|
||||||||
|
||
Partido Komunista ng Pilipinas, tiwala pa rin sa kanilang mga negosyador
SUPORTADO at kinikilala pa rin ng Communist Party of the Philippines ang lupon ng mga negosyador mula sa National Democratic Front of the Philippines sa pamumuno ni Chairman Luis Jalandoni at kanilang political consultant Prof. Jose Ma. Sison.
Sa isang pahayag na ipinadala sa CBCPNews, sinabi ng partido na ang mga intrigang ikinakalat ng Pamahalaang Aquino at ng mga negosyador nito sa nakalipas na ilang araw ay nagsasabing may hidwaan sa pagitan ni Professor Sison at ng mga mandirigma nila sa Pilipinas. Wala umano itong basehan, dagdag pa ng pahayag.
Sa layunin ng mga negosyador na ipagpatuloy ang negosasyon, pinananatili nila ang kanilang tanggapan sa Utrecht sa Netherlands sa oras na magdesisyon ang pamahalaang ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa kanila. Tinagurian nilang bahagi ng psychological warfare ang balitang kakausapin ng pamahalaan ang mga lokal na mandirigma sa halip na harapin ang mga negosyador.
Nawawalang turista sa Mayon, natagpuan na
NATAGPUAN na ang nawawalang Thai national sa biglaang pagputok ng bulkang Mayon kahapon ng umaga. Ito ang pinakahuling ulat mula sa tanggapan ni Gobernador Jose Sarte Salceda. Buhay ang Thai national na nakilala sa pangalang Munchai Dsatupurnong ay kabilang sa 21 umakyat ng bulkan at nakasama ng 16 na nakababa mula sa bulkan ng buhay.
Sa pagdighay ng bulkan, gumulong ang malalaking bato pababa at nagkakaroon ng mainit na usok na naging dahilan ng pagkakasugat at pagkakapaso ng ilan sa mga nasugatan. Tatlong Aleman, isang Kastila at ang kanilang tour guide na Pilipino ang nasawi sa insidente.
Maaaring magtagal pa ng hanggang bukas ang retrieval operations sapagkat hirap ang mga rescuer at mga tauhan ng Philippine Air Force sa pagpapalipad ng kanilang UH-1H helicopters dahilan sa lakas ng hangin at baba ng cloud ceiling.
Sa pangyayari kahapon, nagmamasid na rin ang mga tauhan ng Phivolcs sa iba't ibang aktibong bulkan sa Pilipinas tulad ng Taal sa Batangas, Pinatubo sa Zambales, Bulusan sa Sorsogon, Kanlaon sa Negros Oriental at Hibuk-hibok sa Camiguin.
Nagbabala ang mga tauhan ng Philippine Institute of Volcanology ang Seismology na maaaring maganap na muli ang pagsabog ng walang anumang warning.
Higit na sa 4,000 Pilipino ang nakabalik sa Pilipinas mula Syria
UMABOT na sa 4, 131 ang mga Pilipinong nailikas mula sa magulong bansa ng Syria noon pa man noong Marso ng 2011.
Ayon sa datos ng Embahada ng Pilipinas sa Damascus, umabot na sa 4, 131 ang mga Pilipinong napauwi mula ng simulan ang repatriation program ng gobyerno.
Kasama na sa bilang ang 120 Pilipino na dinala ng Embahada ng Pilipinas sa Damascus sa Embahada ng Pilipinas sa Beirut. Apatnapu sa kanila ang sasakay ng Qatar Airways flight na dadaan sa Doha, Qatar samantalang ang nalalabing 80 ay sasakay ng eroplano patungong Dubai, United Arab Emirates. Hahatiin muli sila sa dalawang grupo bago sumakay ng eroplano patungong Maynila.
Darating ang unang koponan ng repatriates sa Ninoy Aquino International Airport bukas bago sumapit ang ika-lima ng hapon sakay ng Qatar Airways Flight QR 646. Darating din ang nalalabing 40 mga repatriate sakay ng Emirates Airlines Flights EK 332 sa ganap na ika-apat ng hapon at EK 334 sa ganap na ika-sampu ng gabi.
Balak pa rin ng pamahalaang pauwiin ang higit pa sa 3,000 manggagawa sa Syria sa pagpapatuloy ng kaguluhan doon.
Isang libong volunteers, handa na sa halalan sa Diocese of Dipolog
HANDA na ang may isang libong volunteers mula sa 38 parokya, quasi parishes at mission sa buong lalawigan ng Zamboanga Del Norte.
Sa panayam kay Fr. Ramil Corong, preparado na sila sa halalan sa darating na Lunes, ika-13 ng Mayo at magtutuon ng pansin sa mga magaganap sa iba't ibang polling places. Ipinagpapasalamat niyang walang anumang historical record na mainitan ang mga nakalipas na halalan. Si Fr. Corong din ang Social Action Center Director sa Dipolog,
Magmamasid ang mga volunteer sa mga magaganap sa polling centers samantalang nasa botohan ang mga mamamayan.
Sinabi ni Fr. Corong na aktibo ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting sa Diocese of Dipolog.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |