|
||||||||
|
||
AABOT sa $ 300 milyon na itinuturing na development policy loan ng World Bank ang susuporta sa mga programang mag-aayos ng investment climate, magpapalakas ng pamamalakad sa pamahalaan at pagkakaroon ng access sa basic education at health care ng mga mahihirap na pamilya ang darating na sa bansa.
Magaganap ito matapos sumang-ayon ang Board of Executive Directors ng World Bank upang tulungan ang bansang magpatupad ng mahahalagang reporma. Inaasahan itong magdudulot ng mas maraming hanapbuhay at makababawas sa kahirapan.
Sinabi ni Kalihim Cesar Purisima ng Kagawaran ng Pananalapi na layunin nilang ilagay ang ekonomiya ng Pilipinas solidong katayuan sa daigdig na mapanuring kalakaran at magkaroon ng magandang kinahihinatnan. Idinagdag pa niyang ang bagong salapi na sasabayan ng suporta ng iba't ibang sektor ang magdudulot ng pagkakataong umunlad ang kalagayan ng mahihirap.
Nagkaroon ang Pilipinas ng 7.1% sa ikatlong sangkapat ng 2012. Sa pagkakataong ito, napabilang ang bansa sa grupo ng mga bansang may pinakamabilis na pag-unlad sa likod ng napakatinding krisis sa ekonomiya sa America at sa Europa.
Kagawaran ng Pagawaing Bayan, nakiusap sa mga magsasaka
NAKIUSAP ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways sa mga magsasaka at mangangalakal ng palay na huwag namang gamitin ang mga pinalawak ng highway sa buong bansa bilang mga bilaran ng palay upang makaiwas sa mga sakuna.
Sinabi ni Kalihim Rogelio Singson na pinalawak nila ang mga lansangang kabilang sa national highways upang higit na gumanda ang daloy ng mga sasakyan kaya nga lamang ay ginagamit na solar dryers ng mga magsasaka at mga rice traders ang mga ito.
Idinagdag pa ni Kalihim Singson na pinalawak at pinaganda na nila ang McArthur Highway o Manila North road patungong Ilocos Region, ang Cagayan Valley Road upang maiwasan ang mga sakuna sa kahabaan ng Nueva Ecija, Nueva,Vizcaya at Isabela. Ito rin ang situasyon sa Bicol Region at maging sa Kabisayaan.
Sa magandang panahon, nakatitiyak na mas maraming mga magbibilad ng palay sa mga lansangan. Ang masakit pa nito ay nilalagyan ng kung anu-anong gamit upang huwag masagasaan ang kanilang mga ibinibilad na palay.
Ganito rin ang situasyon sa mga pook na may mga padyak at tricycle sa mga national highway maging araw man o gabi.
Sa panawagan ni Singson, umaasa siyang gagamitin ng mga magsasaka ang outerlanes o mga pook na malayo sa kalagitnaan ng mga national highways. Pinakiusapan na rin niya ang mga kapwa kalihim na si Manuel Araneta Roxas ng Department of Interior and Local Governments, upang kausapin din ang mga pamahalaang local at pulisya upang maiwasan ang masamang gawi ito.
Mga Tsino, nanguna sa pagpapatala immigration
HIGIT sa 84,000 mga banyaga ang nagtungo sa Bureau of Immigration noong nakalipas na Enero at Pebrero. Sila ang kumakatawan sa 6% ng mga nag-ulat noong nakalipas na taon.
Sinabi ni Commissioner Ricardo David, Jr. na 84,399 na banyaga ang nakarating sa takdang panahon kung ihahambing sa halos 80 libong mga banyaga sa unang dalawang buwan ng 2012.
Nakalikom ang pamahalaan ng higit sa P 24 milyon mula sa annual report fees ngayong taon. Ang mga banyagang hindi nakapagpakita bago sumapit ang deadline ay papayapagan pa subalit mayroong mga multa at karagadagang bayarin. Ang mga hindi magpapakita at patuloy na lalabag sa mga batas ng bansa ay maipapatapon pabalik sa kanilang sariling bansang pinagmulan.
Itinatadhana ng Alien Registration Act of 1950 na ang lahat ng banyagang naninirahan sa Pilipinas na mag-ulat sa Bureau of Immiggration sa kada unang 60 araw ng bawat taon.
Ayon kay Atty. Ronaldo Ledesma, ang acting alien registration chief, mga Tsino ang nanguna sa pagpapatala sa pagkakaroon ng 30,112, Indians na may 10,860 samantalang mauroong 9, 232 na Americano at 8,499 na mga Koreano.
Mga Pilipinong Cardinal, bumalik na sa Pilipinas
DUMATING na kaninang umaga sina Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle, Manila Archbishop Emeritus Gaudencio B. Cardinal Rosales at Cebu Emeritus Ricardo J. Cardinal Vidal matapos ang pananatili sa Vatican City ng may limang linggo.
ARSOBISPO NG MAYNILA, DUMATING NA MULA SA ROMA. Sinalubong ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Guiseppe Pinto (kanan) si Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle sa kanyang pagdating sa Paliparang Pangdaigdig ng Ninoy Aquino kaninang umaga. Nasa likuran, sa gitna at nakasuot ng puting barong tagalog si Manila Archbishop Emeritus Gaudencio B. Cardinal Rosales. (Kuha ni Roy Lagarde ng CBCPNews)
Nagpasalamat si Cardinal Tagle sa pagkakaroon ng bagong pastol ang Simbahang Katolika sa katauhan ni Pope Francis I. Ayon kay Cardinal Rosales, limang linggong makasaysayan ang naganap sa Simbahan sa pagbibitiw ni Pope Benedict XVI – dahilan sa kanyang edad at mga dalawang araw ang nakalilipas ang paninimula ng panunungkulan ni Pope Francis I. Ayon kay Cardinal Rosales, bagama't hindi siya sumama sa halalan, sila ni Cardinal Vidal ay kasama sa mga nanalangin at naghintay ng mga magaganap sa Vaticano.
Tinugon ng Panginoong Diyos ang panalangin para sa Simbahan sa pagkakapili sa bagong santo papa.
Naging mahalaga umano ang pagkikita-kita ng mga cardinal bago pa man sumapit ang conclave sapagkat nagkaroon sila ng pagkakataong makinig sa mga karanasan ng bawat isa.
MALAKING TULONG ANG TALAKAYAN SA MGA KARANASAN NG MGA CARDINAL. Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle (kanan) nakatulong sa kanilang desisyon ang pakikinig sa mga karanasan ng bawat cardinal na lalahok sa conclave upang pumili ng kahalilli ni Pope Benedict XVI. Malaking tulong din ang kanilang taimtim na pananalangin bago pa man sumapit ang kanilang conclave, dagdag pa ni Cardinal Tagle. Nasa gawing kaliwa si dating Manila Archbishop Gaudencio B. Cardinal Rosales. (Kuha ni Roy Lagarde ng CBCP News)
Ayon kay Cardinal Tagle, sa likod ng mga balitang lumabas sa mga news agencies na mayroong mga napipisil na kandidato mula sa katimugang bahagi ng daigdig o mga pook na wala sa Europa, pawang pagdarasal at pag-aaral ang kanilang ginawa at sa tulong ng Espiritu Santo ay nagkaroon sila ng desisyong pamunuan sila ni Pope Francis I.
Ipinaliwanag din ni Cardinal Tagle na siya'y nagbigay galang sa bagong halal na Santo Papa sa malaki nga ang kanyang pag-asa sa Pilipinas. Hindi na naipaliwanag ni Pope Franciscus ang kanyang ibig sabihing malaki ang inaasahan sa bansang pinagmulan ni Cardinal Tagle.
Dumalo rin sa press briefing si Apostolic Nuncio to the Philippine Archbishop Guiseppe Pinto.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |