|
||||||||
|
||
Malacanang: huwag magbigay ng salapi sa mga rebelde; mga guingona, nanawagang ituloy ang Peace Talks
KASABAY ng pagkondena ng Malacanang sa New People's Army sa pananambang sa mga sasakyan ni Mayor Ruth Guingona, nanawagan ang Palasyo na huwag magbibigay ng salapi sa mga rebelde. Nakaligtas ang three-term mayor sa kamatayan subalit dalawa sa kanyang bodyguards ang nasawi.
Kaya umano ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na ipagtanggol ang mga kandidato sa kapahamakan. Ginawa ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda ang panawagan dahilan sa nababalitang panghihingi ng protection money ng mga rebelde.
Batid ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang mga hakbang na gagawin upang matiyak na ligtas ang mga kandidato sa kapahamakan at ng huwag nang magbayad ng permit to campaign. Nararapat lamang magsumbong ang mga mamamayan at ipadadala kaagad ang mga kawal matiyak lamang na waking anumang NPA checkpoints.
Handa pa rin ang pamahalaang isulong ang kapayapaan sa mga kabilang sa CPP-NPA-NDF basta't ipakita lamang ng huli ang kanilang katapatan.
Samantala, nanawagan ang pamilya ni Mayor Ruth Guindona na ipagpatuloy ang pag-uusap pangkapayapaan ng pamahalaan at ng Communist Party of the Philippines-New People's Army-National Democratic Front upang maiwasan ang pagdanak ng dugo at paglabag sa Karapatang Pangtao.
Sinabi ni dating Pangalawang Pangulong Teofisto Guingona, Jr. at ng kanyang anak na si Senador Teofisto TG Guingona III na kailangang bumalik sa negotiating table ang magkabilang-panig upang matamo ang tunay na kapayapaan at kaunlaran sa kanayunan.
Ito ang kanilang panawagan matapos ma-ambush ng mga NPA at masugatan si Gingoog City Mayor Ruth Guingona, maybahay ng dating pangalawang pangulo at ina ng senador. Dalawang close-in security escorts ang nasawi.
Nararapat lamang ituloy ang pag-uusap upang mawala na ang malalagim na insidente, dagdag pa ni Senador Guingona.
Dapat handa na ang mga mangangalakal sa ASEAN Integration sa 2015
NARARAPAT paghandaan ng Pilipinas at iba pang mga bansang kabilang sa ASEAN ang pagkakaroon ng ASEAN Economic Community sa 2015. Ang isang malaking problema ay kung handa na ba ang small and medium enterprises para sa regional integration.
Ayon kay Rafaelita Aldaba, sa kanyang pag-aaral, napuna mahina ang performance ng SMEs kahit pa maryoong mga hakbang na ipinatutulad sa ASEAN Strategic Action Plan for SME Development 2010-2015 at sa ilalim ng ASEAN Policy Blueprint for SME Development 2004-2009.
Karamihan ng mga sumailalim sa survey ang nagsabing limitado ang epekto ng palatuntunan upang madali ang access sa impormasyon, pamilihan at human resource development skills, finance at technology.
Mga relihiyoso sa Pilipinas, nagtatanong kung ano ang nagaganap sa bansa
ILANG linggo bago maganap ang mid-term elections, naglabas ng isang maanghang na pahayag ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines na nagtatanong kung ano na ang naganap sa bansa mula ng maluklok si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa Malacanang.
Sa isang pahayag na inilabas sa mga mamamayahag ngayon, sinabi ng mga pari at madreng kabilang sa samahan na noong nakalipas na ilang taon naranasan ng bansa ang malawakang korupsyon, kaguluhan sa larangan ng ekonomiya, umiinit na social unrest at pagkasiphayo ng mga mamamayan sa liderato ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Nabanaag ng mga Pilipino ang liwanag sa pagkakaroon ng palatuntunang Matuwid na Daan na sinabayan ng kasabihang Kung walang Corrupt, Walang Mahirap.
Sa pagluklok ni Ginoong Aquino, nagkaroon ng panibagong pag-asa lalo pa't hinabol niya ang mga sinasabing nagnakaw sa kaban ng bayan. Ikinalungkot nila na walang sinumang malaking taong nahatulan dahilan sa katiwalian, ni walang nahatulang sangkot sa trafficking of women and children.
Ikinalungkot din nila ang kalagayan ng kapaligiran, patuloy na napipinsala mula sa kagubatan hanggang sa mga batuhan. Mangilan-ngilan lamang mga Pilipino ang nakikinabang sa paglapastangan sa kagubatan at kalikasan.
Bagama't ilang batas ang naipasa sa Karapatang Pangtao, patuloy pa rin ang mga paglabag sa Karapatang Pangtao. Wala ring anumang nagawa sa larangan ng Repormang Agraryo, dagdag pa ng samahan ng mga relihiyoso. Pinuna rin nila ang panggigipit sa mga nagbubunyag ng mga katiwalian tulad ng naganap kay Jun Lozada na may kasong kinakaharap ngayon.
Bagama't napakaraming mga katanungan, mangilan-ngilan lamang ang kasagutan, dagdag pa nila.
Investment grade at mataas na growth rate ng Pilipinas, hindi pa nadarama ng mga mamamayan
INCLUSIVE GROWTH, ILUSYON LAMANG NG PAMAHALAAN. Ito ang paniniwala ni Fr. Anton Cecilio T. Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas sa isang panayam ng CBCP Online Radio. Sinabi niya na kapani-paniwala ang sinabi ni dating Socio Economic Planning Secretary Cielito Habito na 40 pamilya lamang ang may tangan ng 76% ng yaman ng buong bansa.
BAGAMA'T umaasa si Fr. Anton C. T. Pascual, Executive Director ng Caritas Manila na may magandang hinaharap ang bansa sa mataas na growth rate at investment grade na ibinigay ng Fitch Rating, hindi nadarama ng karamihang Pilipino ang biyayang idinudulot ng magandang kakalakaran sa ekonomiya.
Nananatiling tanong kung sino sa Pilipinas ang nakikinabang sa biyayang idinudulot ng magandang ekonomiya. Kahit pa umano sabihin ni Pangulong Aquino na maganda na ang ekonomiya, lumalabas na 40 pinakamayayaman na pamilya sa bansa ang may control sa 76% ng yaman ng bansa, nananatili itong isang malaking iskandalo at kawalan ng katarungang panglipunan.
Ang inclusive growth ay nananatiling isang ilusyon ng pamahalaan, dagdag pa ni Fr. Pascual sa panayam ng CBCP Online Radio. Ang pamahalaan umano ang siyang may responsibilidad na magparating ng kaukulang biyaya sa mga nangangailangan.
Idinagdag pa ni Fr. Pascual na 90% ng mga mamamayan ay nasa kategorya ng Class D at E ayon sa mga pagsusuri ng mga ahensya ng pamahalaan. Kinikilalang ang pamahalaan ang siyang "equalizer" ng lipunan.
Samantalang malaki ang salaping ipinasok ng mga manggagawa sa ibang bansa at mga business process outsourcing, pawang sa service sector lamang pumasok ang salaping ito at hindi nakarating sa industriya. Nauubos lamang umano ang mga salaping pumapasok sa consumption ng mga mamaman.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |