Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pilipinas, nakatanggap ng ikalawang investment grade

(GMT+08:00) 2013-05-02 18:14:30       CRI

UNA sa mga opisyal ng pamahalaan si Kalihim Cesar Purisima ng Kagawaran ng Pananalapi sa pagpapasalamat sa Standard and Poors upgrade ng bansa sa Investment Grade rating mula BB+ at naging BBB- na mayroong stable outlook ngayong Huwebes.

Nakita na umano ng S & P, tulad ng Fitch ang matatag na economic at fiscal gains at kaunlarang natamo. Nararapat lamang ipagpasalamat ito sa maayos na pamamalakad ng pananalpi ni Pangulong Aquino sa kanyang pamahalaan. Ang maayos na takbo ng pamahalaan, ang tuwid na daan, ay nagdudulot ng pangmatagalang kaunlaran sa Pilipinas.

Ang Investment Grade na ito ay isang vote of confidence at pagkilala sa mga nakikita na ng merkado na nakikipagsabayan na ang Pilipinas sa mga bansang may investment grade. Nararapat lamang pagtibayin ang pag-aalis sa nalalabing balakid sa kaunlaran, dagdag pa ni Kalihim Purisima.

Source code, mahalaga sa darating na Halalan sa Mayo 13

MAS maganda kung ang halalan ay manual at ang transmission ay electronic sapagkat makikita ng mga mamamayan ang bilangan sa mga presinto. Ito ang pahayag ni dating Commission on Elections Commissioner Augusto "Gus" Lagman, ang kinikilalang isa sa mga dalubhasa sa larangan ng Information Technology sa Pilipinas.

Sa panayam sa CBCP Online Radio, sinabi ni Ginoong Lagman na sa automated elections, hindi nakikita kung paano binibilang ang mga balota. Dahilan sa nawala ang transparency, kailangan ang source code. Ito ang siyang naglalaman ng mga instruction ng computer programmer sa makina upang gawin ang nararapat gawin. Puedeng magkamali ang makina kaya't kailangang magkaroon ng review sa source code.

Kung hindi magkakaroon ng review, malaki ang tsansang magduda ang mga botante sa kalalabasan ng halalan. Nararapat magkaroon ng review ang mga political party sa source code. Ipinaliwanag ni G. Lagman na sa 30 bansang mayroong automated elections, 18 na ang bumalik sa manual tulad ng Alemanya.

Tama lamang na magkaroon ng review ang international certification body subalit may karapatan pa rin ang mga political party sa bansa na suriin ang source code. Ito na umano ang kanyang paninindigan sa mga pagdinig pa lamang sa Senado tungkol sa batas na naglalayong magkaroon ng automated elections. Pakinggan ang detalyes ng panayam sa CBCP Online Radio sa palatuntunang Kape, Balita Atbp.

Mga Fil-Am at mga Pinoy sa America, interesadong maglagak ng salapi sa Pilipinas

INTERESADO ang mga Pilipino at Fil-Am sa magnegosyo sa Pilipinas. Ito ang dahilan kaya't nagbabalak ang Embahada ng Pilipinas sa Washington, D. C. na magsagawa ng panibagong roadshow sa America sa susunod na taon.

Sinabi ni Philippine Ambassador to the United States Jose L. Cuisia, Jr, na ang pagdaraos ng 3rd Philippine Investment Roadshow ay dahilan sa tagumpay ng 2nd Philippine Investment Roadshow sa Los Angeles, Chicago at Boston mula ika-22 hanggang ika-26 ng Abril.

Hindi lamang ikinagulat ang bilang ng mga korporasyong Americano at mga opisyal ng pamahalaan na dumalo bagkos ay ang kakaibang interes na ipinamalas na magnegosyo sa Pilipinas. Mas matagumpay umano ang idinaos na roadshow ngayong taon kaysa noong nakalipas na taon.

Humigit sa 300 katao ang lumahok sa investment seminars sa tatlong lungsod at kinakitaan ng umentong umabot sa 31%.

Idinagdag pa ni Ambassador Cuisia na maaaring gawin ang 3rd Philippine Investment Roadshow sa Houston, ang oil capital ng Estados Unidos, sa Atlanta sapagkat mayroon itong trade relations sa ASEAN at sa Philadelphia dahilan sa dami ng mga batang propesyunal na Fil-Am.

Lalahok na sa susunod na taon ang mga nangungunang corporate executives na mual sa infrastructure (energy, water at highways), business process outsourcing at information technology, financial services, electronics at electronics devices at pharmaceutical and biotechnology.

Mga turistang dumalaw sa Pilipinas, nadagdagan

IKINATUWA ng Malacanang ang ulat ng Kagawan ng Turismo na umabot na sa 1,271,579 ang bilang ng mga turistang dumating sa Pilipinas sa unang tatlong buwan ng 2013. Mas mataas ito ng 10.76% kaysa sa parehong panahon noong 2012 sa pagkakaroon ng 1,148,072.

Mula noong Disyembre, ang foreign visitor arrivals ay lumampas na sa 400,000. Ito ang unang pagkakataong maraming mga banyagang turista ang dumating tulad noong Disyembre na mayroong 442,088, Enero 436,079, Pebrero 418,108 at Marso 417,392.

Umaasa ang Kagawaran ng Turismo na magkakaroon ng 5.5 milyong tourist arrivals ngayong 2013. Hindi binanggit sa pahayag kung saan-saang bansa nagmula ang mga turista.

Detenidong dating opisyal, tumakas sa piitan ng NBI

TUMAKAS mula sa kanyang piitan sa National Bureau of Investigation si dating Police Supt. Cezar Mancao sa pangambang mapapatay siya sa oras na dalhin sa regular na piitan base sa kautusan ng isang hukuman. Isa umanong senador ang may masamang binabalak.

Sa panayam sa ABS – CBN News Channel (ANC), pinangalanan ni G. Mancao si Senador Panfilo Lacson na siyang nang-impluwensya sa mga opisyal ng NBI, mga hukom upang talikuran na niya ang paghahanap ng katarungan.

Tumakas si G. Mancao kaninang 1:14 A.M. matapos ayusin ang planong paglilipat sa kanya sa regular na piitan ayon sa kautusan ng hukuman. Sa oras na mailipat siya ng piitan tiyak na umano ang kanyang kamatayan.

Maghihiganti umano si Senador Lacson sa kanya.

Sinabi rin ni G. Mancao na si Senador Lacson na dati niyang amo sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force ay nagtago ng higit sa isang taon bago nabaliktad ang ruling ng hukuman. Pinawalang-saysay ng Court of Appeals ang kasong murder laban kay Senador Lacson na nagtatago noon, dahilan sa Dacer-Corbito double murder case.

Akusado si Lacson ng pagiging utak sa pagpaslang kay publicist Salvador "Bubby" Dacer at Emmanuel Corbito. Ayon kay Mancao, si Senador Lacson na noo'y General sa pulisya, ang nag-utos kay Michael Ray Aquino na dukutin ang mga biktima. Si Aquino ay dating police intelligence officer.

Samantala, binigyan si G. Mancao ng hanggang ngayong araw na ito upang sumuko. Ang palugit ay mula kay Justice Secretary Leila de Lima.

Mga manggagawa mula sa Syria, darating bukas sa Maynila

NAKATAWID ng maluwalhati ang 35 mga manggagawa sa hangganan ng Syria at Lebanon kahapon at nakatakdang sumakay ng eroplano patungong Maynila ngayon. Daraan sila sa Doha, Qatar.

Nakatakdang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 bukas ng ika-11:00 ng gabi sa flight QR 644. Umabot na sa 3,986 ang mga nagsilikas mula sa Syria.

Mayroong 123 Filipino ang nabigyan ng exit visa ng Syrian Immigration authorities at naghihintay na lamang ng repatriation. Ang Embahada sa Beirut ang nagpo-proseso na ng kanilang mga transit visa sa Lebanon

Mga trak, nararapat sumunod sa mga alituntunin

NARARAPAT sumunod sa mga reglamento ang mga may-ari ng mga trak na pangkargamento sa bagong gross vehicle weighs depende sa configuration dahilan sa masigasig na pagpapatupad ng anti-overloading provisions ng Republic Act 8794. Nagsagawa ng consultations ang Department of Public Works and Highways at Department of Transportation and Communication sa iba't ibang stakeholder upang maipatupad ang alituntunin na magsasanggalang sa mga pagawaing bayan.

Napuna ng pamahalaan ang overleaded trucks at haulers kaya't dinagdagan na ang kapal ng semento mula 230 mm au ginawa nang 280 mm. Ang maximum load ng truck trailer na may tatlong axle at 22 gulong ay 45,000 kilos.

Isang special permit ang ilalabas ng DPWH para sa mga sasakyang may kargang mga bagahe na hindi mapapaghiwalay na kargamento.

Ayon kay Kalihim Rogelio Singson, sa kanilang pag-aaral, ang overleaded vehicles, partikular ang mga trak at trailer ay napakalaki ng pinsalang idinudulot sa mga pagawaing-bayan.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>