|
||||||||
|
||
VFA sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, pabor lamang sa America
VFA PABOR SA AMERICA. Naniniwala si UP Prof. Roland Simbulan na pabor sa America ang VFA sapagkat nagtatagal at nakakaikot sa Pilipinas ang mga kawal Americano sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas dahilan sa Visiting Forces Agreement. (Melo Acuna)
ANG Visiting Forces Agreement sa pagitan ng dalawang bansa ay isang kasunduang nagpapanitili ng mga Americano sa Pilipinas kahit pa napawalang-bisa na ang bases agreement noon pa mang 1991. Ito ang pahayag ni Professor Roland Simbulan, isang dalubhasa sa relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos sa isang panayam mula mismo sa UP Campus sa Lungsod ng Quezon.
Si Professor Simbulan ay naging consultant ni Senador Wigberto Tanada ilang taon bago pa man napawalang-saysay ang kasunduan nagbibigay ng pahintulot sa mga Americanong magpanatili ng kanilang mga base-militar sa Pilipinas. Naniniwala ang propesor na ang Visiting Forces Agreement ay pumapabor sa paninirahan ng mga Americano sa alinmang bahagi ng bansa na mas malala pa kaysa sa pagkakaroon ng mga base bago sumapit ang taong 1991.
Nararapat lamang na palawakin ang pakikipagkaibigan sa iba't ibang bansa sa halip na makipagkaibigan lamang sa isang superpower. Ipinaliwanag ni Professor Simbulan na mas magandang dagdagan pa ng Pilipinas ang mga kasunduan sa iba't ibang bansa sapagkat higit itong magiging kapakipakinabang.
Sa katanungan kung ilan ang mga Americanong naninirahan sa Pilipinas ayon sa Visiting Forces Agreement, sinabi ni Professor Simbulan na mismong si US Defense Secretary Robert M. Gates ang nagsabi sa New York Times noong ika-20 ng Agosto 2009 na mayroong 600 mga Amerikanong kawal sa bansa sa ilalim ng Joint Special Operations Task Force-Philippines. Karamihan umano sa mga kawal na ito ang nasa Mindanao.
Halos tatlong beses sa bawat taon nagkaroon ng mga pagsasanay at madalas ng dalawin ng mga barko at eroplanong Americano ang iba't ibang daungan at paliparan. Wala umanong kumpletong nagagawang monitoring ang pamahalaan ng Pilipinas. Inihalimbawa niya ang naganap sa USS Guardian na nasa Tubbataha Reef na hindi naman nararapat mapunta sa pook na wala namang joint military exercise.
Idinagdag pa ni Prof. Simbulan na nakikita na lamang ang mga Americano sa iba't ibang bahagi ng bansa ng walang mga kasamang kawal na Pilipino. Mula sa minsan sa isang taon, naging whole-year round ang mga pagsasanay dahilan sa pagkakaroon ng VFA.
Ikinalungkot din niya ang special treatment sa mga Amerikanong lumalabag sa batas ng Pilipinas.
Wala umanong lakas ang bansa upang ipagtanggol ang nasasakupan nito kaya't umaasa sa magiging tulong ng Estados Unidos. Subalit madaling niliwanag ni Prof. Simbulan na mas makabubuting madaliin ng Pilipinas ang modernisasyon ng sandatahang lakas nito.
Obsolete na umano ang Mutual Defense Treaty sapagkat tapos na ang Cold War, dagdag pa ni Prof. Simbulan, na base sa kaisipan ng America kaysa sa Pilipinas.
Ayon umano sa Mutual Defense Treaty, tumanggi ang Estados Unidos na tulungan ang Pilipinas sa sigalot nito sa Malaysia noong dekada Sisenta hinggil sa Sabah sapagkat ang Malaysia ay hindi bansang komunista.
Bigas, inilaan para sa mga umuwi mula sa Sabah
NAGLAAN ang National Food Authority ng halos 100,000 sako ng bigas para sa mga Pilipinong nawalan na hanapbuhay at matitirhan dahilan sa sigalot sa Sabah.
Ayon kay Administrator Orlan A. Calayag ng National Food Authority, pinangangasiwaan ng Crisis Management Committee sa ilalim ng Oplan Tabang BASULTA ang pamamahagi ng bigas. Ang BASULTA ay nangangahulugan ng Basilan, Sulu at Tawi-Tawi. Karamihan ng nagsibalik sa Mindanao ay naninirahan na sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan.
Nagmula ang bigas sa mga bodega ng National Food Authority sa Zamboanga City, Batangas at National Capital Region. Idinagdag ni Ginoong Calayag na magpapatuloy ang pagpapadala nila ng bigas upang mapanatili ang presyo nito sa pamilihan.
Nabatid na tumaas ang presyo mula P 780 bawat 25 kilo ng well-milled rice at P 1,030 para sa espesyal na uri ng bigas. Handa rin ang NFA sa Davao at Zamboanga at Maynila kung mangangailangan pa ang mga Muslim sa BASULTA.
Mga Laiko, magkakaroon ng "White Vote"
BRO. MIKE VELARDE NG EL SHADDAI, KASAMA SA "WHITE VOTE". Nabuo ng mga laiko sa Pilipinas ang White Vote ayon sa kahilingan ng mga Katoliko sa buong bansa. Maninindigan ang mga laiko laban sa Reproductive Health law.
TINIYAK ng mga lider ng mga laikong Katoliko sa Pilipinas na maninindigan sila sa darating na halalan. May iba't ibang grupo na nagsusulong na magkaroon ng "Catholic vote."
Ayon kay Atty. Aurora Santiago, pangulo ng Council of the Laity of the Philippines mayroong pitong iba't ibang grupong nagsusulong na bumuo ng Catholic vote mula sa iba't ibang mga lalawigan.
Nagsagawa ang lupon ng mga laiko ng mga pagpupulong, konsultasyon at pagsusuri sa mga kasama ng kanilang organisasyon, dagdag pa ni Atty. Santiago.
Umabot umano sa 3,500 ang dumalo at karamihan ay nagsabing napapanahon na upang magsulong at magtaguyod ng mga kandidato para sa pambansang halalan.
Makikilala ang grupo sa pangalang Lay Solidarity Coalition for Preservation of Family and Life at mangangampanya sa taguring "White Vote" movement na magkakaroon ng tatlong grupo sa voters' education, communication at endorsement.
Sa isang briefing sa Paranaque City, sinabi ni Bro. Mike Velarde na hindi dapat magulat na nagsama-sama ang iba't ibang grupong Katoliko dahilan sa pinagtalunang Reproductive Health Bill. Naniniwala si Ginoong Velarde ng El Shaddai na ang Reproductive Health Law ay hindi solusyon sa problemang pang-ekonomiya ng bansa. Kaisipan at dikta ng mga banyaga ang reproductive health law kahit pa ang human resources ang siyang basic resource ng bansa.
Ito ang dahilan kaya't magsusulong ng mga kandidato ang mga laikong Katoliko sa buong bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |