|
||||||||
|
||
Barkong pangisda, sumadsad sa Tubbataha Reef
SA pagtatapos ng salvage operations para sa isang sumadsad na minesweeper ng Estados Unidos, isang barkong pangisda mula sa Tsina ang sumadsad sa Tubbataha Reef.
Ayon kay Coast Guard Spokesman Commander Armand Balilo, nag-ulat si Angelique Songco, ang Park Superintendent ng Tubbataha Reef National Park na mga alas onse kwarenta ng gabi, oras sa Maynila, sumadsad ang isang barkong pangisda mula sa Tsina. Ang barko ay mayroong bow number na 63168 at may 12 kataong tripulante higit sa isang nautical mile sa silangan ng Tubbataha Reef.
Isinasagawa na ng park rangers ang imbentaryo at imbestigasyon sa mga taong sakay ng barko. Ayon kay Bb. Songco, pawang mga Tsino ang mga tripulante. Ipinadala na ang Search and Rescue Vessel 3503 upang tulungan ang mga mangingisda. Nakatakdang dumating ang barkong pang-ayuda ng Pilipinas kaninang ika-siyam at kalahati ng umaga. Malaki umano ang posibilidad na ang mga mangingisda ay maituturing na poachers at illegal entrants.
Sa follow-up report, halos nakarating na ang search and rescue vessel sa sumadsad na barko at inaasahang makararating ganap na mga alas onse kaninang umaga. Aalamin ang kalagayan ng mga mangingisda at tulungang mapalutang na muli ang sasakyang-dagat. Kung sakaling lumutang ang makaalis sa pagkakasadsad ang barko, sasamahan sila ng search and rescue vessel patungo sa Puerto Princesa City.
Dadalhin ang mga Tsino sa tanggapang mag-aalaga sa kanila. Mayroon ng koordinasyon sa Philippine Committee on Illegal Entrants, dagdag pa ni Commander Balilo
Wala pang opisyal na pahayag ang Embahada ng Tsina sa Maynila.
Mga Benepisyo ng mga Beterano, tiniyak ni Pangulong Aquino
MAKAKAASA ang mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na makararating ang mga nakalaang benepisyo na ayon sa kanilang pangangailangan.
Sa kanyang talumpati sa ika-71 paggunita ng Araw ng Kagitingan sa Mt. Samat sa Bataan, sinabi ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na nakatutok ang pamahalaan sa pagpapatupad ng Filipino Veterans Equity Compensation Law na mabigyan ang mga non-US citizens ng aabot sa $ 9,000 at $ 15,000 para sa mga US citizens. Noong nakalipas na Enero, ani Pangulong Aquino umabot na sa $ 224 milyon ang naipamahaging kompensasyon sa halos 19,000 mga aprubadong aplikasyon ng mga beteranong naglingkod noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Nakatutok din ang administrasyon sa kapakanan ng mga beterano sa Philippine Veterans Affairs Office tulad ng pagbibigay ng buong kabayaran sa Total Administrative Disability pensions bilang dagdag na P 1,700.00 sa bawat beteranong sumapit ng 70 taong gulang.
Naglilingkod din ang may 600 pampublikong ospital sa buong bansa sa mga beterano. Ang mga ito'y accredited ng Veterans Memorial Medical Center bilang regional at provincial extension hospitals. Mula noong buwan ng Enero, ang dating subsidyong P 800 bawat araw, umabot na ito sa P 1,200.00 sa bawat araw ng pananatili sa pagamutan.
Bilang pangwakas, sinabi ni Pangulong Aquino na nananatiling mga gabay ang mga beterano sa mga nagaganap sa bansa sa pagsusulong ng daang matuwid. Nanawagan din siyang manatiling handang mag-alay ng sarili para sa malawakan at makabuluhang pagbabago.
Dumalo rin sa pagtitipon sina US Ambassador Harry K. Thomas, Jr. Japanese Ambassador Toshinao Urabe at iba pang mga kabilang sa diplomatic corps.
Kahalagahan ng kapayapaan sa Mindanao, binigyang-diin ni Congressman Datumanong
WALANG hihigit pa sa pagnanais ni Congressman Simeon A. Datumanong na maghari ang kapayapaan sa Mindanao. Sa kanyang talumpati sa pagdaraos ng ika-50 anibersaryo ng kanyang paglilingkod sa pamahalaan, ginunita ni G. Datumanong ang kanyang papel sa negosasyon sa Tripoli, Libya sa mga kasapi ng Moro National Liberation Front.
Ayon kay Datumanong, binanggit niya kay Professor Nur Misuari na hindi madaling makamtan ang nais niyang mga lupain na maging bahagi ng autonomous government ang may 12 milyong mga Pilipino na kinabibilangan lamang ng may tatlong milyong Muslim.
Ipinaliwanag niya kay Professor Misuari na sa democratic process, ang mayorya ang nagwawagi at hindi kailanman nananalo ang mga kabilang sa minorya. Bagaman, nagkaroon ng paglagda sa peace agreement matapos ang ilang kasunduang pabor sa MNLF at maging sa pamahalaan ng Pilipinas.
Nakipag-usap din si G. Datumanong kay Chairman Hashim Salamat sa kanilang kampo sa Camp Abubakar at nagkasundong mag-usap upang magkaroon din ng peace agreement noong panahon ni Pangulong Fidel V. Ramos. Magugunitang bumuo rin ng lupon si Pangulong Ramos upang makipag-usap sa mga MILF. Natigil lamang ang kanyang pakikipag-usap dahilan sa deklarasyon ni Pangulong Joseph Estrada ng "all-out war" noong 2000.
Sa ilalim ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, humingi siya ng pahintulot na kausaping muli ang mga MILF.
Sa Maguindanao, paghahanda para sa halalan, sapat.
MAYROONG sapat na paghahanda ang 6th Division ng Philippine Army para sa darating na halalan sa ika-13 ng Mayo ng taong ito. Sa isang panayam, sinabi ni Brig. General Romeo L. Gapuz, commanding general ng 6th Division na nananatiling payapa ang Maguindanao, North Cotabato, Sultan Kudarat at bahagi ng Lanao del Sur, nagpapatuloy ang rido, isang uri ng paglalaban-laban ng angkan sa kapwa angkan.
Binigyang-diin ni General Gapuz na naghihintay lamang sila ng anumang tawag mula sa Commission on Elections upang tumugon sa pangangailangan sa darating na halalan.
Mas makabubuti umanong suriin ng Commission on Elections ang situwasyon at alamin ang magiging mga pangangailangan matiyak lamang ang payapang halalan sa buwan ng Mayo.
Sa panig naman ng mga armadong grupo sa kanilang nasasakupan, sinabi ni General Gapuz na walang anumang nababalita sa tungkol sa mga pinaggagagawa ni Umbra Kato, ang breakaway leader ng Moro Islamic Liberation Front at ngayo'y kilala na sa Bangsamoro Freedom Fighters.
Bagong Obispo ng Imus, hinirang
SA kauna-unahang pagkakataon mula ng manungkulan si Pope Francis, inilabas niya ang unang appointment para sa isang obispong Pilipinong tubong Batangas upang maglingkod bilang Obispo ng Imus, si Bishop Reynaldo Evangelista.
Hinirang ni Pope Benedict si Bishop Evangelista, kasalukuyang Obispo ng Boac sa Marinduque na kahalili ni ngayo'y Luis Antonio G. Cardinal Tagle na Arsobispo ng Maynila. Magugunitang walang obispo ang Imus mula noong Disyembre 2011.
Isinilang si Bishop Evangelista noong ika-8 ng Mayo, 1960 sa San Jose, Mabini, Batangas at naordenan sa pagkapari noong 1986. Siya ang ikatlong obispo ng Boac noong Disyembre, 2004 sa pagkakahirang ni Beato John Paul II.
Ang bagong Obispo ng Imus ay 52 taong gulang at kabilang sa Permanent Council ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. Siya ang Chairman ng Commission on Vocations at kasapi ng Commission on Seminaries. Buong lalawigan ng Cavite ang sakop ng Diocese of Imus at mayroong tinatayang dalawang milyong mga Katoliko.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |