|
||||||||
|
||
Pangulong Aquino, nanawagang sa mga nagtapos sa PNPA Class 2013: maging matibay sa mga pagsubok
MALIWANAG kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang kanyang panawagan sa mga kabilang sa Philippine National Police Academy "Tagapamagitan" Class of 2013 na binubuo ng 252 bagong mga police, jail at fire inspectors.
Sa kanyang talumpati sa PNP Academy sa Silang, Cavite kaninang umaga, sinabi ni Pangulong Aquino na kailangang paghandaan ng mga nagsipagtapos ang mga matitinding pagsubok na kaakibat ng kanilang propesyon. Inihalimbawa niya ang naganap na insidente sa Atimonan, Quezon na umano'y nakasira sa imahen ng pulisya.
Nanawagan siyang bigyang pansin at halaga ang kapakanan ng higit na nakararami, ang pagiging tagapagtanggol at tagapamagitan upang malapit ang mga mamamayan sa mga pulis, jail at fire officers.
"Lagi ninyong isipin ang makabubuti sa higit na nakararami at maging patas sa pagtugon sa problema ng inyong ahensya," dagdag pa ni Pangulong Aquino.
Pagsisiyasat ng torture cases at pagpapalakas ng pagkilala sa karapatang pangtao, pinagtibay
MAGKAKASAMANG haharapin ng Philippine National Police, Kagawaran ng Katarungan at Medical Action Group ang pinag-ibayong pagsisiyasat sa mga usapin ng torture at pagpapalakas sa paggalang sa Karapatang Pangtao at rule of law sa Pilipinas.
Sa ilalim ng pagtitipong pinamagatang Inter-Agency Cooperation on Enhancing Investigation and Prosecution of Torture Cases kamakailan, pinagtibay ang pagtutulungan ng mga ahensya upang madali at maging mas malawak ang paglilitis ng mga usaping may kinalaman sa torture.
Ginastusan ng British Government ang proyekto. Sinabi ni First Secretary Steph Lysaght na naging kapaki-pakinabang ang mga pag-uusap at pagpupulong. Sa mga pagkakataong ito nakita ang liwanag at lakas ng pulisya at ng pamahalaang mawala ang masamang gawain at maikintal sa kanilang isipan ang sinasabing highest professional standards. Kasama sa mga pagsasanay na ito ang mga pulis, mga tagausig (prosecutors) at mga kasapi ng non-government organization.
Ibinahagi naman ni Kalihim Leila de Lima ang palatuntunang magpapahusay sa paglilitis ng mga usaping torture sapagkat ang anumang paggamit ng torture ay walang puwang sa sibilisadong daigdig.
Ginawa ang mga pagsasanay sa iba't ibang bahagi ng bansa tulad ng Maynila, Baguio sa Hilagang Luzon, Cebu sa Kabisayaan at maging sa Cagayan de Oro, Zamboanga at Davao sa Mindanao na dinaluhan ng halos 250 mga taga-usig, mga imbestigador ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation at medico-legal officers.
Walong human trafficking victims nasabat
NAPIGILAN ng mga tauhan ng Bureau of Immigration and Deportation sa Clark International Airport sa Pampanga ang dalawang pagtatangkang makapagpalabas ng mga walang sapat na dokumentong manggagawa na sana'y patungo sa Gitnang Silangan.
Sinabi ni Commissioner Ricardo David, Jr. na nasabat sa dalawang hiwalay na pagkakataon ang mga biktima samantalang pasakay ng mga eroplanong patungo sa Singapore at Hongkong noong nakalipas na linggo. Sa kanilang initial destination na sana sila sasakay patungo sa gitnang silangan.
Tulad ng kinagawian, nagpanggap silang mga turista at magbabakasyon lamang. Subalit sa imbestigasyon, sinabi rin ng walo na sila'y magtatrabaho bilang mga domestic helper sa gitnang silangan. Nakatakda sana silang magtrabaho sa Dubai at sa Lebanon.
Nagbayad umano ang walo sa kani-kanilang mga recruiter ng P 80,000 bawat isa para maproseso ang kanilang mga papeles.
Visita Iglesia 2013 inilunsad
SINIMULAN na ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang Visita Iglesia 2013 na naglalaman ng mga ng iba't ibang programa para sa mga Pilipinong nasa iba't ibang bahagi ng daigdig.
Ayon kay Msgr. Pedro C. Quitorio, CBCP Media Director, ang website ay visitaiglesia.net ay katatagpuan ng mga panalangin, Lenten retreats, pabasa, at ang pagdalaw sa mga simbahan mayroong mayamang cultural heritage sa pamamagitan ng mga larawan at pelikula. Kasama rin ang Daan ng Krus o Stations of the Cross sa pagtatanghal na ito ng CBCP Media Office.
Tampok din ang mga paring magbibigay ng kanilang mga reflections sa kahalagahan ng Semana Santa tulad nina Fr. Gerry Orbos, Fr. Eric Santos, Fr. Bel San Luis. Tampok din ang mga pinakahuling balita sa Vatican sa tanggapan ni Pope Francis I.
Inaanyayahan ang mga Pilipinong nasa iba't ibang bansang makiisa sa Visita Iglesia 2013. Ito rin ang panawagan sa mga Pilipinong nasa Pilipinas na hindi na kakayahing magsagawa ng pagdalaw sa mga simbahan dahilan sa kanilang kalusugan at edad.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |