Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Ambassador Basilio, nagbigay-galang kay Pangulong Xi Jinping

(GMT+08:00) 2013-04-23 18:28:22       CRI

Ambassador Basilio, nagbigay-galang kay Pangulong Xi Jinping

NAGBIGAY-GALANG si Philippine Ambassador to China Erlinda F. Basilio at nag-abot ng kanyang credentials kay Pangulong Xi Jinping ng People's Republic of China kahapon. Sinamahan siya ni Deputy Chief of Mission Antonio Morales at iba pang kawani ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing.

Sa kanyang pagdating sa Great Hall of the People, sinalubong si Ambassador Basilio at mga kasama ng isang opisyal mula sa Ministry of Foreign Affairs at sinamahan kay Pangulong Xi na siyang tumanggap ng kanyang Letter of Credence at Letter of Recall ni dating Philippine Ambassador Sonia Brady.

Ayon sa balita mula sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, ipinarating ni Ambassador Basilio ang mensahe ng pakikipagkaibigan ni Pangulong Aquino kasabay ng layuning maibalik ang bilateral relations sa mas magandang kalagayan. Inulit niya ang paanyaya ng Pamahalaan ng Pilipinas na magsagawa ng State Visit sa Pilipinas. Ipinarating din ni Ambassador Basilio ang kanyang pag-asa na sa ilalim ng liderato ni President Xi magkakaroon na mas magandang economic relations ang Pilipinas at Tsina.

Ipinarating din niya ang mensahe ng pakikiramay ni Pangulong Aquino at ng mga mamamayan ng Pilipinas sa mga biktima ng mapaminsalang lindol sa Lushan at mga kalapit na pook ng Sichuan.

Mainit na tinanggap ni Pangulong Xi si Ambassador Basilio sa Tsina at nagpasalamat sa mensahe ng pakikiramay sa mga biktima ng trahedya sa Lushan. Ginagawa ng Pamahalaan ng Tsina ang lahat upang makabawing muli ang napinsalang lalawigan. Umaasa rin ang Pangulo ng Tsina na higit na susulong ang magandang relasyon ng dalawang bansa. Tradisyunal na magkaibigan ang Pilipinas at Tsina, dagdag pa ni Pangulong Xi. Hiniling din niya kay Ambassador Basilio na iparating ang kanyang mainit na pagbati kay Pangulong Aquino.

Matapos ang pagtatagpo, nagpahapunan si Ambassador Basilio sa ilang opisyal ng Ministry of Foreign Affairs at Chinese People's Association for Friendship with Foreign Countries sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing.

Mahihirap sa Pilipinas, walang gasinong ipinagbago

HINDI pa nalulutas ng kasalukuyang administrasyon ang isyu ng kahirapan sa bansa at maituturing na isa sa bawat apat na mamamayan ang mahirap kahit pa maganda ang takbo ng ekonomiya.

Ayon kay Socio-Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan, babahagyang nabawasan ang mahihirap sa bansa. Sa isang press briefing kaninang umaga, sinabi niyang nabawasan ang kahirapan mula 2009 hanggang 2012 sa pitong rehiyon tulad ng Cagayan Valley, MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula at CARAGA. Mayroon ding mumunting kabawasan sa kahirapan sa Central Luzon samantalang nagkaroon ng bahagyang pagtaas ng kahirapan sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region at CALABARZON.

Nagkaroon ng kapuna-punang pagtaas ng kahirapan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao partikular sa mga lalawigan ng Maguindanao at Lanao del Sur at maging sa SOCKSKARGEN lalung-lalo na sa North Cotabato at Cotabato City. Mayroong bahagyang pagtaas ng kahirapan sa Eastern Visayas, Northern Mindanao at Davao Region.

Ipinaliwanag ni Kalihim Balisacan na samantalang lumago ang ekonomiya ng 5.9% na nagkaroon ng pagrebisa at naging 6.0% sa ikalawang bahagi ng 2012, napuna na ang paglago ng sektor ng pagsasaka ay napakabagal sa pagbaba ng produksyon ng fisheries sector.

Naniniwala si G. Balisacan na magtatagal bago makita ang ginagawang mga programa ng pamahalaan upang mapigil ang kahirapan. Ilan umano sa mga gawaing-bukid ay ayon sa panahon tulad ng tubo at sa pagbaba ng presyo ng kape sa pandaigdigang pamilihan samantalang ang ilang usapin ay structural tulad ng fisheries sector. Ang ilan ay dahilan sa mga sakit tulad ng napuna sa mangga at seaweeds. Problema ang under-employment sa agriculture sector sapagkat ang mga magsasaka ay nagtatrabaho lamang ng mas mababa sa 40 oras sa bawat linggo.

Mabuti na lamang at iilan ang trahedyang humagupit sa bansa noong 2012 at pinagtutuunan ng pansin ay kung paano maiiwasan ang pinsalang idudulot nito.

Ang problema sa kapayapaan ay may malaking epekto sa kaunlaran ng Maguindanao, Lanao del Sur, North Cotabato at maging sa Lungsod ng Cotabato. Sa mga kaguluhang naganap, nabawasan ang economic activity sa mga pook na ito.

Ang kailangan umano ay malawakang solusyon sa kahirapan at makikita ito sa Philippine Development Plan, dagdag pa ni Kalihim Balisacan.

Tatlong magdaragat sa Kenya, nakabalik na sa bansa

MATAPOS maghintay ng halos tatlong linggo, nakabalik na sa bansa ang tatlong magdaragat na Plipinong nasa Jomo Kenyatta International Airport sa Kenya noon pang Easter Sunday.

Pinagtulungan ng Department of Foreign Affairs, Philippine Overseas Employment Administration at recruitment agency Stella Maris ang pagpapauwi kina Edgar Tolentino, Boyeto Banila at Christopher Sembrano, na pawang kawani ng MV Asahi.

Humingi ng tulong ang tatlo sa Embahada ng Pilipinas matapos hindi makaalis sa paliparan matapos kanselahin ng kanilang employer ang kanilang mga ticket na magdadala sa kanila sa Doha at Maynila.

Pabalik na sila sa Maynila mula sa Congo na siyang dinaungan ng kanilang barko. Tapos na ang kanilang mga kontrata. May connecting flight sana sila mula sa Congo at Nairobi.

Dinaluhan naman ng mga kawani ng Embahada ng Pilipinas ang tatlo at kinuha ang kanilang pamasahe sa Assistance-to-Nationals Fund na hawak ng Department of Foreign Affairs.

Arsobispo Cruz: ang politika ay negosyo

ANG POLITIKA AY NEGOSYO.  Naniniwala si retiradong Arsobispo Oscar V. Cruz na ginagawang negosyo at investment ang pagtakbo sa halalan ng mga politikong Pilipino.  Kung anoman ang gastos sa kampanya ay nababawi naman sa pork barrel.  Anang arsobispo, apat ang mahahalagang isyu ng mga senador at kongresista ngayon.  Ang mga ito'y pabahay, trabaho, edukasyon at kalusugan.  (Larawan ni Roy Lagarde)

Dalawang katangian ang hinahanap ni Arsobispo Oscar V. Cruz sa mga kandidato sa pagka-senador ngayong darating na halalan sa ika-13 ng Mayo 2013.

Nararapat na maging kapani-paniwala ang kanyang sinasabi at ikinikilos at may kakayahang matupad ang kanyang mga binabanggit sa kampanya. Ang politika, nakalulungkot nga lamang ay maituturing na negosyo at investment sapagkat babawiin ang kanilang gastos sa kampanya sa pamamagitan ng pork barrel.

Ito rin ang dahilan kaya't nagaganap ang political dynasties sa Pilipinas sapagkat napakagandang pagkakataon ang politika upang kumita. Hindi makagagawa ng Implementing Rules and Regulations ang probisyon sa Saligang Batas na nagbabawal ng political dynasties sapagkat sila rin ang tatamaan ng batas na ito.

Nahihirapan daw umano ang mga mambabatas na kilalanin ang kahulugan ng katagang "dynasty."

Sa katungan kung ano ang nararapat maging prayoridad, binanggit ni Arsobispo Cruz na hindi niya maunawaan kung bakit pinawalang-bisa ang Magna Carta of the Poor ni Pangulong Aquino samantalang madaling ipinasa at naging batas ang reproductive health bill.

Idinagdag ng retiradong arsobispo, apat ang mahahalagang pangangailangan ng bayan ngayon ay trabaho, edukasyon, pabahay at kalusugan. Ang sabi ni Arsobispo Cruz ay magkatotoo lamang ang isa sa apat na ito ay malaking bagay na para sa mga mamamayan. Sa likod ng magandang ekonomiya, mas maraming katanungan ang nananatili. Mas mura na ba ang pagkain? Nagkaroon na ba ng maraming pabahay? Mura na ba ang mga gamot? Nagkaroon na ba ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino?

Ang apat na mahahalagang isyu ang nararapat ding bigyang pansin ng mga tumatakbo sa pamahalaang panglalawigan, bayan at lungsod.

Marami na umanong mga reklamong natatanggap tungkol sa nalalapit na halalan tulad ng source code. Mayroon umanong apat na samahang nagbabantay sa mga nagaganap sa halalan. Nangangamba si Arsobispo Cruz sa mga patayang nagaganap. Habang lumalapit ang halalan, higit na darami ito. Mas marami pa umanong patayang magaganap sa pagtatapos ng halalan.

Nangangamba pa rin ang arsobispo sa mga balitang hindi kayang magawang malinis at maayos ang halalan sa Pilipinas.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>