|
||||||||
|
||
NATAMO ng Pilipinas ang kauna-unahang investment grade rating matapos itaas ng Fitch ang rating ng bansa mula sa BB+ at naging BBB-.
Ang Fitch Ratings ang isa sa tatlong major international debt watchers na nagtaas sa Pilipinas ang nagsabing mayroong stable outlook para sa credit rating ng bansa.
Ayon sa mga balitang lumabas, nakita ng Fitch ang sovereign balance sheet ng bansa na maihahambing sa 'A'-rated nations samantalang ang 'persistent current account surplus", na sinabayan ng walang humpay na 'remittance inflows' ang naging dahilan upang maging isang 'net creditor' ang Pilipinas mula sa dating 'deficit position'.
Ayon sa Fitch, ang 6.6% economic growth para sa 2012 at inaasahang 5.5% growth ngayong 2013 ay maituturing na mas matatag at hindi mabuway na nakita sa BBB-rated na mga bansa sa nakalipas na limang taon.
Idinagdag pa ng Fitch na ang pagsasa-ayos ng fiscal management ay sinimulan noong panahon ni Ginang Arroyo na nagpaganda sa general government debt dynamics na mas nakatutugon sa anumang pagyanig o "shocks".
SAMANTALA, ikinatuwa ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang upgrading na isinagawa ng Fitch Ratings mula sa BB+ at natamo ang BBB-. Ito ang kauna-unanahang pagkakataon na natamo ng bansa ng investment grade, dagdag pa niya.
Sa kanyang pahayag na inilabas kaninang hapon, nangangahulugan umano ito ng mas mababang intrest rates sa pagkakautang ng bansa at mas maraming investors ang mamimili ng securities. Magkakaroon din ng higit na access ang bansa sa tinaguriang low-cost funds upang matiyak ang social protection, defense, economic stimulus at iba pa. Higit namaraming kumpanya ang dadalaw at maglalagak ng kapital sa bansa.
METRO MANILA, LULUWAG DAHILAN SA SEMANA SANTA
MAGIGING maluwag ang mga lansangan sa Metro Manila mula bukas sapagkat karamihan ay naglalakbay na patungo sa kanilang mga lalawigan sa pagdiriwang ng Mahal na Araw o Semana Santa. Tiniyak ng mga autoridad ang ligtas na paglalakbay ng mga magbibiyahe mula noong nakalipas na Lunes.
Kaninang umaga pa lamang ay buhol na ang traffic sa mga lansangan patungo sa mga bus terminal na sasakyan ng mga patungong Hilagang Luzon, Bicol, Kabisayaan at Mindanao. Mayroon ding napunang pagdagsa ng mga pasahero sa mga daungan patungo sa mga barkong maglalayag patungong Kabisayaan at Mindanao. Puno na rin ang mga paliparan dahilan sa pagdagsa ng mga pauwi sa kani-kanilang mga lalawigan, lungsod at bayan. Karaniwang umuuwi ang mga nasa Metro Manila sa kanilang mga pinagmulan sapagkat matagal-tagal din ang bakasyon na mula Huwebes Santo, Biyernes Santo, Sabado de Gloria at Domingo de Pascua o Pasko ng Pagkabuhay sa bansang karamiha'y mga Katoliko.
Marami rin ang nagtutungo sa mga tourist spots upang magbakasyon, maglangoy at umakyat ng mga bundok. Ang iba nama'y nasa kani-kanilang mga ancestral homes upang makapagpahinga.
Tinitiyak ng mga autoridad sa Metro Manila na hihigpit na naman ang trapiko sa darating na Linggo ng Pagkabuhay sapagkat isang regular working day na ang Lunes, unang araw sa buwan ng Abril.
DALUBHASA MULA SA BEIJING, MAGSASALITA SA MGA MAMAMAHAYAG
ISANG talakayan ang nakatakdang idaos sa Lunes (Abril 1) sa Embahada ng Tsina sa Dasmarinas Village sa Makati sa pagdalaw ni Ginoong Ruan Zongze, Vice President ng China Institute of International Studies.
Ayon kay Zhang Hua, ang Political Officer at tagapagsalita ng Embahada ng Tsina sa Maynila, magiging paksa ang US – Asia – Pacific Policy, regional security issues at ang Sino-US relations.
Bago nakasama ng China Institute of International Studies, naglingkod si G. Ruan bilang Minister Counselor for Policy sa Chinese Embassy sa Estados Unidos mula 2007 hanggang 2011. Siya ay naging Vice President ng CIIS mula s002 hanggang 2007. Mula 1996 hanggang 2000, siya ay naging Second at First Secretary sa Chinese Embassy sa United Kingdom. Mula 1992-1993, isa siyang visiting fellow sa School of Oriental and African Students sa University of London, sa UK.
MARALITANG TAGA-LUNSOD, NAG-RALLY SA QUIAPO
IDINAOS ng may dalawang-daang maralitang taga-lunsod ang kanilang ika-27 Kalbaryo ng Maralita na humihiling ng mas maayos na pagtrato ng pamahalaan. Pinamunuan ng Urban Poor Associates, Community Organizers Multiversity at iba't ibang samahan mula sa Tondo, Pasig, Quezon City at paligid ng Laguna Lake.
NAGPASAN NG KRUS ANG MAHIHIRAP. Na sa ika-27 taon na ang Kalbaryo ng Mahihirap. Makikita sa larawan ang kalalakihang may pasang krus sa harap ng makasaysayang simbahan ng Quiapo sa kanilang pagpapagunita sa pamahalaan na huwag namang talikdan ang obligasyon sa mga mahihirap at walang lakas na tulad nila. (Larawan ng UPA)
Nagmartsa sila mula sa Liwasang Bonifacio patungong Plaza Miranda sa Quiapo na kinatampukan ng may 40 mahihirap na tila nagpenitensya o naghampas ng lubid sa kanilang katawan.
Sa idinaos na Kalbaryo, ginunita nila ang paghihirap ng Panginoong Hesukristo sa kanyang pasyon at kamatayan na nadarama din ng mahihirap dahilan sa mga demolsiyon, kawalan ng tahanan, pagkagutom, kawalan ng lupain, kawalan ng katarungan at hanapbuhay at kawalan ng dignidad at poder.
BISHOP BRODERICK PABILLO, NANAWAGAN SA PAMAHALAAN. Nanawagan si Bishop Broderick Pabillo sa pamahalaan na tulungan ang mga maralitang tagalunsod na walang maayos na tahanan. Nanawagan din siya na bigyang pansin ang on-site development upang huwag namang malayo sa hanapbuhay ang mga mahihirap. (Larawan ng UPA)
Sa halos tatlong taong panunungkulan ni Pangulong Aquino naganap ang pinakamaraming pagpapatalsik ng mga maralitang tagalunsod. Nawalan umano ng saysay ang kasunduang nilagdaaan noong ika-anim ng Marso 2010 sa Del Pan Sports Complex sa Tondo, Manila.
MAY MENSAHE ANG MAHIHIRAP SA PAMAHALAAN. Itigil o wakasan na ang mga demolisyon sa mga pook ng mahihirap. Ito ang kanilang kahilingan sa pamahalaan ni Pangulong Aquino na nabalitang masaya sa investment grade na ibinigay ng Fitch Rating ngayong araw na ito. (Larawan ng UPA)
Tama umano ang mensahe ni Pope Francis sa lahat: "Ipagtanggol ang mahihirap at walang kakayahan," dagdag pa ng bumubuo ng Urban Poor Associates.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |