|
||||||||
|
||
IPARARATING ng isa sa pinakamalaking samahan ng mga manggagawa, ang Trade Union Congress of the Philippines ang kanilang hinaing kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino sa isang almusal na nakatakdang gawin sa Malacanang bukas, bisperas ng Labor Day.
Nakatakdang dumalo sina Victorino Balais at Gerard Seno, pangulo at secretary-general ng Trade Union Congress of the Philippines sa almusal ganap na ika-sampu ng umaga. May 40 iba pang mga labor leader na kasapi sa koalisyong kilala sa pangalang NAGKAISA ang inaasahang dadalo sa pulong.
Nangako umano si Pangulong Aquino na regular na pupulungin ang mga manggagawa subalit walang anumang naganap mula ng siya'y mangako. Maraming mga usapin ang hindi nalutas at patuloy ng natatambakan, dagdag pa ni G. Seno.
Nangunguna sa kanilang agenda ang tinaguriang "jobless growth" kahit pa umano maganda ang takbo nito. Ang kaunlarang ito'y hindi pa nagkakaroon ng dagdag na hanapbuhay.
Ibinalita nilang ang National Economic Development Authority na natamo ng Pilipinas ang 6.6% GDP growth na mas mataas kaysa sa Thailand na nagkaroon ng 6.4%, Indonesia na mayroong 6.2%, Malaysia na nagkaroon ng 5.6% samantalang ang Vietnam ay mayroong 5.0%. Ang Singapore ay nagkaroon ng 1.2%.
Ayon sa datos ng National Statistics Office, may 2.89 milyon ang walang hanapbuhay na mga mamamayan noong Enero 2013 mula sa 2.76 milyon noong Oktubre 2012. Mayroon ding 7.934 milyon ang under-employed noong Enero ng 2013. Tumaas ito ng may 916,000 mula noong Enero 2012 at 7.050 milyon noong 2011.
Ngayong 2013 nakita ang pinaka-mataas na bilang ng under-employed sa loob ng anim na taon at umabot sa 8.55 milyon at may higit sa 80% ang nasa pagsasaka at services sector tulad ng mga security guard, teller, clerck, mekaniko, technicians, salesladies and service crew.
Maliban sa mga isyu at datos na nabanggit, ilalabas din nila ang mahahalagang paksa tulad ng employment at job creation, contractualization, social protection, karapatang bumuo ng samahan at pagkakaroon ng collective bargaining . dagdag-sahod kasama ang tripartism at social dialogue, labor dispute settlement, dagdag pa ni Ginoong Seno.
SAMANTALA, hindi matatanggap ng mga kawani ng pamahalaan ang non-wage benefits na nakatakdang ilunsad sa darating na Mayo uno.
Sa gitna ng pagtaas ng halaga ng pamumuhay, ang kailangan ay dagdag na sahod, sabi ni Ferdie Gaite, national president ng COURAGE. Humihiling sila ng P 6,000 increase sa minimum wage. Ang kasalukuyang sahod ng mga manggagawa sa pamahalaan ay P9,000 bawat buwan ng wala pang deductions. Tinataya ng pamahalaan ang cost of living sa halagang P 29,000 bawat buwan.
Negosasyong pangkapayapaan sa mga Komunista, hindi nagtagumpay
PINAG-AARALAN ng Pamahalaang Aquino ang bagong landas na tatahakin upang malutas ng payapa ang mga sagupaang nagaganap sa pagitan ng pamahalaan at ng Communist Party of the Philippines/New People's Army/National Democratic Front. Ito ang pananaw ni Atty. Alexander Padilla, Peace Panel chair ng Pamahalaan ng Pilipinas sa pakikipag-usap sa mga rebelde sa kanyang pahayag na lumabas sa Official Gazette ng Republika ng Pilipinas ngayon.
Magkakaroon ng panibagong hakbang ang pamahalaan upang matamo ang kapayapaan sapagkat hindi makapaghihintay ng matagal na bumalik ang mga rebelde sa negotiating table.
Ayon sa balitang lumabas, hindi na nagkasundo ang magkabilang panig. Sinabi ni Atty. Padilla, sa mag-usap man o hindi, tuloy pa rin ang kaguluhan at walang anumang nagbago.
Bakit pa kailangang mag-usap, tanong ni Ginoong Padilla.
Balak ni Pangulong Aquino na matapos ang usapan at makabalik ang kapayapaan matapos ang 44 na taong pag-aaklas na ikinasawi na ng may 30,000 katao. Wala na umanong nakikitang timeframe.
Nakita ng magkabilang-panig ang posibilidad na magkalagdaan ng kasunduan noong 2011 matapos ang isang top-level talks sa Norway. Nangako ang magkabilang-panig na lalagda sila sa kasunduang pangkapayapaan sa pagtatapos na June 2012. Hindi na umusad ang pag-uusap mula noon.
Bukas ang pamahalaan na ituloy ang pormal na negosasyon sa kanila subalit tuloy ang pagdami ng kanilang mga kahilingan tulad ng pagpapalaya sa kanilang mga kasamahang nadakip. Ang pag-uusap sa ilalim ng special track ay natigil din sapagkat mas maraming hinihiling ang kabilang panig, dagdag pa ni Atty. Padilla.
Panukala ni Jose Maria Sison ang Special Track upang madali ang pag-kakasundo sa Draft Declaration on National Unity and Just Peace na magiging sandigan ng kagyat na tigil-putukan at pagbuo ng Committee for National unity, Peace and Development. Wala itong pre-conditions at siyang lalampas sa matagalang proseso ng regular track.
Titus Brandsma Media Center, tuloy sa kanilang patimpalak
NAGPAPATULOY sa pagtanggap ng mga nominasyon para sa 2013 Titus Brandsma Award Philippines sa mga kategoryang kinabibilangan ng Titus Brandsma Award Philippines for Press Freedom, Titus Brandsma Award Philippines for Leadership in Journalism, Titus Brandsma Award Philippines for Leadership in Community Communication, Titus Brandsma Award Philippines for Leadership in Communication and Culture and Arts at Titus Brandsma Philippines for Leadership in Communication and Literature.
Ayon kay Fr. Christian B. Buenafe, O.Carm. executive director ng Titus Brandsma Media Center, magmumula ang pararangalan sa mga individual journalist, artist, literary writer/author, songwriter o media group, theater group/institute, musical group/choir, songwriters' group, scriptwriters' group, visual artists group, community radio station, community newspaper at iba pa. Maaari ding igawad ang parangal sa isang yumaong tao.
Isang lupon ng mga iginagalang na dalubhasa sa media at mga alagad ng sining ang bubuo ng lupon na hahatol sa mga nominado mula sa Awards Secretariat. Ang deadline ay ika-15 ng Mayo ng taong ito. Maaaring makakuha ng detalyes sa tbcmedia@yahoo.com o sa telepono bilang +63 2 7266054 at hanapin sina Beth at Joy.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |