Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mga tagasunod ng Sultan, hindi muna aalis sa Sabah

(GMT+08:00) 2013-03-13 18:33:04       CRI

Mga tagasunod ng Sultan, hindi muna aalis sa Sabah

WALANG anumang balak si Sultan Jamalul Kiram III na pabalikin na muna sa Pilipinas ang kanyang mga tagasunod na naroon sa Sabah. Sa isang press conference na isinagawa sa kanyang tahanan sa Maharlika Village, wala umanong pahintulot ang kanyang nakababatang kapatid na makipag-usap sa pamahalaan tungkol sa pag-atras sa Sabah ng "royal army" sa lupaing pinaniniwalaan nilang kanila.

Samantala umanong pinayagan niya ang kanyang nakababatang kapatid na si Sultan Bantilan Esmail Kiram II na kausapin si Kalihim Manuel Roxas, walang anumang pahintulot ang kanyang kapatid na pumasok sa anumang negosasyon.

Inihalimbawa niya ang naganap sa Sabah na tulad ng larong baseball at nakarating na sila sa third base kaya't walang dahilan upang sila'y umatras pa. Magaganap lamang ang disengagement sa oras na makausap niya ang kanyang kapatid sa Sabah, si Rajah Muda Agbimuddin Kiram na namuno sa higit sa 200 kataong grupo na pumasok sa barangay Tanduao sa Lahad Datu noong ika-siyam ng Pebrero.

Nabalita na 57 na sa royal army ang napaslang kasabay ng siyam na Malaysian security personnel.

Embahada ng Pilipinas sa Malaysia kumikilos upang tumulong sa mga Pinoy

SINABI ni Philippine Ambassador to Malaysia Eduardo Malaya na kumikilos sila upang marating ang mga Pilipnong apektado ng kaguluhan sa Silangang Sabah. Inihahanda nila ang repatriation para sa mga gusto nang umuwi sa Pilipinas.

Sa isang pahayag, sinabi ni Ambassador Malaya na nauunawaan nila ang mga pangamba ng maraming mga Pilipino sa pook, Kahit pa mayroong permiso ng mga autoridad para sa full access, ang humanitarian/consular teams ay tuloy pa rin sa pagtiyak na ligtas at maayos ang kalagayan ng mga Pilipino doon.

May tatlo-kataong mula sa DSWD na nasa Lahad Datu sa pamumuno ni Undersecretary Parisya Hashim-Taradji mula kahapon at kasama ng koponan ng Embahada ng Pilipinas na naroon mula pa noong unang araw ng Marso.

Tubig, problema ng Asya

MAHALAGA ANG TUBIG.  Ito ang mensahe ni Ginoong Bindu Lohani, isa sa mga namumuno sa Asian Development Bank sa pagbubukas ng Asia Water Week kanina sa ADB Headquarters. (Kuha ni Melo Acuna)

KAHIT patuloy ang pag-unlad ng Asya at nakaligtas sa hagupit ng economic meltdown sa America at Europa, isang problemang nararapat harapin ay ang tubig.

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Asia Water Week 2013 sa Asian Development Bank general headquarters, sinabi ni Bindu N. Lohani, Vice President for Knowledge Management na maraming industriyang nagsusulong ng ekonomiya ng rehiyon ay umaasa sa tubig upang matuloy ang produksyon.

Pangalawang dahilan ay ang paglawak ng populasyon, higit na mangangailangan ng tubig para inumin, panglinis ng katawan, pagkain at produksyon ng fibra na umaasa rin sa industriya ng tubig. Idinagdag pa ni Ginoong Lohani na sa paglawak ng mga industriya at pagkakaroon ng urbanization ng mga mamamayan, mangangailangan pa ng higit na energy supply na umaasa rin sa tubig.

Ang pagbabalanse nito ay mangangailangan ng ibayong pagsusuri, pagkakaroon ng maasahang service providers at pagkakasangkot ng mas maraming stakeholders.

Kailangan ng Asia ang $ 59 bilyon upang magkaroon ng mas magandang water rupply at $ 71 bilyon para sa mas maayos na sanitasyon ng iba't ibang bansa. Dadalawampung porsiyento ng wastewater ang nalilinis samantalang ang 80% ng mga ito ay diretso sa mga ilog, lawa at mga lalao na may matinding epekto sa kalusugan at kalusugan ng ecosystem.

Kasabay ng pagtitipon, inilunsad rin ang Asia Water Development Outlook 2013 na naglalaman ng mahahalagang impormasyon sa tubig sa rehiyon.

Ambag ng Tsina sa pananaliksik mahalaga ayon sa mga dalubhasa

MALAKI ANG AMBAG NG PAMAHALAAN NG TSINA SA PANANALIKSIK.  Nagpasalamat si Wouter T. Lincklaen Arrisëns sa tulong ng Tsina na nagkakahalaga ng $ .5 bilyon upang magawa ang pananaliksik sa mga isyung may kinalaman sa tubig.  (Kuha ni Melo Acuna)

MALAKING tulong sa pananaliksik ang ini-ambag ng Pamahalaan ng Tsina sa Asian Development Bank sa pagsusuri sa mga palatuntunan tungkol sa tubig.

Sa isang press briefing, binanggit ni Wouter Lincklaen Arriëns, ang Lead Water Resources Specialist ng Sustainable Infrastructure Division na kasama sa pananaliksik ang Tsinghua at Peking Universities upang mabatid ang mga kailangang gawin upang maibsan ang problemang maidudulot na kakulangan nito sa mga susunod na panahon.

Ang unang bahagi ng tulong ng Pamahalaan ng Tsina ay nagkakahalaga ng $ 500,000. at inaasahan nilang madagdagan sa oras na dumating ang mga datos na magmumula sa pananaliksik. Nasimulan ang kanilang research noon pang 2011.

Ang inilunsad na aklat na pinamagatang Asian Water Development Outlook 2013 ay nagmula sa pagtutulong-tulong ng mga dalubhasa kung paano magagamit at mapapangalagaan ang tubig nang sa ganoon ay mapakinabangan sa tamang panahon.

Binigyang-pansin ng mga dalubhasa ang Three Gorges Dam ng Tsina. Ayon kay Ginoong Arriëns, ang mga bansa at kani-kanilang pamahalaan ang nagdedesisyon kung kalian at kung saan magtatayo ng mga malalaking dam. Mahalaga ito sa water security.

Ang Three Gorges ang isa sa pinakamalaking dam sa daigdig. Ang pagkakaroon ng imbakan ng tubig tulad ng malaking dam sa Tsina ay bahagi ng epektibong estratehiya. Mayroon ding mga medium at mayroon ding nagmumula sa groundwater at maliliit na water storages.

Kasamang humarap sa press briefing sina Dr. Ramesh Ananda Vaidya, Senior Advisor sa larangan ng Water and Hazards at Ravi Narayanan, Vice Chair ng Governing Council ng Asia-Pacific Water Forum.

Mga Pilipino, taimtim na nagdarasal para sa mga Cardinal

NAGLUNSAD ng sama-samang panalangin sa iba't ibang bahagi ng bansa para sa pagtitipon ng 115 mga cardinal sa sinimulang conclave kagabi oras sa Pilipinas.

Nagkaroon ng Misa sa Arzobispado de Manila na ang intensyon ay maging matagumpay ang mga hahalal ng kahalili ni Pope Benedict XVI.

Nagkaroon din ng mga panalangin sa Pontifical University of Santo Tomas, ang pinakamatandang dalubhasaan sa Timog Silangang Asia kahapon samantalang nagkaroon din ng mga panalangin sa iba't ibang kapilya ng mga paaralang saklaw ng Catholic Educational Association of the Philippines.

Samantala, ang mga kinatawan ng iba't ibang news agencies ay nagkukumahog sa paghahanap ng mga malapit na kamag-anak at kaibigan ni Manila Archbishop Luis Antonio Gokim Cardinal Tagle matapos lumutang ang kanyang pangalan bilang isa sa mga posibleng mahalal na Santo Papa.

Ang mga mamamahayag sa Pilipinas ay abala rin sa mga panayam sa mga obispo tungkol sa kanilang pananaw sa nagaganap sa Vatican City.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>