|
||||||||
|
||
AABOT sa pitumpung mga mangangalakal mula sa Tsina ang darating sa Maynila upang makausap ang mga pinuno ng Philippine Chamber of Commerce and Industry mula bukas hanggang sa darating na Huwebes.
Pamumunuan ni Yu Ping, Vice Chairman at Wang Li, Deputy Director General ng China Council for the Promotion of International Trade ang delegasyon mula sa iba't ibang kumpanyang sangkot sa iba't ibang industriya.
Ayon kay Dr. Francis Chua, dating pangulo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, layunin ng investment forum na ito na mapalawak ang kalakalan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas lalo pa't idinaraos ang Years of Friendly Exchanges hanggang ngayong 2013.
Idaraos ang Investment Forum sa multi-purpose hall ng Philippine Chamber of Commerce and Industry sa McKinley Hill sa darating na Miyerkoles. Umaasa ang organizers na magbubunga ng maganda ang pagdalaw ng delegasyong mula sa Tsina sa pag-iibayo ng negosyo sa magkabilang panig.
ORAL ARGUMENTS TUNGKOL SA MINING ACT, PAKIKINGGAN NG KORTE SUPREMA SA BAGUIO CITY
ISANG makasaysayang pagdinig ng Korte Suprema ang gaganapin sa Baguio City bukas ng hapon. Ang usapin ay may kinalaman sa batas na nagtatadhana ng mga kalakaran sa pagmimina. Makasaysayan ito sapagkat ang pagdinig ay gagawin sa Lungsod ng Baguio na matagal nang nakinabang sa industriya ng mina.
Karaniwang ginagawa ang mga pagdinig ng Korte Suprema sa Baguio tuwing sumasapit ang tag-init. Dalawang petisyon ang tatalakayin sa pagdinig. Ipinagtatanong ng mga nagpetisyon ang constitutionality ng Sections 80 at 81 ng Mining Act of 1995 at Department of Environment and Natural Resources Administrative Order 2007-12 na nagtatakda ng taxes, duties, fees at ang tinaguriang kita mula sa Mineral Production Sharing Agreements at Financial Technical Assistance Agreements. Ang Mining Act at DAO ang naglimite ng bahagi ng pamahalaan sa karaniwang buwis at iba pang bayarin at wala umanong probisyon para sa income o kita. Magkaiba ang buwis sa kita at sa ilalim ng DAO 2007-12, may posibilidad na hindi pa makatanggap ng karagdagang bahagi.
Kailangang magpasa ng batas ang Kongreso ng alternative mining law na hindi nagsasagka ng buwis, duties at fees na kinikilalang "government share" o kita mula sa pagmimina ng non-renewable mineral resources.
Mga katutubo, mahihirap at mga taong umaasa sa likas na yaman na pawang apektado ng FTAA at MPSA at support organizations mula sa Social Action Center ng Diocese of Marbel at iba pang mga partido political ang nagpetisyon sa hukuman.
MOTION FOR RECONSIDERATION, IPINAABOT NG PUBLIC ATTORNEYS OFFICE SA COURT OF APPEALS
IPINARATING ni Atty. Persida V. Rueda-Acosta, Chief Public Attorney ang Motion for Reconsideration sa ngalan ng mga biktima at kamag-anak ng mga nasawi sa paglubog ng Princess of the Stars ng Suplicio Lines matapos pawalang-sala si Edgar S. Go, isang mataas na opisyal ng kumpanya.
MGA BIKTIMA NG PRINCESS OF THE STARS UMAPELA SA KORTE. Dumulog ang mga biktima ng paglubog ng MV Princess of the Stars noon 2008 sa Court of Appeals upang baliktarin ang unang desisyon na nagpapawalang-sala sa isang opisyal ng Suplicio Lines. Nasa larawan si Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta (gitna) kasama ang isang senior staff sa pagpapaabot ng kanilang apela sa hukuman.
Hiniling ni Atty. Acosta sa Court of Appeals na pawalang-saysay ang desisyong inilabas nito noong nakalipas na Marso 22 at kilalanin ang resolution ng lupon ng Kagawaran ng Katarungan na nagsasabing may kasalanan si Ginoong Go ng reckless imprudence resulting in homicide, serious physical injuries and damage to properties.
Aabot sa 800 kataong kinabibilangan ng mga pasahero at tripulante ng barko ang nasawi sa insidenteng naganap noong kasagsagan ng bagyong Frank noong 2008 sa Romblon.
ASIA, SANDIGAN PA RIN NG KAUNLARAN; TSINA, MAUNLAD PA RIN
DAHILAN sa malakas na pamimili ng mga mamamayan ng iba't ibang bansa sa Silangang Asia at Pacific, lumago ito ng 7.5% noong nakalipas na 2012. Mas mataas ito kaysa sa ibang bahagi ng daigidig.
Ito ang pinakamalaking kaunlarang napuna ng World Bank na nagsabing lalago pa ang ekonomiya ng rehiyon sa 7.8 % ngayong 2013 at bababa sa 7.6% sa 2014.
Sinabi ni Axel van Trotsenburg, East Asia and Pacific Vice President ng World Bank na nakaambag ang rehiyon ng may 40% sa global growth noong 2012 at umaasa ang pansaigdigang ekonomiya na may kaakibat na investor confidence at matatag na financial markets.
Idinagdag pa niya na napapanahon na para sa mga bansa na tumulong sa mas mahihirap na bansa sa pamamagitan ng mas marami at mas magandang investments upang maganap ang inclusive growth.
Ang fiscal at monetary policies na magsusulong ng consumption at investments ang nakatulong sapagunlad ng rehiyon noong 2012 samantalang ang middle-income countries na maganda rin ang kinahinatnan. Ang umuunlad na bansa, liban sa Tsina, ay umunlad ng 6.5% mula sa 4.5% noong 2011.
Ayon sa World Bank, ang Tsina na nagkaroon ng growth rate na 7.8% noong 2012 dahilan sa rebalancing efforts ay kinakitaan din ng pagtaas ng disposable income ng mga tahanan sa mga lungsod ng higit sa 9% kaya't nagkatulong ng 4.4 percentage points sa GDP growth. Lalago na naman ang Tsina at mararating ang 8.3% ngayong 2013 at bababa sa 8.0% sa 2014.
MGA POLITIKO, DAPAT PAG-ARALAN ANG ISYU NG DEATH PENALTY AT JUVENILE DELINQUENCY
BINALAAN ni Rudy Diamante, Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Prison Pastoral Care, ang mga politiko na pag-aralan ang mga isyu hinggil sa death penalty at juvenile delinquency sapagkat maraming mga detenido ang makakaboto sa national at local elections.
Mayroong 72,000 prisoners na kalahok sa nalalapit na halalan ay maaaring makapagdikta ng magwawagi sa pagkasenador hanggang sa mga konsehal.
Ani G. Diamante, ang kanilang karapatang bumuto ay isang karapatan na hindi nararapat alisin kung detenido lamang ang isang tao. Makakaimpluensya ang kanilang boto sa ika-12 at ika-13 puesto sa Senado. Nanawagan din siya sa mga politiko na dumalaw sa mga piitan upang ipaliwanag ang kanilang paninindigan hinggil sa death penalty at pagpapatupad ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |