Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pagmimina nararapat makatulong sa bayan at mamamayan

(GMT+08:00) 2013-04-17 17:58:48       CRI

Pagmimina nararapat makatulong sa bayan at mamamayan

NANINDIGAN si Atty. Christian S. Monsod, isa sa mga pinuno ng Climate Change Congress of the Philippines sa ginawang oral argument sa harap ng Korte Suprema sa Baguio City kahapon, na maraming mga bansa ang nagbabalik-aral sa kanilang pamamalakad tungkol sa industriya ng pagmimina.

Sa harap ni Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno at labing-apat na associate justices, binanggit ni G. Monsod na ang mga pamahalaan ng Colombia, Ghana, Guatemala, Honduras, Peru, Chile, Australia, Venezuela, Zambia, Zimbabwe at Indonesia ang nagsusuri ng kanilang mga batas sapagkat kulang sa pagtiyak sa "sustainable development" at "inclusive growth" at hindi patas ang mga benepisyo at halagang pinapasan ng pamahalaan at mga investor sapagkat nalalamangan ang mga pamahalaan.

Ipinaliwanag pa ni G. Monsod na ang inclusive growth ayon sa Philippine Development Plan 2011-2016 ay nangangahulugan ng kaunlarang nakagagawa ng hanapbuhay at nag-aangat ng karamihan papasok sa economic at social mainstream at higit sa lahat ay nagbabawas ng bilang ng mahihirap sa bansa.

Kailangang maging patas at kapaki-pakinabang ang mga batas sa pagmimina, dagdag pa ni G. Monsod.

Sa nakalipas na limampung taong pamamayagpag ng industriyang ito, wala namang naganap na industralisasyon ayon sa mga minahan na higit pang ipinaghirap ng mga mamamayan, lalo't higit sa mga kanayunan.

Binigyang-diin pa ni G. Monsod na ang mga minahan ay nasa kanayunan at kabundukan na may epekto sa mga ilog at baybay-dagat na siyang tinitirhan ng pinakamahihirap na mga mamamayan mula sa mga magsasaka, mga katutubo at mga mahihirap na mangingisda. Upang ipaliwanag ang bagay na ito, ang minahan umano ang katatagpuan ng pinakamataas na poverty incidence na 48% ayon sa 2009 Survey of Family Income and Expenditures.

Tumaas din ang poverty incidence mula 1988 hanggang 2009 tulad ng CARAGA na nagkaroon ng 47.5%, Zamboanga Peninsula (42.75%) at Bicol Region (44.92%). Sa mga kabayanan, sa Bataraza, Palawan na kinalalagyan ng Rio Tuba sa nakalipas na 30 taon, ang poverty incidence ay 53.% na napakataas kung ihahambing sa 26%.

Bagama't hindi binabanggit ang pinag-uugatan ng kahirapan, kitang-kita ang koneksyon ng pagmimina sa kahirapan. Mapapatunayan ding hindi umuunlad ang uri ng buhay sa mga pook na may minahan.

Ipinag-utos ni Chief Justice Sereno ang pagpapatuloy ng oral argument sa darating na Martes, ika-25 ng Hunyo sa Maynila.

Public Attorney's Office, humiling na dalhin ang dalawang akusado sa pagsalakay sa Malaysiya sa pagamutan

HINILING sa Regional Trial Court Branch 5 ng Bongao, Tawi-Tawi ni Atty. Persida V. Rueda-Acosta, Chief Public Attorney, na ilipat ang dalawa sa mga akusadong sumalakay sa Sabah, Malaysia sa pagamutan. Sa apat na pahinang mosyon sa ngalan ni Jonatahan Ranoco at Ruben Unuk na pawang akusado sa paglabag sa mga batas ng Pilipinas, hiniling ni Atty. Persida V. Rueda-Acosta na dalhin ang dalawa sa Zamboanga City Medical Center sapagkat walang pagamutang mapagdadalhan sa dalawa sa bayan ng Bongao.

Sinuri na ni Dr. Erwin P. Erfe ang dalawang akusado at nabatid na nangangailangan ng ibayong paggamot sa Zamboanga sa ilalim ng recognizance. Wala umanong kakayahan ang dalawang makapagpiyansa kaya't recognizance ang kanilang maasahan.

Hiniling din ni Atty. Acosta sa hukuman na babaan ang piyansa sa tatlong libong piso sa bawat usaping ipinaabot laban sa dalawa na magkakahalaga na lamang ng P 9,000.00 bawat isa.

Pamahalaan, nanawagan sa mga Pilipinong nasa ibang bansa

MAS makabubuting makipagtransaksyon sa mga freight forwarders na accredited ng Philippine Shippers Bureau upang maiwasan ang anumang problema sa kanilang mga kargamento at mga pakete tulad ng Balikbayan boxes.

Ayon kay Undersecretary for Consumer Welfare and Business Regulation Zenaida Maglaya na ang accredited freight fowarders ay maasahan sapagkat sumusunod sila sa mga kautusan ng pamahalaan at garantisado ang kanilang kakayahan na maglingkod sa mga kliyente.

Mayroon ding "code of ethics" bukod pa sa mga insurance coverage ang mga ito, dagdag pa ni Undersecretary Maglaya.

Mayroong 632 PSB-accredited freight forwarding companies, 422 ang non-vessel common carrier; 590 and international freight forwarder at 157 ang domestic freight forwarder.

Nakatanggap na rin ang Department of Trade and Industry ng 153 reklamo ng hindi paghahatid ng balikbayan boxes mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig noong 2012. May 60 ang nakatanggap ng kanilang kargamento sa pamamagitan ng DTI-Philippine Shippers Bureau. May 41 ang nakarating na sa mga hukuman, apat ang isinailalim sa arbitration samantalang 41 pa ang nasa tanggapan ng DTI-PSB sapagkat kulang pa ang mga impormasyong napapaloob sa reklamo.

Mga taong-simbahan, nagmamasid sa oral arguments sa Korte Suprema

KORTE SUPREMA, NAGSAGAWA NG PAGDINIG SA MINING ACT OF 1995.  Nasa larawan ng 15-kataong mahistrado ng Korte Suprema ng Pilipinas sa kanilang en banc session sa Lungsod ng Baguio kahapon.  Sinimulan ang oral arguments at pinamunuan ni Atty. Christian Monsod ang lupon ng mga petitioner laban sa Mining Act of 1995.  magpapatuloy ang pagdinig sa Hunyo 25, 2013 sa Maynila. (Kuha ni Melo Acuna)

 

SISTER NELDA BALANA, OND, NANAWAGAN SA KORTE SUPREMA.  Dalangin ni Sr. Nelda na makita ng Korte Suprema ang kahalagahan ng pagpapawalang-saysay sa Mining Act of 1995 sapagkat maraming mga paglabag sa Karapatang Pangtao sa kanila sa Mindanao.  Naglakbay ang madre mula Timog Cotabato patungong Baguio upang magmasid sa oral arguments.

PARI, NANINIWALANG DAPAT SURIIN ANG MGA BATAS.  Naniniwala naman si Fr. Oliver Castor, CSSR, na kailangang suriin ang mga batas sa pagmimina sapagkat walang umunlad na pook na kinalalagyan ng minahan.  Kasama siya sa sumaksi sa oral argument kahapon sa Korte Suprema sa Baguio City.

SINABI ni Sr. Nelda Balana, OND, ang kinatawan ng Diocesan Social Action Center ng Diocese of Marbel na dalangin niyang makita ng Korte Suprema ang kahalagahan ng pagpapawalang-saysay sa Mining Act of 1995.

Ipinaliwanag ng madre na sa SMI Xtrata sa South Cotabato, samantalang nasa exploration stage pa lamang, marami ng mga paglabag sa karapatang pangtao. Maraming mga katutubo ang kontra sa open pit mining at nagkaroon ng food blockade at mga pagpatay sa mga kontra sa pagmimina. Isang isyu pa rin ang mga tahanan ng mga katutubo.

Si Sr. Nelda ang namumuno sa Human Rights Desk ng Diocesan Social Action Center sa Marbel, South Cotabato.

Sa panig ni Fr. Oliver Castor, CSSR, sinabi niya na isang mumunting pagwawagi na ang ginawang pag-uutos ng Korte Suprema na magkaroon ng oral arguments kahapon. Ayon kay Fr. Castor, 2008 pa sila nagpetisyon at humiling na kilalaning labag sa Saligang Batas ang Mining Act of 1995. Hindi lamang ito tungkol sa pagmimina sapagkat nararapat suriin ang development paradigm upang huwag mauwi sa wala ang mga barangay at mamamayang kinalalagyan ng mga pagmimina.

Si Fr. Castor ang isa sa mga namumuno sa Alyansa Tigil Mina.

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>