|
||||||||
|
||
Pangalawang Pangulong Binay: tumulong kayong magkaroon ng mas maraming hanapbuhay
MGA NAG-AMBAG SA MGA PROYEKTO NG FFCCCIINC. PINARANGALAN. Ibinibigay ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay (gitna) ang sertipiko ng pagkilala sa isa sa mga nag-ambag sa mga proyekto ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. sa pagtitipon kahapon sa Sofitel Manila. Nasa larawan din si business tycoon Lucio Tan (pangalawa mula sa kaliwa) samantalang sumaksi rin si FFCCCI President Tan Ching (pinaka-kanan) (Kuha ni Melo Acuna)
NANAWAGAN si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay sa mga bumubuo ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry na tumulong na magamit ang mga natamong biyaya ng magandang takbo ng ekonomiya sa pagkakaroon ng mas maraming hanapbuhay at matatag na mga palatuntunan para sa mga mahihirap.
Hindi nararapat makaligtaan ang Millennium Development Goals na ipinangako ng bansa sa United Nations, ayon kay Ginoong Binay. Nararapat umanong magtulungan ang pamahalaan at mga kasapi ng FFCCCI upang magkaroon ng maayos ng pagbabahaginan ng yaman. Ito ang buod ng talumpati ni Ginoong Binay sa 29th Biennial Convention ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. na idinaos sa Sofitel Manila kahapon.
Ayon sa pangalawang pangulo, maganda ang investor confidence sa Pilipinas at nararapat magkaroon ng tunay at nadaramang kaunlaran.
Idinagdag niya na kung pagbabalik-aralan ang Kasaysayan, maa-alala ang matagal na pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas noon pa mang unang siglo, bago pa man nakarating ang mga Kastila sa Pilipinas.
Ang pagkakaibigang ito ay yumabong sa pamamagitan ng mga ninunong Tsino at Pilipino sa pagbabahaginan sa larangan ng kultura, kalakal, pagbuo ng mga pamilyang Tsinoy at sa pag-aalay ng buhay at dugo noong Ikalawang Digmaang Pangdaigdig. Marami na umanong nalagdaang mga kasunduan sa larangan ng kalakal, ekonomiya, agham at teknolohiya sa pagitan ng dalawang bansa.
Kahit pa nasimulan ang diplomatic relations sa pagitan ng dalawang bansa may 37 taon pa lamang ang nakalilipas, ang pagkakapatiran ay napanatiling matatag kahit mayroong mga 'di pagkakaunawaan.
Sa pagdalaw ni Ambassador Ma Keqing sa kanyang tanggapan, sinabi ng ikalawang babaeng ambassador ng Tsina sa Pilipinas na ang isyu hinggil sa Spratlys ay maaaring mahirap malutas subalit ang pagkakaibigan at pagkakamag-anak ng dalawang bansa ay maituturing na 'di pagkakaunawaan sa loob ng isang pamilya. Maituturing umano itong "lovers' quarrel."
Ika-40 buwan ng Maguindanao Massacre, ginunita
IKA-40 BUWAN NG MAGUINDANAO MASSACRE, GINUNITA. Nagtipon ang mga mamamahayag na kabilang sa National Union of Journalists of the Philippines sa Boy Scouts of the Philippines memorial sa panukulan ng Timog at Morato Avenues sa Quezon City. Nagtirik sila ng mga kandila sa paggunita sa ika-40 buwan ng karumaldumal na krimeng naganap noong ika-23 ng Nobyembre 2009 sa liblib na pook sa Maguindanao. (Kuha ni Melo Acuna)
MANGILAN-NGILANG mamamahayag na kabilang sa National Union of Journalists in the Philippines ang nagsama-sama noong Sabado ng gabi upang magsindi ng mga kandilang bumubuo sa bilang na 40 sa paggunita ng madugong Maguindanao Massacre na naganap noong ika-23 ng Nobyembre 2009.
Ayon kay Aldwin Alburo ng GMA 7 at Vice Chairman ng NUJP, nakalulungkot na maraming mga mamamahayag na nagbabalita ng mga walang kakwenta-kwentang pangyayari tungkol sa mga buhay ng artisita at mga bangayan ng mga politiko sa halip na ituloy ang coverage at pagbabantay sa mabagal na pag-usad ng usapin laban sa isang malaking angkan na may kagagawan ng masaker.
Magugunitang karamihan sa mga napaslang ay mga mamamahayag samantalang patungo sa isang coverage. Mga kalaban sa politika ng kanilang sinamahan ang sinasabing may kagagawan sa pinakamalaking masaker ng mga mamamahayag.
Nanawagan si Ginoong Alburo sa pamahamaan na huwag namang pabayaang lumipas ang matagal na panahon sa paglilitis ng usapin. Nangako si Ginoong Alburo at mga kasama na patuloy nilang gagawin ang ritwal na ito hanggang hindi natatapos ang usapin.
Cardinal tagle: magbagong buhay tayong lahat,iwaksi ang kasamaan
NANAWAGAN si Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle sa mga mananampalataya ng Arkediyosesis ng Maynila na iwaksi ang kasamaan at kawalan ng katarungan.
Ito ang kanyang mensahe sa pagsisimula ng Mahal na Araw sa pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas.
Sa kanyang homiliya sa San Fernando de Dilao Parish sa Paco, Manila, nanawagan ang cardinal na iwaksi ang tila walang humpay na kasalanan at kawalan ng katarungan. Mababayaran ang mga kasalanang ito sa pamamagitan ng kabutihan.
Higit umanong lalawak ang kasamaan kung sasagutin ng kasamaan ang mga nagaganap ngayon. Nararapat lamang kilalanin ang halimbawa ng Panginoong Hesukristo, dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Mas makabubuting samahan si Hesukristo sa kanyang paglalakbay sa Herusalem sa pamamagitan ng maayos na pamumuhay na kinatatampukan ng kabaitan at pagtulong sa kapwa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |