Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Lima katao, nabalitang nasawi, anim na iba pa sugatan sa biglang pagbuga ng usok ng Bulkang Mayon kaninang umaga

(GMT+08:00) 2013-05-07 18:39:59       CRI

Lima katao, nabalitang nasawi, anim na iba pa sugatan sa biglang pagbuga ng usok ng Bulkang Mayon kaninang umaga

BIGLAANG NAGLABAS NG USOK ANG BULKANG MAYON. Kita sa larawan ang kulang abong usok mula sa 2,462 metrong Bulkang Mayon. Lima katao ang nabalitang nasawi samantalang anim na iba pa ang nasugatan. (Larawan mula sa Tanggapan ni Gobernador Jose Sarte Salceda)

TURISTANG NAKALIGTAS, NAGBAHAGI NG KANYANG KARANASAN SA PAGSABOG NG MAYON. Kausap ni Gobernador Jose Sarte Salceda si Sabine Strohberger ng Austria sa kanyang tanggapan kanina. Ayon kay Cebric Daep ng Provincial Disaster Risk REduction and Management Countil, singlalaki ng kotse ang mga batong dumaan sa kanila matapos ang pagsabog ng Mayon kaninang ikawalo ng umaga. (Larawan mula sa Tanggapan ni Gobernador Jose Sarte Salceda)

NAKIKIPAG-UGNAYAN pa ang mga autoridad sa Lalawigan ng Albay sa Embahada ng Alemanya sa Maynila upang malaman kung ang apat na banyagang nabalitang nasawi ay kanilang mga mamamayan. Isang Pilipinong tour guide ang nasawi sa biglang pagdighay ng Bulkang Mayon kaninang ika-walo ng umaga.

Ayon kay Gobernador Jose Sarte Salceda ng Albay, tumawag si Director Renato Solidum ng Philippine Institute of Volcanoloy and Seismology upang ibalita ang ash explosion kaninang ganap na ikawalo ng umaga at nakarating sa taas ng 500 metro ang usok. Sinasabing ang mainit na singaw ay maihahambing sa singaw ng hot spring.

Kahit walang Alert Level na ipinatutupad, inulit ni Gobernador Salceda ang pagbabawal sa pag-akyat sa 2,462 metrongh bulkan. Ang sinumang aakyat sa bulkan ay kailangang magpa-alam sa Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at sa Kagawaran ng Turismo.

Hindi na rin papayagan ang All-Terrain Vehicles sa itaas ng lava front.

Bawal ang pagkuha ng mga orchid at gular sa loob ng anim na kilometrong permanent danger zone.

Nagbabala ang Phivolcs na maaaring maganap na naman ang pagsabog ng walang anumang senyales.

Sa liham na ipinadala ni Gobernador Salceda kay Tourism Secretary Ramon R. Jimenez, kinilala niya ang mga sinasabing nasawi sa mga pangalang Joan Edosa babaeng Aleman, Roland Pietieze lalaking Aleman, Farah Frances (Kastilang naninirahan na sa Alemanya) at Furian Stelter (Aleman). Kasama sa nasawi ang tour guide na si Jerome Berin. Inabot sila ng pagsabog sa Camp 2 sa Malilipot, Albay.

Nagtamo ng sugat sina Nithi Ruangpisit at Tanut Ruchipiyrak, kapwa 26 na taong gulang at mula sa Thailand na sinusuri pa sa Bicol Regional Teaching and Training Hospital, Sabine Strohberger, 32 taong gulang na mula sa Austria na ginamot na sa Estevez Memorial Hospital at mga taga-Albay na nakilalang sina Bernard Hernandez, Calixto Balunzo at Kenneth Jesalva na nasa Bicol Regional Teaching and Training Hospital.

Idinagdag pa ni Gobernador Salceda na kasama sa rescue oeprations ang Philippine Air Force na nagpadala ng dalawng UH-1H helicopter. Wala pang official statement ang tanggapang nangangasiwa sa rescue operations hanggang sa mga oras na ito.

Inflation, bumaba noong Abril

NAGING mabagal ang pagtaas ng halaga ng pagkain, kuryente at petrolyo kaya't bumaba ang inflation at umabot sa 2.6 percent noong nakalipas na Abril.

Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), ang average inflation rate para sa nakalipas na unang apat na buwan ng 2013 ay nasa low-end ng Development Budget Coordination Committee inflation target na 3.0 – 5.0 percent sa taong 2013.

Sinabi ni Socio-Economic Planning Secretary Arsenio M. Balisacan na ang headline inflation ay nagkaroon ng deceleration noong Abril matapos magkaroon ng 3.2% sa buwan ng Marso at 3.0 noong nakalipas na taon.

Ang food inflation aay lumuwag sa 2.1% noong Abril 2013 mula sa 2.8 sa buwan ng marso sapagkat ang karamihan ng food commodity items ay nagkaroon ng mas mababang presyo ngayong taon dahilan na rin sa mas magandang supply ng food products.

Ang mga pagkaing ito ay kinabibilangan ng isda, bigas, mais, gatas, keso at itlog. Sa non-food items naman ay bumaba ang presyo ng kuryente, gas at ibang petrolyo at transportation-related commodities.

Bumaba kasi ang presyo ng mga petrolyong gamit ng mga Pilipino noong nakalipas na buwan, paliwanag pa ni Kalihim Balisacan.

Saging mula sa Pilipinas, nakakabawi na; pagbabalik kalakal sa Tsina, magaganap na

SA loob ng hanggang anim na buwan, makakabawi na ang kalakal ng saging na nagmumula sa Mindanao. Ito ang ibinalita ni Kalihim Proceso J. Alcala sa isang panayam kaninang umaga.

Ang malalaking kumpanyang tinamaan ng hagupit ng bagyong Pablo (Bopha) ay nakabawi na rin sa pamamagitan ng pagpapaluwal ng kaukulang kapital mula sa bangkong pag-aari ng pamahalaan. Dalawang taon ang ibinigay na palugit sa kanila at nangangahulugang walang paniningil na magaganap.

Ipagpapatuloy din ang pagpapadala ng saging sa Tsina at ang naganap na pagbabawal noong nakalipas na taon ay isang wake-up call para sa mga kawani ng pamahalaan at mga may mga kumpanya na maging maingat at masinop sa pagsunod sa international standards.

Ayon kay Kalihim Alcala, sinabi na niya sa kanyang mga tauhan na ipatutupad na ang one-strike policy na nangangahulugang matatanggal sila sa trabaho sa oras na may makalusot na produktong hindi dumaan sa kanilang pagsusuri.

Hindi kailanman maisasakripisyo ang kalidad ng produktong lalabas ng bansa upang huwag magbago ang paningin ng daigdig sa mga produktong mula sa Pilipinas, dagdag pa ni Ginoong Alcala.

Palatuntunan para sa mga OFW na interesadong magsaka, ilulunsad na

AANYAYAHAN nina Kalihim Proceso J. Alcala ng Kagawaran ng Pagsasaka at Kalihim Rosalinda D. Baldoz ng Kagawaran ng Paggawa ang mga manggagawang Pilipinong interesadong maglagak ng kapital sa larangan ng pagsasaka.

Sa isang palatuntunang idinaos sa Kagawaran ng Paggawa kanina, sinabi ni Kalihim Alcala na kung ano ang interes ng manggagawang na sa ibang bansa ay kanilang tutulungang maisaayos ang kanilang mga kalakal na nag-uugat sa sakahan.

Nararapat lamang malaman kung saang larangan interesado ang manggagawang maglagak ng kapital. Aalalay ang Kagawaran ng Pagsasaka sa pagbebenta ng mga produktong mula sa mga sakahan ng mga OFW.

Sa panig ni Kalihim Rosalinda Baldoz, makakatulong ang pamahalaan sa pananaliksik, pagbabahagi ng angkop na teknolohiya at pagpaparating ng mga produkto sa pamilihan. Madadagdagan ang kita ng mga OFW sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kalakal sa Pilipinas. Magkakaroon din ng dagdag na hanapbuhay ang mga pamilya ng mga OFW.

Sa Kagawaran ng Paggawa, may nakalaang P 2 bilyon para sa re-integration ng mga OFW na pakikinabangan ng mga manggagawa mula sa P 300,000 hanggang P 2 milyon upang makapagsimula ng kalakal. Hindi na sila magdadalawang-isip na magsaka sapagkat mayroong mga demonstration farms at technology transfer.

Magtutungo si Kalihim Alcala sa Turin, Milan at Roma upang ipaliwanag ang palatuntunang para sa mga manggagawang nasa ibang bansa. Magkakasabay sila ni Kalihim Baldoz sa pag-aalok ng oportunidad sa mga Pilipinong nasa Italya.

Magdedesisyon din ang mga manggagawa upang pag-isipan kung mananatili pa sa ibang bansa o dito sa Pilipinas at magkaroon ng maayos na pagkakakitaan.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>