|
||||||||
|
||
PATULOY na lumakas ang industriya ng information technology at business process outsourcing noong 2011 sa likod ng mabuway na pandaigdigang ekonomiya ayon sa pag-aaral na ginawa at pinamagatang Survey of Information Technology-Business Process Outsourcing Services na ginawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Umabot sa US $ 12.1 bilyon ang kinita ng industriya. Lumago ito ng 20.1% kung ihahambing sa US $ 10.1 bilyon noong 2010.
Ipinaliwanag ng Bangko Sentral ng Pilipinas na ngayon lamang nila inilabas ang laman ng pagsusuri sapagkat tumagal ang survey. Kumita lahat ang contact centers, transcription, animation, software development at iba pang BPOs. Ang contact centers ang nakatamo ng 56.5% ng buong kita ng industriya at nanatili ang Pilipinas na contact center capital ng daigdig matapos maungusan ang India noong 2010.
Ang export earnings ng industriya ay tumaas ng 17.8% at nagkahalaga ng US$ 11.2 bilyon noong 2011 mula sa US $9.5 bilyon noong 2010. Ang export earnings ay 92.4% ng buong kinita ng industriya at bumaba ito kung ihahambing sa kinita noong 2010 sa larangan ng export-to-revenue ratio. Ang contact centers ay nagkaroon ng mas mababang export-to-revenue ratio na 90.4% noong 2011 kung ihahambing sa 97.4% noong 2010 sapagkat mas marami silang pinaglingkurang kumpanyang Pilipino.
Nagkaroon ng total employment sa local IT-BPO industry na 679,464 noong 2011, mas mataas ng 26.7% sa 536,128 noong 2010. Kumita ang mga kawani ng US $ 5.8 bilyon noong 2011 at mas mataas sa kinitang US $4.5 bilyon noong 2010.
MGA MAMAMAHAYAG, DAPAT NAKAPAGHANDA NA PARA SA ELECTION COVERAGE
PHOTO NO. 1 - NANGANGAMBA SI G. VERGEL SANTOS SA SISTEMA NG BILANGAN. Nararapat paghandaan ng mga mamamahayag sa kanilang coverage sa darating na Mayo 13 kung anu-ano ang nakataya sapagkat may posibilidad na pakialaman ng ilang grupo ang kalalabasan ng halalan. Magugunitang ang mga balota ay idaraan sa Precinct Count Optical Scan machines. (Kuha ni Melo Acuna)
NARARAPAT lamang na nakapaghanda na ang mga mamamahayag para sa gagawin nilang election coverage sa mga oras na ito. Naniniwala si Vergel Santos, isa sa mga kinikilalang haligi ng pamamahayag sa Pilipinas na dapat nilang pagtuonan ng pansin ang isyu na pagkakaroon ng malinis na halalan.
Mas madali umanong paki-alaman ang election results sapagkat wala namang kaalaman ang media kung ano ang paraan sa pagbibilang ng boto. Wala umanong nakakaalam kung paano magkakaroon ng validation ng mga taga-Comelec at mga partido politikal. Malaki umanong problema ito sapagkat pagpasok ng balota sa PCOS ay wala ng nakababatid kung ano ang paraan ng pagbibilang.
Ipinaliwanag ni G. Santos na mas nakakabahala kung paano gagawin ang halalan ngayong taon kaysa sa mga nakalipas halalan. Mas namimiligro ito ngayon sapagkat may posibilidad na pakialaman ng mga grupo ang kalalabasan ng botohan.
Nararapat lamang na pag-aralan ng mga taga-media kung ano ang mga nakataya sa halalang ito at kung ang anumang kalalabasan ng halalan ay base sa kalayaan at malinis na proseso.
CARDINAL TAGLE: ILABAS NYO NA SI JONAS BURGOS
LUMAHOK na si Manila Archbishop Luis Antonio Gokim Cardinal Tagle sa mga nananawagang ilabas na ang dinukot na aktibistang si Jonas Burgos.
Sa kanyang Misa sa Basilica Minore ng Itim na Nazareno kaninang ika-sampu at kalahati ng umaga, tiniyak ng arsobispo na siyang kasama ng pamilya ni Edita Burgos sa pagdarasal na mapalaya na mula sa pagkakapiit ang nawawalang si Jonas.
Nanawagan din siya sa mga may kinalaban sa pagdukot at pagkawala ng anak ng yumaong freedom fighter at anti-Marcos newsman na si Jose "Joe" Burgos, Jr., na palayain na ang nawawalang aktibista.
"Haharap din kayo sa Diyos," dagdag pa ng cardinal. Magugunitang puwersahang dinukot si Jonas sa isang food court sa Ever Gotesco Mall sa Quezon City noong ika-28 ng Abril 2008.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Dr. Edita Burgos sa pakikiisa ng mga kaibigan at kamag-anak sa kanyang paghahanap sa kanyang nawawalang supling. Naniniwala din siya na buhay pa ang kanyang anak.
Ang suporta ni Cardinal Tagle ay malaking bagay sa kanyang paghahanap sa nawawalang anak. Sa gitna umano ng kanyang mahigpit na schedule, nakatagpo si Cardinal Tagle ng panahon upang makiisa sa kanyang pamilya at mga kaibigan, dagdag pa ni Dr. Burgos.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |