|
||||||||
|
||
DAHILAN sa malawakang pagkawala ng kuryente kahapon hanggang halos hatinggabi kagabi, inatasan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III si Kalihim Jericho Petilla ng Kagawaran ng Enerhiya na tiyaking walang anumang magaganap na power failure sa darating na Lunes, ang araw ng mid-term elections.
Tiniyak naman ng kalihim na may sapat na kuryente sa Lunes at ginagawa nila ang lahat upang matiyak na maysapat na kuryente hindi lamang sa Luzon kungdi sa Visayas at maging sa Mindanao.
Isang command conference ang idinaos ngayong Huwebes na kinatampukan ng mga pag-uulat ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa kanilang mga paghahanda upang matiyak ang isang ligtas, maayos, mapayapa at kapani-paniwalang halalan sa Lunes. Nakausap niya ang lahat ng mga pinuno ng mga area commands sa pamamagitan ng video conference.
Nakasama rin sa pulong ang mga kasapi sa security cluster. Natuwa naman si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa paghahanda at pangako ng iba't ibang tanggapan para sa nalalapit na halalan.
Mga manggagawa, nababahala sa power failure kahapon
MALAKING banta sa halalan ang naganap na power failure kahapon at maaaring senyal ng magaganap na kakulangan ng kuryente sa buong Luzon.
Ayon kay Gerard Seno, secretary general ng Trade Union Congress of the Philippines, matagal na nilang binalaan ang pamahalaan nang panganib sa oras na isuko ang control ng kuryente sa pribadong sektor, magkakaroon ng posibilidad ng stage management at pananakot sa mga gumagamit ng kuryente na tanggapin ang mas mataas na halaga ng nito.
Ikinagulat at ikinalungkot nila ang kakulangan ni Kalihim Petilla ng paliwanag kung saan nagkaroon ng problema sa kuryente kahapon hanggang kagabi. Hindi malaman kung sino ang responsable sa pangyayari, kung ito ma'y ang National Grid Corporation o ang anim na planta ng kuryente.
Labi ng mga nasawi sa Bulkang Mayon, naibaba na
MULA sa Lungsod ng Legazpi, selyado na ang cadaver bags na naglalaman ng mga bangkay ng dalawang Alemang nasawi sa pagbuga ng usok at mainit na singaw noong Martes. Naibaba na ang mga labi pasado ala-una ng hapon ngayon lulan ng helicopter ng Philippine Air Force.
Hindi pa maibigay ang mga pangalan ng mga nasawi sapagkat mayroong pag-alam na ginagawa ang mga autoridad.
Unang kinilala ang mga nasawi na sina Joanne Edosa, Roland Pietieze, Farah Frances at Furian Stelter. Ang kanilang tour guide na si Jerome Berin na kawani ng Bicol Adventures na organizer ng pag-akyat sa bibig ng bulkan ay nasawi rin.
Hindi pa rin naibababa sa Lungsod ng Legazpi ang labi ng dalawa pang Aleman.
World Health Organization, nanawagan para sa mga taong naglalakad sa lansangan
SA pagdiriwang ng 2nd United Nations Global Road Safety Week, mula ika-anim hanggang ika-12 ng Mayo, nanawagan ang World Health Organization sa Kanlurang Pasipiko ng ibayong pagkilos upang maipagsanggalang sa kapahamakan ang mga naglalakad sa lansangan.
Sa bawat taon, sa 37 mga bansang kabilang sa Western Pacific region, higit sa 85,000 mga naglalakad sa lansangan ang nasasawi. Ito ang sangkapat na bahagi ng lahat ng road traffic-related fatalities sa rehiyon.
Ayon kay Dr. Shin Young-soo, regional director ng WHO sa Kanlurang Pasipiko, halos lahat ng tao ay naglalakad sa mga lansangan. Ang lahat ay nangangailangang tumulong sa kampanyang titiyak ng mas ligtas na mga lansangan para sa mga naglalakad.
Bahagi ng pagdiriwang ang mga palatuntunang may temang "Long Short Walks" ng Make Roads Safe at Zenani Mandela Campaign na itinataguyod ng World Health Organization sa Tsina, Cambodia, Lao People's Democratic Republic, Pilipinas at Vietnam.
Sa Tsina, isusulong ang paggamit ng ligtas na daraanan patungo sa mga paaralan. May pedestrian safety vehicle technology demonstrations sa Australia samantalang mayroong ministerial road safety conference at public transport day sa Fiji. Mayroon ding photo exhibit hinggil sa pedestrian safety sa Vietnam.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |