court of Justice. Tumanggi, aniya ang Malaysia noon subalit sumang-ayon ang Malaysia na dalhin ang territorial dispute nito sa Indonesia sa mga pulo ng Sipadan at Litan sa International Court of Justice at maging ang tatlong pulo na nasa Singapore Strait.
Sa pangyayari kaninang umaga na gumamit na ng mga kawal at eroplano ang Malaysia, sinabi ni Ginoong Tatad na patuloy nang lumala ang situasyon. Mas makakakabuti umanong magbitiw na si Pangulong Aquino sa kanyang kakulangang ipagtanggol ang karapatan ng mga Pilipino tulad ng Sultan ng Sulu na may karapatan sa Sabah.
Korte Suprema, naglabas ng Temporary Restraining Order laban sa comelec
PINAGBAWALAN ng Korte Suprema sa isang en banc decision ang Commission on Elections sa pamamagitan ng isang Temporary Restraining Order na alisin ang tarpaulin na naglalaman ng mga Anti at Pro-Reproductive Health Law senatorial candidates na inilagay ng Diocese of Bacolod sa St. Sebastian Cathedral kamakailan.
Sa isang tatlong pahinang resolusyon, naglabas ang Hukuman ng Temporary Restraining Order na nag-uutos sa Commission on Elections ng pagbabawal sa pagpapatupad ng Notice to Remove Campaign Materials na may petsang ika-23 ng Pebrero na inilabas ng Bacolod City Election Officer Mavil V. Marajucon at isang liham na may petsang ika-27 ng Pebrero ni Atty. Esmeralda Amora – Lladra ng Comelec Law Department.
Sa naturang resolusyon, itinakda ng Korte Suprema ang oral arguments sa ika-19 ng Marso sa ganap na ikalawa ng hapon sa Session Hall ng Korte Suprema.
Inatasan din ng Korte Suprema ang Colemec na magpahayag ng kanilang paninindigan sa petition ng hindi hihigit sa sampung araw at hindi mahuhuli sa ika-15 ng Marso.
Samantala, nagpasalamat naman sa Diyos ang Diocese of Bacolod. Sa isang mensaheng ipinadala sa CBCP Media Office, sinabi ni Msgr. Louie Galbines na binigyan sila ng Diyos ng lakas at pag-asa na ipagpatuloy ang kanilang pro-life crusade sa Year of Faith. Nagpapasalamat din sila sa pamamagitan ni St. Therese na ngayo'y dumadalaw sa kanilang diyosesis sa pagkakaroon ng TRO at nakatakdang oral arguments sa ika-19 ng Marso.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |