Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Relasyong Estados Unidos at Tsina, matatag

(GMT+08:00) 2013-04-02 17:55:39       CRI

RELASYONG TSINA-ESTADOS UNIDOS, MATATAG.  Sinabi ni Dr. Ruan Zongze, Vice President ng China Institute of International Studies na maganda ang relasyong namamagitan sa dalawang bansa.  Karamihan ng mga 'di pagkakaunawaan ay malulutas sa pag-uusap.  Bumalik na ang grupo ni Dr. Zongze sa Tsina kanina.

NANINIWALA si Dr. Ruan Zongze, Vice President at Senior Research Fellow ng CIIS na nananatiling matatag ang relasyon ng Estados Unidos at Tsina. Sa isang roundtable discussion kahapon na kinatampukan ng mga mamamahayag sa larangan ng ugnayang panglabas sa Embahada ng Tsina, sinabi niya na hindi maiiwasang magkaroon ng epekto ang nagaganap sa larangan ng macroeconomics sa Asia-Pacific Region.

Ipinaliwanag niyang kahit paano'y magkakaroon ng impact sa Asia ang nagaganap na krisis sa ekonomiya sa Europa at Estados Unidos. Kahit umano ang Tsina ay umaasang magtatamo ng 7.5% growth ngayong 2013. Binabantayan ng Estados Unidos ang paglago at paglakas ng Tsina kaya't lumalabas ang balitang mayroong mga gagawing pagkilos sa Asia ang mga Americano.

Ani Dr. Zongze, pinabayaan na ang America ang Europa sa mga suliranin nito kaya't itinuon na ang pansin sa Asia. Mayroon ding ilang bansa sa ASEAN na nagnanais na mgparamdam ang mga Americano sa rehiyon upang matapatan ang Tsina. Darating din ang pagkakataong babalansehin ng mga bansa sa Asia ang relasyon nila sa America at maging sa Tsina. Mayroon ding naniniwalang hindi masaya ang Tsina sa binabalak ng America sa Asia sapagkat walang alinmang bansa ang makapipigil sa pag-unlad ng Tsina.

Sa likod ng situasyong ito, makaliligtas ang Asia sa anumang krisis na magaganap sa ekonomiya sapagkat nakaligtas ito noong 1997 Asian financial crisis at sa naganap na pandaigdigang economic meltdown noong 2008. Bagama'y may naniniwalang mauuwi sa komprontasyon ang relasyon ng America at Tsina, ipinaliwanag ni Dr. Zongze na matatag ang relasyon ng dalawang bansa. Mayroong siyam na government-sponsored mechanisms upang magkaroon ng mas madalas na mga pag-usap. Itinuturing na "strategic dialogue" ang nagaganap sa pagitan ng dalawang mayayamang bansa. Nakatuon ang mga pag-uusap sa relasyon ng mga bansa sa Asia-Pacific region. Malaking panganib para sa Estados Unidos at Tsina kung magkakaroon ng anumang kumprontasyon.

Maliwanag ito, ayon kay Dr. Zongze, sa naging talumpati ni Ginoong Xi Jinping sa Washington noong Pebrero 2012 na nagsabing ang "win-win situation" ang pinakamahalagang solusyon sa anumang sigalot. Sa kanyang talumpati sa Asia Society, sinabi ni G. Xi na ang anumang 'di pagkakaunawaan ay malulutas sa pamamagitan ng pag-uusap.

Mahalaga rin ang mga pahayag ng Pilipinas, Japan, Vietnam at Tsina na lutasin ang alinmang 'di pagkakaunawaan sa pamamagitan ng pag-usap.

Sinabi ni Dr. Zongze na kailangan ng America ang "managed tension" subalit sa oras na dumating ito sa kasukdulan, papasok ang America sa sitwasyon. Hindi umano makikidigma ang America para sa mumunting batuhan sa karagatan, tulad ng kontrobersya sa pagitan ng Hapon at Tsina.

2, Sultan ng Sulu, dumalaw sa Catholic Bishops Conference of the Philippines

SULTAN JAMALUL KIRAM III AT ARSOBISPO JOSE S. PALMA NAG-USAP.  Sa kauna-unahang pagkakataon, nagpulong sina Sultan Kiram ng Sulu at Arsobispo Palma hinggil sa nagaganap sa Sabah.  Nangako si Arsobispo Palma na ipararating niya sa angkop na tanggapan sa Vatican ang hinaing nina Sultan Kiram.


MGA LARAWAN AT VIDEO ISUSUMITE RIN.  Nangako si Sultan Kiram III na dadalhin ang mga larawan at video mula sa mga biktima ng umano'y pagmamalupit ng mga kawal at pulis ng Malaysia.

TUMAGAL ng halos kalahating oras ang pag-uusap nina Sultan Jamalul Kiram III at Arsobispo Jose S. Palma, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa kauna-unahang pagdalaw ng sultan at ng kanyang mga kasama sa tanggapan ng mga obispong Katoliko ng Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Sultan Kiram III na nagtungo ang kanyang mga kasamahan sa Sabah upang doon na manirahan sa kanilang lupain. Binanggit din ng sultan ang mga karanasan ng mga Muslim sa kamay ng mga kawal at pulis ng Malaysia.

Sa panig ni Arsobispo Palma, ipinagpasalamat niya ang pagdalaw ni Sultan Kiram III, ng kanyang anak na si Prinsesa Jacel Kiram, kanilang tagapagsalita Abraham Idjirani, Pastor Saycon, isang political strategist at political consultant ng sultan. Isa umanong magandang pagkakataong magkasama ang mga Muslim at mga Kristiyano sa pananalangin at paghahanap ng payapaang paraan upang matapos ang sigalot.

Hihingi rin siya ng tulong sa mga dalubhasa upang magkaroon ng mas malalim na pang-unawa sa tunay na situasyon sa Sabah.

Kasama rin nila si Dante Jimenez ng Volunteers Against Crime and Corruption. Ayon sa arsobispo, ang pagdalaw na ito ay maihahalintulad sa pagdulog ng isang kapatid sa kapatid na may kakayahang tumulong sa pagbabalik ng kapayapaan sa kanilang lupain.

Nangako sina Sultan Kiram na ihahatid ang lahat ng mga dokumento at mga larawan at video ng mga naganap sa Sabah bukas sa tanggapan ni Msgr. Joselito Asis, CBCP secretary-general.

Idinagdag pa ni Arsobispo Palma na babasahin at susuriin ang mga dokumentong ipinagkaloob ng sultan. Maghahanap din siya ng tamang tanggapan sa Vatican upang daluhan ang suliranin kinahaharap ng mga Muslim. Ipararating din niya ang usaping ito sa CBCP Permanent Council upang higit na pag-aralan kung anong hakbang ang magagawa ng kapulungan.

Umalis kagabing ika-pito si Arsobispo Palma patungong Roma upang dumalo sa pagpupulong para sa Eucharistic Congress na idadaos sa 2016 sa Cebu City at sa paanyaya rin ng mga obispong Aleman.

Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, humarap sina Sultan Kiram sa mga mamamamahayag sa isang press conference.

3, Public Attorney's Office Aaplela sa Desisyon ng Hukuman

TINIYAK ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta na magpaparating sila ng Motion for Reconsideration sa Court of Appeals sapagkat naniniwala sila sa ruling ng Kagawaran ng Katarungan na nararapat lamang papanagutin ang Vice President for Administration ng Sulpicio Lines Edgar Go sapagkat siya ang may kontrol sa sinamang-palad na barko.

Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Acosta na binanggit pa umano ni Ginoong Go sa clarificatory hearing sa Kagawaran ng Katarungan na nagpulong pa sila noong umangang sinamang-palad ang kanilang barko noong ika-21 ng Hunyo at nakausap pa ang kapitan ng barko at may pagkakataong sabihan ang kapitan na magkanlong ang barko subalit hindi niya ginawa.

Ito ang reaksyon ni Atty. Acosta sa desisyon ng Court of Appeals na nagpawalang-sala kay Edgar Go ng Sulpicio Lines sa paglubog ng "Princess of the Stars" noong 2008.

Napapaloob sa 33-pahinang desisyon na may petsang ika-22 ng Marso, 2013, ang pagpapawalang sala sa opisyal. Magugunitang kinasuhan si Go ng reckless imprudence resulting into multiple homicide, physical injuries at damage to properties sa sakunang ikinasawi ng may 800 pasahero at mga tripulante. Naganap ang sakuna sa may Sibuyan Islands sa Romblon noong ika-22 ng Hunyo, 2008 sa kasagsagan ng bagyong "Frank" na siyang nagpataob sa barko.

4, Mga dalubhasa sa Road Safety, may pulong sa Maynila

KAILANGANG MAGTULUNGAN ANG IBA'T IBANG SEKTOR.  Ito ang binigyang-diin ni Bb. Gwen Pang, Secretary General ng Philippine Red Cross sa idinaraos  na Global Road Safety Partnership Asia Seminare and iRAP Workshop sa Manila Diamond Hotel.  Magtatapos ang pulong sa darating na Hwebes, ika-apat ng April.

SINIMULAN ngayong araw na ito ang pagpupulong ng may 200 mga dalubhasa sa road safety, mga kinatawan ng pamahalaan at mga mangangalakal na nagmula sa may 30 bansa para sa Global Road Safety Partnership Asia Seminar at International Road Assessment Program Asia Pacific Workshop. Taunang ginagawa ang pagpupulong na ito na may layuning mabawasan ang bilang ng mga nasasawi at nasususgatan dahilan sa mga sakuna sa mga lansangan. Bahagi ito ng United Nations' Decade of Action for Road Safety 2011-2020.

Suportado ng Pamahalaan ng Pilipinas, ang GRSP Philippines at Philippine Red Cross, ang pagpupulong ay nakatuon sa sektor na namimiligro sa mga sakuna, ang mga naglalakad sa lansangan, mga naka-motorsiklo, e-bike at mga naka-bisekleta.

SAMANTALA, sinabi ni Philippine Red Cross Secretary General Gwen Pang na saksi ang kanilang samahan at mga volunteers sa mga sakunang nagaganap. Sa mga nagaganap na pagdami ng mga sasakyan at paglaki ng mga kabayanan dumarami rin ang mga suliranin sa trapiko at road-safety.

Ayon sa DOTC, sabi pa ni Bb. Pang, noon pa mang 2009, lumago ng 8.7% ang bilang ng mga nasawi sa sakuna sa lansangan kung ihahambing sa taong 2008. Patuloy umanong madaragdagan ang bilang kung hindi magtutulungan ang iba't ibang sektor.

Kailangang mamulat ang karamihan ng mga mamamayan sa kahalagahan ng pag-iingat sa mga lansangan, mula sa mga motorista hanggang sa mga naglalakad sa mga lansangan.

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>